Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Miyerkules, Agosto 6, 2025

SHARE THE TRUTH

 4,852 total views

Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (K)

Daniel 7, 9-10. 13-14
Salmo 96, 1-2. 5-6. 9

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

2 Pedro 1, 16-19
Lucas 9, 28b-36

Feast of the Transfiguration of the Lord (White)

UNANG PAGBASA
Daniel 7, 9-10. 13-14

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel

Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y isang milyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at di babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1-2. 5-6. 9

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Ang paligid niya’y ulap na lipos ng kadiliman,
kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit,
sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

Ikaw, Poon, ay Dakila at hari ng buong lupa,
dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

IKALAWANG PAGBASA
2 Pedro 1, 16-19

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa muling pagparito ng ating Panginoong Hesukristo, na puspos ng kapangyarihan, ay hindi sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan nang ipagkaloob sa kanya ng Diyos Ama ang karangalan at kapurihan. Ito’y nangyari nang marinig ang tinig mula sa Dakilang Kaluwalhatian ng langit. “Ito ang pinakamamahal kong Anak; siya ang lubos kong kinalulugdan.” Narinig namin ito sapagkat kami’y kasama niya sa banal na bundok.

Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makabubuting ito’y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat ang nakakatulad nito ay isang ilaw sa karimlan na tumatanglaw sa inyo hanggang sa mamanaag ang Araw ng Panginoon at ang sinag ng tala ng umaga’y maglagos sa inyong puso.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 17, 5k

Aleluya! Aleluya!
Sabi ng D’yos ay pakinggan
ang Anak n’yang minamahal
na lubhang kinalulugdan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 9, 28b-36

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, umakyat si Hesus sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. Samantalang siya’y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha, nagniningning ang kanyang kasuotan na naging puting-puti. Di kaginsa-ginsa’y lumitaw ang dalawang lalaki – sina Moises at Elias na napakitang may kaning-ningan – at nakipag-usap sa kanya. Pinag-usapan nila ang nalalapit na pagpanaw ni Hesus na magaganap sa Jerusalem. Tulog na tulog si Pedro at ang kanyang mga kasama, ngunit sila’y biglang nagising at nakita nila si Hesus na nagniningning at dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. Nang papaalis na sa tabi ni Hesus ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” Ang totoo’y hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. Nagsasalita pa siya nang matakpan sila ng isang ulap, at sila’y natakot. At may isang tinig mula sa alapaap na nagsabi, “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang. Siya ang inyong pakinggan.” Nang tumigil ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Hesus. At hindi muna sinabi ng mga alagad kaninuman ang kanilang nakita.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 6
Pagbabagong-Anyo ng Panginoon

Sa pagbabagong-anyo, inihayag ng Ama ang kaluwalhatian ng kanyang Anak. Hindi natin nakikita ngayon ang kanyang kaluwalhatian, subalit sa ating paghihintay sa Kaharian, manalangin tayo sa Ama sa ngalan niya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Loobin Mong sumikat sa amin
ang Iyong kapangyarihan at kaluwalhatian, Panginoon.

Sa pamamagitan ng Simbahan nawa’y magningning ang kaluwalhatian ni Kristo habang tapat tayong nakikinig sa kanya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga bansa nawa’y maakay ng minamahal na Anak sa mga landas ng kapayapaan at katarungan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y lumago sa biyaya at sa gayo’y mamasdan ng iba ang “liwanag ni Kristo” sa ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong nagdurusa nawa’y makita ang kanilang hinaharap sa nagbagong-anyong Manunubos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y magkaroon ng bagong-anyo at makatulad ng niluwalhating Katawan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, nakamamanghang narito kami! Tanggapin mo ang mga panalangin ng pamayanang ito, natitipon upang marinig ang iyong mga salita at mag-alay ng sakripisyo ng iyong Anak, na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Hindi sapat ang siyensya lamang

 73,336 total views

 73,336 total views Mga Kapanalig, para maiwasan na ang mga palpak na flood control projects, bumuo si DPWH Secretary Vince Dizon ng isang technical working group

Read More »

Wakasan ang OSAEC at CSAEM!

 105,331 total views

 105,331 total views Mga Kapanalig, ang buwan ng Nobyembre ay National Children’s Month. Sa pangunguna ng Council for the Welfare of Children, ang pagdiriwang ng buwan

Read More »

Public service is a public trust

 150,123 total views

 150,123 total views Mga Kapanalig, inilabas na ng lahat ng 24 na senador ang kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (o SALN). Ang SALN

Read More »

Moro-Moro Lamang

 173,073 total views

 173,073 total views Kapanalig, ganito maihalintulad ang naganap at nagaganap na imbestigasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, Senado, Independent Commission on Infrastructure at maging ng Office

Read More »

Holiness Is Not Boring

 188,471 total views

 188,471 total views Napakahalaga para sa Simbahang Katolika ang buwan ng Nobyembre, taun-taon ginugunita ng Santa Iglesia ang “All Saint’s Day” o tinatawag na “All Hallows

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 28,561 total views

 28,561 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 28,792 total views

 28,792 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 29,278 total views

 29,278 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 20,405 total views

 20,405 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 20,514 total views

 20,514 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top