3,658 total views
Miyerkules ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay Santa Teresa Benedicta dela Cruz, dalaga at martir
Mga Bilang 13, 1-2. 25 – 14, 1. 26-29. 34-35
Salmo 105, 6-7a. 13-14. 21-22. 23
Panginoong masintahin
ang bayan mo’y gunitain.
Mateo 15, 21-28
Wednesday of the Eighteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of Saint Teresa Benedicta of the Cross, virgin and martyr (Red)
UNANG PAGBASA
Mga Bilang 13, 1-2. 25 – 14, 1. 26-29. 34-35
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Paran, “Piliin mo ang kinikilalang puno ng bawat lipi at patiktikan mo ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa inyo.”
Pagkaraan ng apatnapung araw ng paniniktik, umuwi na sila at humarap kina Moises, Aaron at sa buong bayang Israel na natitipon noon sa Paran, Cades. Iniulat nila ang kanilang nakita at ipinakita ang mga uwi nilang bungangkahoy. Ang sabi nila, “Nagpunta kami sa lugar na pinatiktikan ninyo sa amin. Mainam ang lupaing iyon. Saganang-sagana sa lahat ng bagay. Katunayan ang bungangkahoy na kinuha namin doon. Ngunit malalakas ang mga tagaroon. Malalaki ang lungsod at matitibay ang muog. Bukod dito, naroon pa ang lahi ni Anac. Sakop ng mga Amalecita ang Negeb. Ang kataasan ay tinitirhan naman ng mga Heteo, Jebuseo at Amorreo. Ang nasa baybay-dagat naman at Ilog Jordan ay mga Cananeo.”
Pagkatapos nilang magsalita, pinatahimik ni Caleb ang bayan, at kanyang sinabi, “Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lusubin na natin sila at tiyak na malulupig natin.”
Sumagot ang ibang tiktik, “Hindi natin sila kaya pagkat mas malakas sila sa atin.” Hindi maganda ang kanilang ulat. Ito ang sinabi nila, “Higante ang mga tagaroon at sinumang magtangkang sumakop sa kanila ay lalamunin nila nang buo. Nakita namin doon ang mga Nefilim, ito’y lahi ni Anac buhat sa Nefilim. Halos hanggang tuhod lamang kami.”
Ang buong bayan ng Israel ay nalungkot, at magdamag na nanangis.
At nagbalik ang mga tiktik, sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Hanggang ngayo’y patuloy pa ang mga Israelita sa pagrereklamo laban sa akin. Kailan pa ba sila tatahimik? Sabihin ninyo sa kanila na ito ang ipinasasabi ko: ‘Buhay akong Panginoon, gagawin ko sa inyo ang narinig kong pinag-uusapan ninyo. Kayo’y mamamatay dito sa ilang. Ang apatnapung araw na paniniktik ninyo sa lupaing yaon ay tutumbasan ko ng apatnapung taon ng pagpapahirap upang madama ninyo ang aking poot sa loob ng panahong yaon.’ Akong Panginoon ang may sabi nito at gagawin ko ito sa masamang bayang ito. Mamamatay sila rito sa ilang.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 6-7a. 13-14. 21-22. 23
Panginoong masintahin
ang bayan mo’y gunitain.
o kaya: Aleluya.
Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
ang aming ginawa’y tunay na di tumpak, pawang kasamaan.
Ang magulang namin nang nasa Egipto, hindi alumana
ang kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita.
Panginoong masintahin
ang bayan mo’y gunitain.
Parang ningas-kugon, ang lahat ng ito’y kanilang nilimot,
sariling balangkas ang sinunod nila, hindi ang sa Diyos.
Habang nasa ilang, ang sariling hilig ang siyang sinunod,
sa ilang na iyo’y kinalaban nila’t sinubok ang Diyos.
Panginoong masintahin
ang bayan mo’y gunitain.
Kanilang nilimot ang Panginoong Diyos, ang Tagapagligtas,
na yaong ginawa doon sa Egipto’y kagila-gilalas.
Sa lupaing iyon ang ginawa niya’y tunay na himala.
Sa Dagat na Tambo yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
Panginoong masintahin
ang bayan mo’y gunitain.
Ang pasiya ng Diyos sa ginawa nila’y lipulin pagdaka,
agad na dumulog sa Poon, si Moises namagitan siya,
at hindi natuloy yaong kapasiyahan na lipulin sila.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng D’yos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 15, 21-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nagpunta si Hesus sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. Lumapit sa kanya ang isang Cananeang naninirahan doon at malakas na sinabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan.” Ngunit gaputok ma’y di tumugon si Hesus. At lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya’y nag-iingay at susunud-sunod sa atin.” Sumagot si Hesus, “Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang ako sinugo.” Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod sa harapan at ang sabi, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Sumagot si Hesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “Ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di’y gumaling ang kanyang anak.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
San Juan Maria Vianney
Bihira nating naaalala ang mga paring tumutulong sa atin sa bawat araw sa ating mga pangangailangang espiritwal. Sa kapistahang ito ni San Juan Maria Vianney, alalahanin natin sila sa ating mga panalangin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na pastol, basbasan mo ang iyong kawan.
Ang ating mga pari nawa’y patnubayan ng Banal na Espiritu sa pag-akay nila sa atin sa daan ng kabanalan. Magkaroon nawa sila ng tunay na sigasig sa pagliligtas ng mga kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kura paroko nawa’y bukas-loob na maglingkod sa Simbahan at maging saksi sa Mabuting Balita na kanilang ipinahahayag, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga laykong mananampalataya nawa’y makipagtulungan sa iba’t ibang programa at pagkilos sa parokya, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa kanilang kabutihang-loob, ang mga Kristiyanong magulang nawa’y maalagaan ang bokasyon sa pagpapari sa kanilang pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nating pari at obispo nawa’y gawing karapat-dapat na makisalo sa Hapag ng Guro, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, sa tulong ng mga panalangin si San Juan Maria Vianney, gabayan at pangalagaan mo ang aming mga kura paroko. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.