2,619 total views
Miyerkules ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Antonio Maria Zacarria, pari
Genesis 21, 5. 8-20
Salmo 33, 7-8. 10-11. 12-13
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Mateo 8, 28-34
Wednesday of the Thirteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Anthony Zacarria, Priest (White)
UNANG PAGBASA
Genesis 21, 5. 8-20
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Si Abraham ay sandaang taon nang ipanganak si Isaac. Lumaki si Isaac, at nang ito’y awatin, naghanda nang malaki si Abraham.
Minsan, si Ismael na anak ni Agar ay nakikipaglaro kay Isaac. Nang makita ito ni Sara, sinabi kay Abraham, “Palayasin mo ang mag-inang iyan! Ang anak ng ating alipin ay huwag mong pamamanahan; si Isaac ang dapat magmana ng lahat!” Labis itong ikinalungkot ni Abraham sapagkat anak din niya si Ismael. Ngunit sinabi ng Diyos kay Abraham: “Huwag kang mabahala tungkol sa mag-ina. Sundin mo na ang gusto ni Sara, sapagkat kay Isaac magmumula ang lahing sinasabi ko sa iyo. Magkakaanak din ng marami ang anak mong iyan kay Agar, at sila’y magiging isang bansa, yamang anak mo rin si Ismael.”
Kinaumagahan, ang mag-ina’y ipinaghanda ni Abraham ng baong pagkain at inumin bago sila pinaalis. Isinama ni Agar ang kanyang anak at nagpagala-gala siya sa ilang ng Beer-seba. Nang maubos ang dalang tubig, iniwan niya ang kanyang anak sa ilalim ng punongkahoy, at naupo nang may sandaang metro mula sa kinaroroonan ng bata. Wika niya sa sarili: “Di ko matitiis na makitang mamatay ang aking anak.” Samantalang nakaupo siyang nag-iisip, umiiyak naman si Ismael.
Ito’y narinig ng Diyos, at nagsalita mula sa langit ang anghel ng Diyos: “Agar, anong bumabagabag sa iyo? Huwag kang matakot. Narinig ng Diyos ang iyak ng iyong anak. Lapitan mo siya at patahanin. Gagawin kong isang dakilang bansa ang kanyang lipi.” Pinagliwanag ng Diyos ang kanyang paningin at nakita niya ang isang balon. Pinuno niya ng tubig ang dalang sisidlan at pinainom ang bata. Hindi pinabayaan ng Diyos si Ismael; siya’y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 7-8. 10-11. 12-13
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.
Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Matakot sa Poon, kayo, kanyang bayan,
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
Kahit mga leon ay nagugutom din,
sila’y nagkukulang sa hustong pagkain;
ngunit ang sinumang ang Poon susundin,
sa anumang bagay hindi kukulangin.
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Lapit, ako’y dinggin mga kaibigan
at kayo ngayo’y aking tuturuan
na ang Diyos ay dapat nating katakutan.
Ang buhay masaya at mahabang buhay,
di ba ninyo gustong inyong maranasan?
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
ALELUYA
Santiago 1, 18
Aleluya! Aleluya!
Magulang nati’y Diyos Ama,
anak ng salita niya
tayong mga aning una.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 8, 28-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang dumating si Hesus sa ibayo, sa lupain ng mga Gadenero, sinalubong siya ng dalawang lalaking galing sa libingan. Sila’y inaalihan ng mga demonyo at napakababangis kaya’t walang mangahas dumaan doon. Pagdaka’y sumigaw sila: “Ano ang pakialam mo sa amin, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami nang hindi pa panahon?” Sa di kalayuan ay may malaking kawan ng baboy na nanginginain. At namanhik sa kanya ang mga demonyo, “Kung kami’y palalayasin mo, bayaan mo kaming pumasok sa mga baboy na iyon.” Sinabi ni Hesus, “Humayo kayo.” Kaya’t lumabas sila sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang buong kawan ay biglang sumibad ng takbo tungo sa bangin, nahulog sa lawa, at nalunod.
Patakbong umuwi ng bayan ang mga tagapag-alaga ng kawan at pagdating doon ay ipinamalita ang lahat ng bagay, pati ang nangyari sa mga inalihan ng demonyo. Kaya’t lumabas ang buong bayan upang salubungin si Hesus. Pagkakita sa kanya, ipinamanhik nilang siya’y umalis sa kanilang lupain.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerukles
Sa pamamagitan ng Ebanghelyo, nagsasalita si Kristo nang may walang hanggang kapangyarihan at kumikilos nang may kapangyarihang nagpapagaling. Sa pamamagitan niya, manalangin tayo nang may pananalig.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Makapangyarihang Ama, iunat mo sa amin ang iyong kamay.
Ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang mga pastol, nawa’y maging tunay na lingkod ng pagpapagaling at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga opisyal ng gobyerno nawa’y hindi madaig ng tukso ng kapangyarihan at kayamanan bagkus makita nila ang kasamaan ng korapsyon sa pamumuno, manalangin tayo sa Panginooon.
Ang maruming espiritu na nagkalat sa ating lipunan nawa’y mabuwag ng kalinisan at paggalang sa dangal ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at nagdurusa nawa’y makita at madama ang mapagpagaling na presensya ng Diyos sa pamamagitan ng mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y masiyahan sa bukang-liwayway ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, dinadala namin sa iyo ang aming mga pangangailangan at may pananalig na nagdarasal kami sa iyong tulong upang makalaya kami sa impluwensya ng kasamaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.