3,721 total views
Sabado ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay Santa Juana Francisca de Chantal, namanata sa Diyos
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Deuteronomio 6, 4-13
Salmo 17, 2-3a. 3bk-4. 47 at 51ab
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
Mateo 17, 14-20
Saturday of the Eighteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of Saint Jane Frances de Chantal, religious (White)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 6, 4-13
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao, “Dinggin ninyo mga Israelita: Ang Panginoon lamang ang Diyos. Ibigin ninyo siya nang buong puso, kaluluwa at lakas. Ang mga utos niya’y itanim ninyo sa inyong isip. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; sa loob at labas ng inyong tahanan, sa oras ng paggawa at pamamahinga, sa lahat ng lugar at sa lahat ng panahon. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo, isulat sa mga hamba ng inyong pinto at mga tarangkahan.
“Kayo’y malapit nang dalhin ng Panginoon sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Maninirahan kayo sa malalaki at magagandang lungsod na hindi ninyo itinayo. Titira kayo sa mga tahanang husto sa lahat ng bagay ngunit hindi ninyo pinaghirapan. Iinom kayo ng tubig na galing sa mga balong hindi ninyo hinukay. Mamimitas kayo sa mga ubusan at sa mga olibong hindi ninyo itinanim. Kung kayo’y naroon na at nananagana sa lahat ng bagay, huwag ninyong kalimutan ang Panginoon na nag-alis sa inyo sa bansang Egipto. Magkaroon kayo ng takot sa kanya, paglingkuran ninyo siya at mamuhay kayo nang tapat.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 17, 2-3a. 3bk-4. 47 at 51ab
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
O Panginoon kong aking kalakasan,
Minamahal kita nang tunay na tunay.
Panginoo’y batong hindi matitibag,
matibay kong muog at Tagapagligtas.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
D’yos ko ang sa akin ay s’yang nag-iingat,
Tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Sa ‘yo, Panginoon, ako’y tumatawag,
Sa mga kaaway ako’y ‘yong iligtas.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
Panginoo’y buhay, s’ya’y Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat!
Sa piniling hari, dakilang tagumpay,
ang kaloob ng D’yos sa kanyang hinirang.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
ALELUYA
2 Timoteo 1, 10
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 17, 14-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit ang isang lalaki, lumuhod sa harapan ni Hesus at ang sabi, “Ginoo, mahabag po kayo sa anak kong lalaki! Siya po’y himatayin at lubhang nahihirapan kung sinusumpong, sapagkat madalas siyang mabuwal sa apoy o kaya’y mahulog sa tubig. Dinala ko na siya sa inyong mga alagad, ngunit hindi nila mapagaling.” Sumagot si Hesus, “Lahing walang pananampalataya at matigas ang ulo! Hanggang kailan dapat akong manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” Pinagwikaan ni Hesus ang demonyo at lumabas ito, at ang bata’y gumaling agad.
Pagkatapos ay lumapit ang mga alagad kay Hesus at nagtanong nang walang ibang nakaririnig, “Bakit hindi po namin mapalayas ang demonyo?” Sumagot siya, “Dahil sa kaliitan ng inyong pananalig. Sinasabi ko sa inyo: kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at lilipat ito. Walang bagay na hindi ninyo mapangyayari.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Sa pananalangin, lumapit tayo sa Diyos Ama na nagbibigay sa atin ng kapangyarihan sa lahat ng sangnilikha.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Walang hanggang Ama, lumakad nawa kami sa gabay ng pananampalataya.
Ang Simbahan at ang kanyang sambayanan nawa’y mapatatag sa pananampalataya at gawing sandigan ang Panginoon sa kanilang mga pagsubok at pagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga puso ng mga lider ng mga bansa nawa’y huwag maging bato at huwag maimpluwensiyahan ng kasamaan ng pagkamakasarili, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong naging manhid na sa pagkakasala nawa’y magbalik-loob sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong may dinadalang mabigat na pasanin sa buhay dahil sa kanilang karamdaman nawa’y maunawaan ang kahulugan ng kanilang mga pagsubok, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y ligtas na maihatid sa tahanan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, inilalagay namin sa iyong paanan ang aming mga pangangailangan at nananalangin kami nang may pananalig sa iyong tulong at awa sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.