306 total views
Kapanalig, pagdating sa kalusugan, marami sa ating mga kababayan sa mga rural areas o kanayunan ay laging dehado. Marami sa kanila ay kulang na nga ang kaalaman ukol dito, salat pa sa serbisyo.
Alam niyo kapanalig, nakakalungkot na sa pagkarami-rami ng ating mga health workers na nagpupunta sa ibang bansa, napa-kaunti naman ng ating mga health workers sa mga rural areas. Isa sa mga nakikitang rason nito ay ang maliit na sweldo ng ating mga local health service providers.
Nakakapanghinayang ito kapanalig, dahil kahit man hirap ang ating bansa, nadagdagan naman ang mga health centers at facilities sa ating mga rural areas, ngunit matumal ang mga doktor at nurses. Dahil nga dito, sinasabing may maldistribusyon ng mga health workers sa bansa. Mas maraming mga health service providers sa mga syudad kumpara sa mga rural areas. Mga mga estimates na nagsasabi na halos mga 40% ng ating mga rural areas ay walang doktor.
Hindi naman natin masisisi kung bakit mas kaunti ang pumipiling manilbihan sa mga rural areas ng bansa. Unang una, ang mga health service providers ay gaya din natin, may mga pamilyang kailangang buhayin at suportahan. Kung maliit ang sweldo nila kapanalig, paano naman ang kanilang pamilya?
Karamihan sa mga medical at nursing schools din naman sa ating bansa kapanalig ay nasa syudad, kaya’t mas marami talagang mga taga-syudad ang pumapasok dito. Ang mga taga probinsya, kailangan pa talagang sa mga syudad magsanay. Mahal ang matrikula at matagal ang pag-aaral. Para sa mga maralitang mag-aaral sa mga rural areas na nais maging health professional at magserbisyo sa kanilang lugar, napakalaking hamon nito. Hindi kaya ng sweldong pang-nayon ang gastos na ito.
Ang mga telehealth consulting ay isa sanang paraan upang kahit paano, maibsan ang kakulangan sa mga health workers sa rural areas. Kaya lamang, mahirap ang koneksyon sa mga geographically disadvantages sites – walang signal minsan, o kaya walang kuryente.
Sana kapanalig, maharap ng bayan ang suliraning ito. Hindi makatarungan na hindi pantay ang access sa kalusugan ng lahat ng mamamayan. Lahat tayo ay may karapatan sa kalusugan, ngunit hindi natin matatamo ito kung kulang ang mga insentibo at suporta para sa health professionals na nais magserbisyo sa mga kanayunan. Paalala ng Pacem in Terris, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan: Everyone has the right to life, to bodily integrity, and to the means which are suitable for the proper development of life.
Sumainyo ang Katotohanan.