477 total views
Mga Kapanalig, inanunsyo na ng PAGASA ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan. Sa pag-iral ng hanging habagat at sa pagpasok ng mas maraming bagyo sa ating bansa, asahan natin ang mga pag-ulang magdudulot ng pagbaha, lalo na rito sa Metro Manila.
Ang mga pagbahang ito ay palalalain ng napakaraming basura sa ating paligid. Noong 2020 nga, umabot sa 16.6 million metric tons ng basura ang na-generate sa ating bansa. Kaya nitong punuin ang mahigit apat na libong Olympic-sized swimming pools! Ganitong karaming basura ang mayroon tayo sa kabila ng pagkakapasá noong 2001 ng Republic Act No. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act. Dahil dito, sinabi ng Commission on Audit noong isang buwan na bigo ang ating waste management program na pigilan ang pagdami ng basurang ating itinatapon.
Malaking bahagi ng basurang itinatambak sa mga landfills at inaanod sa mga karagatan ay ang mga plastic na hindi kailanman mabubulok. Alam ba ninyong pangatlo ang Pilipinas sa buong mundo kung ang pag-uusapan ay ang dami ng plastic na hinahayaang mapunta sa katubigan? Ito ang mga plastic na mula sa mga sapa at estero hanggang sa mga ilog at dagat. Sa tantya ng World Bank, nasa 0.75 million metric tons ng tinatawag na mismanaged plastic na nakalutang sa mga karagatan ang mula sa ating bansa. Taun-taon, ang mga ilog natin—lalo na ang Ilog Pasig dito sa Metro Manila—ay nagdadala ng mahigit 350,000 metric tons ng plastic sa mga karagatan. Sa listahan ng sampung ilog sa buong mundo na may malaking kontribusyon sa pandaigdigang plastic pollution, pito ang matatagpuan sa Pilipinas. Hindi ito nakaka-proud, mga Kapanalig.
Kaya naman, isinusulong ng iba’t ibang makakalikasang grupo gayundin ng ating Department of Environment and Natural Resources (o DENR) ang pagsasabatas ng tinatawag na extended producer’s responsibility (o EPR) law. Kung magiging batas ito, magiging obligasyon ng mga kompanyang nagpo-produce ng mga produktong naka-plastic ang recovery, treatment, recycling, at disposal ng mga ito matapos bilhin at gamitin ng mga mamimili. Sa ganitong paraan, mababawasan ang itinatapong plastic ng mga consumers. Pirma na lamang ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr ang hinihintay upang lubusang maging batas ang EPR law.
May kakulangan pa rin ang panukalang batas. Noong isang taon pa sinabi ng grupong EcoWaste Coalition na hindi sapat na ilagay sa mga manufacturers ang pangunahing responsabilidad na maayos na naitatapon ang kanilang mga produktong may plastic. Ang mahalaga raw ay himukin ang mga korporasyong maghanap ng ibang paraan ng packaging na hindi gumagamit ng plastic. Kung hanggang recovery, treatment, at recycling lang daw ang magiging pananagutan ng mga korporasyon para sa mga produkto nilang naka-plastic o may plastic, hindi talaga lubusang matutuldukan ang plastic pollution.
Ngunit sa huli, ang tagumpay ng anumang batas ay nakasalalay sa pagsunod ng mga mamamayan. Sa usaping pangkapaligiran at sa isyu ng plastic pollution, malaking bagay ang tinawag ni Pope Francis sa Laudato Si’ na “ecological conversion.” Ito ay isang espirituwalidad na nag-uudyok sa ating magkaroon at magpamalas ng matinding na pag-aalala para sa proteksyon ng ating mundo. Kailangan nating linangin ang isang kaloobang handang makipagkasundo sa kalikasang sinisira natin at pinababayaan natin.7 Sa ganitong paraan, magagawa nating mga Kristiyanong maialay ang ating mga sarili “bilang isang handog na buháy, banal, at kalugud-lugod sa Diyos”, wika nga sa Mga Taga-Roma 12:1. At kapag makamit natin ang pagbabagong ito, madali nang iangat ito sa mga hakbang na maaaring pagtulungan ng mga komunidad at sa mga patakarang dapat na seryosong ipinatutupad ng pamahalaan, katulad ng EPR law.
Mga Kapanalig, maliban sa bagong batas, bagong pamumuhay ang kailangan upang hindi tayo lubusang malubog sa sandamakmak na plastic.
Sumainyo ang katotohanan.