738 total views
Kapanalig, napakahalaga ng social protection, ngunit ito ay isang konseptong hindi gaanong nauunawaan ng maraming Pilipino.
Ang social protection, kapanalig, ay ating safety net. Isipin natin kapanalig, hindi tayo laging may trabaho, o malakas, o may pera. Pagdating sa panahon na salat tayo sa kabuhayan at kita, pati na rin sa kalusugan, saan tayo pupunta? Ang social protection, kapanalig, ay isa dapat sa ating mga sandigan.
Hindi ba’t pag may sakit ang isang Pinoy, at miyembro siya, halimbawa, ng SSS o GSIS, nakakautang siya o nakakatanggap ng sickness o disability benefit? Hindi ba’t pag matanda na ang isang manggagawa, at miyembro siya ng mga social insurance facilities na ito, nakakatanggap siya ng pension na umaagapay sa kanyang pagtanda? Malaking ganansya talaga, kapanalig ang social protection, mula pagsilang pa lang ng tao hanggang kamatayan.
Ang mga conditional cash transfer (CCT) programs, kapanalig, gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay isang uri rin ng social protection. Ito ay nagbibigay ng cash grants sa mga maralitang pamilya kapag nafulfill nila o nagawa ang ilang mga kondisyon, gaya ng regular na medical check-up at pagpasok ng kanilang mga anak sa paaralan. Ayon sa Asian Development Bank, mula sa maliit na pilot na 6,000 na pamilya lamang ang kasapi, lumago na ang coverage nito sa 4.46 milyong pamilya noong 2014.
Maganda sana ang benepisyo ng mga programa ng social protection gaya ng CCT kung patuloy na isasaayos ang pamamalakad nito. Binibigyang tulong kasi nito ang tunay na maralita at binibigyan access sila sa mga batayang serbisyo ng bayan. Ngunit kung mali ang pag-gamit nito ng mga beneficiaries at mali rin ang implementasyon nito, hindi nito natatamo ang tunay nyang layunin: ang iwaksi ang kahirapan sa bansa, sa kasalakuyan hanggang sa kinabukasan.
Isa sa mga emerging o lumalabas na paraan upang mapabuti pa ang CCT sa bansa ay ang pag-gamit at pag-invest sa ICT o information and communications technology. Isa kasi itong paraan upang mas maayos na mai-target ang tunay na maralita, malaman kung tunay nga nilang nagagamit ang mga benepisyo nito, at kung kailan nila nagagamit ito. Ang monitoring at evaluation ay mas madali nang magagawa, na malaki ang kontribusyon sa pagpapabuti pa ng programa.
Kapanalig, sa mga programang ganito, malaki ang investments o puhunan ang kailangan. Kung susuriin mo, ito ay wika nga, “investment well made” dahil buhay at bayan ang nakataya. Ngunit pakatandaan, hindi lamang gobyerno ang susi sa tagumpay nito, kundi disiplina rin mula sa mga benepisaryo.
Ang social protection kapanalig, ay pro-poor. At ang mga pro-programs ay laging ineengganyo at pinupuri ng ating Simbahan, kahit sino pa ang namamalakad nito. Isang inspirasyon mula sa panlipunang turo ng simbahan ang Deus Caritas Est, na nawa’y pukawin ang ating puso at isipan: Ang kahirapan ay walang puwang sa isang mundong nananalig at nagmamahal sa Diyos.