297 total views
Binigyang halaga ng Sacred Heart Academy sa Loon,Bohol kung paano nakatulong ang iba’t-ibang organisasyon ng Simbahang katolika para sa kanilang pagbangon mula sa epekto ng kalamidad partikular na ng Magnitude 7.6 earthquake noong taong 2013.
Ayon kay Rev.Father Ruel Ramon Tumangday, School Director ng nasabing paaralan, hindi nila malilimutan ang matinding pinsala na iniwan ng naganap na lindol sa kanilang mga buhay lalo na sa mga paaralan at maging sa Simbahan.
Inalala ni Fr. Tumangday kung paano sila bumangon mula sa epekto ng kalamidad mahigit tatlong taon na ang nakakalipas kung saan naging makabuluhan tulong sa kanila ng ibang organisasyon ng Simbahan tulad ng Caritas Manila, ang social arm ng Archdiocese of Manila.
“Sa ngayon po nagpapasalamat po kami in the name of the Parish at ng Parochial School sa Caritas Manila, especially yung unang 4 classroom na ipinagawa namin malaking tulong po dun ang Caritas Manila, ngayon po kungh pwede po sana hingi pa din kami ng additional help especailly for classrooms kasi malaki pa talaga ang kulang. para mailipat na namin ang mga nasa makeshift classroom na nakaka awa po.”pahayag ni Fr.Tumangday sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, Aminado ang Pari na magpa-hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nasisimulan na ipagawa ang mga Heritage Churches na nasira sa Bohol dahil hawak ito ng National Museum.
Umaasa si Father Tumangday na sa lalong madaling panahon ay mabibigyan na ng pansin ang pagkukumpuni ng mga nasirang simbahan.
“Ngayon po wala pa talaga movement although yun national museum sinabi na sa amin it is now on the process for reconstruction pero ngayon po wala pa talaga mga nangyayari.”pahayag ng pari sa Radio Veritas
Magugunitang taong 2013 ng tumama ang magnitude 7.2 na lindol sa lalawigan ng Bohol at Cebu kung saan halos 20 Simbahan ang nasira at mahigit 200 katao ang nasawi.
Naging maagap naman ang Simbahang katolika sa pagpapadala ng tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad sa pamamagitan ng pagtulong sa rehabiltiasyon ng mga nasirang paaralan at kabahayan ng mga mahihirap.