263 total views
Mga Kapanalig, isang malinaw na deklarasyon ng bagong administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr ay ang tinatawag na rightsizing ng burukrasya ng ating gobyerno. Ang rightsizing ay ang pag-aangkop ng laki at istruktura ng burukrasya upang maihatid ng mga ahensya ang mga serbisyong dapat nilang ibinibigay sa taumbayan sa paraang epektibo at hindi nag-aaksaya ng pondo.
Nang inanunsyo ang planong rightsizing, unang nabahala ang mga kawani ng gobyerno, kabilang ang maraming mga kontraktwal at mga nagtatrabaho bilang job order. Nangangamba silang baka sila ang unang mawawalan ng trabaho. Suportado naman ng ilang mambabatas ang planong rightsizing. Maaari daw umabot sa 15 bilyong piso bawat taon ang matitipid ng gobyerno. Pwede daw gamitin ang halagang ito sa ibang mga gastusin ng gobyernong higit na kailangan ng taumbayan.
May dalawang matimbang na panig sa usaping rightsizing. Sa isang banda, dahil sa tindi at lawak ng nararanasang kahirapan ng marami nating kababayan, magiging malaking dagok ang pagkawala ng trabaho ng libu-libong mga kawani ng gobyerno kung ang rightsizing ay humantong nga sa pagtatanggal ng maraming mga empleyado. Sa kabilang banda, dapat din namang tiyaking ang limitadong pera ng gobyerno ay nagagamit nang tama upang masigurong ang kinakailangang mga serbisyo ay naipapaabot sa taumbayan.
May paraan kayang ang pagsasagawa ng rightsizing ay hahantong sa tunay na kabutihang panlahat o “common good” na ayon nga sa mga turo ng Simbahan ay ang dahilan kung bakit may gobyerno?
Kung ito ang magiging batayan, kaakibat dapat ng rightsizing ang alamin at pagkasunduan kung anu-ano ang pinakamahahalagang serbisyong kinakailangan upang mapaunlad ang buhay at kapakanan ng mga mamamayan. Mula rito, dapat kilatisin ang mga mandato ng bawat ahensya ng gobyerno, at alamin kung paano sila nakatutulong sa layuning ito at kung may dapat pa ba silang ginagawa pero hindi nila ginagawa. Ang rightsizing ay hindi kailangang humantong sa pagbabawas ng mga trabaho dahil lamang sa gusto ng gobyernong makatipid. Ang tamang layunin ng rightsizing ay tiyaking ang mga mahahalagang serbisyong dapat matanggap ng taumbayan ay naipapaabot sa kanila.
Kung ganito ang prinsipyo ng rightsizing, maaari pa ngang may mga bagong trabahong malikha o maaaring ang mga kasalukuyang kawani ng mga ahensiya ay madagdagan o mabago ang kanilang gagawin. Ito rin ang pagkakataong linawin ng mga ahensya ang kanilang mandato at mga kailangang mga trabaho o posisyon upang magampanan nang tama at sapat ang mga ito. Marahil ay ito pa nga ang maging pagkakataon upang gawing regular ang maraming mga kontraktwal na mga empleyado at job orders kung makitang talaga namang kailangan sila sa pagganap ng mandato ng kanilang ahensya.
Sa pagkilatis ng mga dapat na mandato ng mga ahensya, ang taumbayan ay kailangang magsalita at ipaalam kung anu-anong mga serbisyo ang mahalagang makaabot sa kanila. Ito ang matututunan natin sa kuwento ng pagpapagaling ni Hesus sa bulag na si Bartimeo sa Marcos 10:46-52. Unang-una, kahit na sinasaway sa pagsigaw si Bartimeo ng mga tao sa paligid niya, hindi siya tumahimik at lalo pa niyang nilakasan ang kanyang boses upang mapansin siya ni Hesus. Ikalawa, kahit alam na ni Hesus kung ano ang kailangang tulong ni Bartimeo, tinanong pa Niya siya: “Ano ang nais mong gawin ko para sa iyo?”
Mga Kapanalig, tularan natin si Hesus na magtanong at makinig sa mga nangangailangan ng tulong. Tularan din natin si Bartimeo na magsalita at ipaalam ang ating mga pangangailangan. Muli, dapat nilalayon ng rightsizing ang pagkakaroon ng sapat na mga trabaho at kawani upang gampanan ang mga dapat maibigay na serbisyo sa taumbayan nang hindi nag-aaksya ng pondo ng bayan. Hindi ito dapat humantong sa hindi makatarungang pagtatanggal ng mga empleyado para lamang makatipid ang gobyerno.