206 total views
Mga Kapanalig, bago matapos ang taon ay napag-alaman ng taumbayan na nabakunahan na laban sa COVID-19 ang mga miyembro ng Presidential Security Group (o PSG). Umani ng batikos mula sa publiko ang pagpapabakuna nila dahil wala pa namang aprubadong bakuna sa bansa. Samakatuwid, smuggled o iligal ang itinurok na bakuna sa PSG.
Malinaw na paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 ang “importation, exportation, sale, distribution, non-consumer use” ng mga hindi rehistradong produkto sa Food and Drug Administration (o FDA). Nariyan ang FDA upang masigurong ligtas ang mga produktong kinokonsumo ng publiko. Ibig sabihin, maaaring makompromiso ang kalusugan ng PSG dahil hindi dumaan sa masusing pag-aaral ng FDA ang itinurok nilang bakuna. Dagdag pa rito ang mga kuwestiyon na ibinabato sa efficacy rate ng Chinese-branded na bakunang ginamit nila.
Sa depensa ni PSG Chief Jesus Durante III, sila ay mga sundalo at kailangan nilang sumugal sa panganib. Ginawa raw nila ito “in good faith” at hindi na raw nila maaantay ang timetable ng FDA-approved na bakuna sapagkat may tungkulin silang kailangang gampanan. Hindi isiniwalat ni Heneral Durante kung saan galing ang bakuna. Sila lamang daw ang nagturok ng bakuna sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pag-sunod sa manual. Nilinaw din niyang nalaman na lamang ni Pangulong Duterte ang tungkol sa kanilang bakuna nang karamihan na ng PSG ang naturukan.
Bagaman maraming bumatikos sa pangyayaring ito, pinuri at pinasalamatan naman ni Senator Rolando “Bato” dela Rosa ang ginawa ng PSG. Aminado ang senador na hindi tiyak ang kaligtasan sa paggamit ng iligal na bakuna. Gayunman, hinimok niya ang taumbayan na pasalamatan ang PSG dahil ginawa nilang guinea pigs ang sarili nila para sa eksperimentong ito. Nanawagan din siyang huwag itong gawing isyu sapagkat personal na desisyon ito ng mga sundalo.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Justice sa pangunguna ng National Bureau of Investigation at Burea of Customs tungkol rito. Nagbanta naman si Pangulong Duterte sa Kongreso na hindi niya pahihintulutan kung ipapatawag nila ang PSG sa kanilang pagdinig. Ipinagtanggol din ng pangulo ang PSG dahil ginawa lamang daw nila ito para sa kanilang self-preservation.
Ipinaalala sa atin ng Panlipunang Turo ng Simbahan na ang tapat na panunungkulan ay paggamit sa kapangyarihan hindi para sa pansariling kagalingan o interes, ngunit upang maabot ang kabutihang panlahat o common good. Hindi dapat malimutan ng mga lingkod-bayan, kasama na ang mga miyembro ng PSG, na mahalaga ang moral na aspeto sa kanilang panunungkulan. Sa huli, taumbayan dapat ang sentro ng pagsisilbi sa pamahalaan.
Dahil dito, hindi maaaring bigyang katwiran ang paglabag sa batas para sa “self-preservation.” Hindi rin katanggap-tanggap ang pag-suway sa batas sa ngalan ng pagtugon sa tungkulin. Pagnilayan natin: Hindi ba dapat mga kawani ng pamahalaan ang nangunguna sa pagpapatupad ng mga batas? Para saan ang mga regulatory agency tulad ng FDA kung maaari naman palang magkanya-kanya o personal na desisyon sa paggamit ng mga produktong maaaring may negatibong epekto sa kalusugan ng tao? Kung ginawa ito ng PSG para sa kanilang tungkulin, paano naman ang mga healthcare workers na higit na mataas ang peligrong mahawaan ng COVID-19?
Mga Kapanalig, tulad ng panawagan ni Pope Francis na “vaccines for all,” ang ating suliranin sa pandemya ay matutugunan lamang kung may pagtanaw tayo sa kabutihang panlahat. Hangad natin ang tamang proseso sa pagkamit ng ligtas na bakuna para sa lahat. Walang pinapaburan, walang pag-baluktot sa batas. Nawa’y tumalima tayo sa panawagan ng Diyos sa sulat ni propeta Isaias 56:1, “panatilihin ang katarungan at gawin ang tama,” lalo na ang ating mga lingkod-bayan.