134,494 total views
Mga Kapanalig, dahil sa mahusay na pagmamaniobra ng Philippine Coast Guard (o PCG), nakaligtas ang kanilang barko sa muntikang banggaan ng mga barko sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
Noong Agosto 11, nagbanggaan sa Bajo de Masinloc ang dalawang barko ng China habang hinahabol ng mga ito ang BRP Suluan, isang barko ng PCG. Nasa lugar ang PCG para sa misyon na “Kadiwa Para sa Bagong Bayaning Mangingisda.” Tatlong barko ng Pilipinas ang naghatid noon ng gasolina at suplay sa mga mangingisdang lulan ng humigit-kumulang 35 na mga bangka. Matatagpuan ang Bajo de Masinloc 220 kilometro sa kanluran ng Zambales, at nakapaloob ito sa ating exclusive economic zone (o EEZ).
Makikita sa isang video na hinahabol ang BRP Suluan ng China Coast Guard (o CCG) na may water cannons. Kasama nito ang People’s Liberation Army Navy (PLAN) Warship. Nagsagawa ang mga barkong iyon ng mapanganib na blocking maneuvers. Dahil sa kahusayan ng mga miyembro ng PCG, naiwasan ng barko nating banggain ng CCG. Nabangga ng CCG ang kasama nitong PLAN Warship. Agad namang nag-alok ng tulong ang BRP Suluan sakaling may nasugatang tripulante sa mga barko ng China, pero wala silang natanggap na sagot.
Matapos ang insidente, naglabas ng pahayag ang Department of Foreign Affairs. Binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagsunod sa mga patakaran sa dagat gaya ng 1972 International Regulations for Preventing Collisions at Sea at ng 1974 Safety of Life at Sea Convention. Ginagabayan ng mga regulasyong ito ang pandaigdigang komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at katarungan sa pagitan ng mga bansa.
Ipinapaalala maging ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan, gaya ng Pacem in Terris, na dapat igalang ang soberanya bilang pagpapahayag ng kalayaan ng isang bansa. Ito ang dapat mamamayani sa ugnayan ng mga estado. Hindi natin ito makikita sa mga ikinikilos ng China ngayon. Hindi lamang nilalabag ng mga ito ang ating teritoryo. Inilalagay rin ng mga ito sa panganib ang mga mandaragat at mangingisda.
Mula pa noong 2012, halos hawak na ng China ang Scarborough Shoal dahil sa tuluy-tuloy na presensya ng kanilang coast guard. Patuloy din nilang hindi kinikilala ang 2016 arbitral ruling na nagbabasura sa kanilang pag-angkin sa halos 90% ng South China Sea. Ang presensya ng mga barkong Tsino sa loob ng EEZ ng Pilipinas ay nakakaapekto sa pambansang seguridad at kabuhayan ng mga mangingisda.
Kailangang matigil ang harassment sa ating karagatan. Ayon kay maritime law expert Professor Jay Batongbacal, tila plano talagang banggain ang ating coast guard vessel, bagay na naiwasan natin. Mukhang sinusubok ng China kung hanggang saan nila maaaring gipitin ang Pilipinas nang hindi humahantong sa digmaan.
Hanggang saan ba aabot ang agresibong galaw ng China sa karagatan ng Pilipinas? Hindi na katanggap-tanggap ang ganitong panghihimasok sa ating teritoryo, dahil nalalagay sa panganib ang buhay at kabuhayan ng mga kababayan natin. Malinaw na marami pang kailangang gawin upang matiyak na ang mga international regulations ay hindi lamang nakasulat sa papel kundi tunay na kinikilala at ipinatutupad.
Mga Kapanalig, patuloy nating suportahan at ipagdasal ang ating mga kababayang nagpapatrolya gayundin ang mga naghahanapbuhay sa West Philippine Sea. Sinasabi sa Josue 1:9: “Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh ay kasama mo saan ka man magpunta.” Pasalamatan din natin ang PCG. Hindi lamang nila naiwasan ang tangkang pagbangga sa kanilang barko; nag-alok pa sila ng tulong sa mga dayuhang gusto silang saktan. Sa gitna ng panganib, nanaig ang tapang at malasakit ng mga Pilipino.
Sumainyo ang katotohanan.




