390 total views
Alam niyo kapanalig, may maliit na segment o bahagi ang ating transport sector na karaniwang nakakalimutan ng ating bayan. Kahit lagi natin silang tinatangkilik, kahit nakikita sila sa halos lahat ng kalye ng bansa, o minsan pa nga, kahit wala pang kalye, ang kapakanan nila ay lagi nating nakakaligtaan. Sila ay walang iba kundi ang mga tricycle drivers ng bayan.
Kapanalig, sinasabing mahigit pa sa apat na milyon ang mga tricycle drivers sa ating bayan. Marami ang hindi nakarehistro, at karamihan ay nasa impormal na sektor. Sa Metro Manila, tinatayang mahigit sa 300,000 ang rehistradong motorcycle units.
Napaka-useful ng tricycle drivers sa atin. Mura pa ang pagsakay dito. Dahil sa kanila, nakakapasok ng walang hirap ang mga commuters kahit sa mga napakaliit na eskinita. Sa mga probinsiya, nakakatawid ng mga bundok at mga sakahan ang mga habal-habal. Nakakapagpadeliver pa tayo ng iba ibang produkto sa mas murang halaga dahil sa mga tricycles.
Kaya lamang, naiiwanan na rin ng panahon ang mode of transport na ito. Mausok sila – nagiging source na rin ng polusyon at ng mga emisyon na nakakasira ng ating kalikasan. Isa pa, nagtataas na rin ng krudo, na nagpapahirap din sa buhay ng mga tricycle drivers. Marami sa kanila, walang subsidiya, at hindi naman agad-agad ang pagtaas ng pasahe, kahit pa napakataas na ng presyo ng krudo. Sa lahat ng mga isyung ito, paano na ang mga tricycle drivers ng bayan?
Hindi matatawaran ang serbisyo ng mga tricycle sa ating bayang, kapanalig. Nararapat lamang na atin silang matulungan hindi lamang upang maka-survive sa hirap ng buhay ngayon kundi upang makapag-upgrade rin para mas maigihan pa nila ang kanilang serbisyo sa lipunan.
May mga proyekto na upang mamodernize ang mga tricycles, gaya ng mga e-trikes o di kaya pag-gamit ng clean energy. May transport modernization program din ang bansa, at kasama din dito ang mga tricycles. Kaya lamang, mabagal ang implementasyon ng mga ito dahil may kaakibat na gastos ito na hindi kaya ng mga tricycle drivers at ng karamihan nga ating mga local government units.
Ang ating pag-alaga sa mga tricycle drivers at ang pagtutok sa modernisasyon ng kanilang mga sasakyan ay direktang tulong at tugon sa mga maralita, na siyang pangunahing customer pati manggagawa ng subsector na ito. Mainam na sana ay maprayoridad ito – ang kanilang pagkilos ay malaking tulong sa patuloy na pag-unlad ng ating mga industriya at mga merkado.
Sabi nga sa Rerum Novarum: the labor of the working class, kung saan kasapi ang ating mga trike drivers – is especially responsible and indispensable. Justice, therefore, demands that the interests of the working classes should be carefully watched over by the administration, so that they who contribute so largely to the advantage of the community may themselves share in the benefits which they create.
Sumainyo ang Katotohanan.