929 total views
Mga Kapanalig, inanunsyo na noong isang linggo ng PAGASA ang pagsisimula ng mainit at tuyóng panahon sa ating bansa. Tumigil na ang pag-ihip ng malamig na hanging amihan at ngayon nga ay nararamdaman na natin ang mainit at maalinsangang panahon. At kasabay ng pagtaas ng temperatura ang paglaki ng ating konsumo sa tubig. Ito ang panahong mahirap mawalan ng tubig sa ating mga gripo, lalo na rito sa Metro Manila.
Ayon sa Water Development Report na isinapubliko kamakailan ng United Nations, tataas sa 80% ang demand sa tubig ng mga tao, at kaakibat nito ang pagdoble ng bilang ng mga tagalungsod o city dwellers na walang access sa malinis at ligtas na tubig pagsapit ng taóng 2050. Sa ngayon, halos isang bilyong tao sa mga lungsod sa buong mundo ang kapos sa tubig. Maaari itong umabot sa 2.4 bilyon sa susunod na tatlong dekada. Kahit sa mga kanayunan o rural areas, magiging mas madalas din ang water shortages. Pinagsamang epekto ng pagdami ng populasyon at walang humpay na kaunlaran sa maraming lugar ang itinuturong nasa likod ng krisis sa tubig. Sampung porsyento ng populasyon ng buong mundo ang nakatira sa mga bansang nakararanas ng tinatawag na high water stress.
Dito sa Pilipinas, nasa siyam na milyon sa mahigit isandaang milyong populasyon ng bansa ang walang access sa ligtas, malinis, at tuluy-tuloy na suplay ng tubig. Ilang beses na rin tayong nakaranas ng kakulangan sa tubig, lalo na tuwing sumasapit ang panahon ng tag-init. Sino ang makalilimot sa krisis sa tubig noong 2019 kung saan maraming mga kababayan natin dito sa Metro Manila at karatig-probinsya ang nagtiis at nagpuyat na pumila sa mga trak na nagrarasyon ng tubig sa kani-kanilang lugar? Ikinagalit pa nga iyon ni dating Presidente Digong na nagbanta pang kakanselahin ang mga kontratang pinasok ng gobyerno sa mga pribadong water concessionnaires. Nangyayari din ang kakulangan sa tubig sa iba pang malalaking lungsod sa bansa, at kahit sa mga kanayunan kung saan natutuyo ang mga balón, sapa, at bukal dahil sa mainit na panahon.
Ang kawalan ng access sa malinis at tuluy-tuloy na tubig ay isa sa mga dahilan ng paglaganap ng mga sakit. May mga naiimpeksyon mula sa pag-inom ng maruming tubig. Ayon sa World Health Organization, isa ang diarrhea sa sampung karaniwang dahilan ng pagkamatay sa ating bansa, isang sakit na nakukuha sa maruming inuming-tubig. At malaki rin ang epekto ng kawalan ng tubig sa kabuhayan ng ating mga kababayang umaasa sa irigasyon, katulad ng mga magsasaka. Alam ba ninyong upang makapagprodyus ng isang kilong bigas, kailangan ng apat na libong litro o dalawampung drum ng tubig? Kung kulang ang tubig at matindi ang init ng panahon, masisira din ang mga pananim, at mga magsasaka ang tiyak na malulugi.
Ngunit kulang nga ba talaga tayo sa tubig?
Sa isang pahayag noong isang taon, sinabi ni Pope Francis na maraming bantang kinakaharap ang katiyakan natin sa tubig. Nariyan ang polusyon, climate change, at pag-abuso sa ating mga likas na yaman. Ang lahat ng ito ay gawa ng tao—kaya’t ang solusyon sa krisis sa tubig ay hindi lamang masosolusyunan ng mga bagong imprastrakturang katulad ng mga malalaking dam. Ang pagtutuwid sa mga maling gawain ng tao ang dapat mangyari—mula sa pagsugpo sa polusyon at pagtugon sa climate change hanggang responsableng paggamit ng mga biyayang pinagkaloob sa atin ng Diyos, katulad ng tubig.
Mga Kapanalig, sadyang napakahalaga ng tubig sa buhay at nilikha nga ito ng Panginoon sa unang araw, katulad ng matutunghayan natin sa Genesis 1:2. Tubig ang bumubuhay sa atin, kaya kahit isang patak ay dapat nating ituring na parang ginto.
Sumainyo ang katotohanan.