MIYERKULES, PEBRERO 15, 2023

SHARE THE TRUTH

 2,683 total reads

Miyerkules ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Genesis 8, 6-13. 20-22
Salmo 115, 12-13. 14-15. 18-19

Maghahandog ako sa D’yos
ng pagpupuring malugod.

Marcos 8, 22-26

Wednesday of the Sixth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Genesis 8, 6-13. 20-22

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Pagkalipas ng apatnapung araw, binuksan ni Noe ang bintana ng daong, at pinalipad ang isang uwak. Ito’y lumigid nang lumigid hanggang ang tubig ay matuyo sa lupa. Sunod niyang pinalipad ang isang kalapati upang tingnan kung wala nang tubig. Palibhasa’y laganap pa ang tubig, hindi makalapag ang kalapati, kaya’t nagbalik ito; hinuli ito ni Noe at muling ipinasok sa daong. Pagkaraan ng pitong araw, muli niyang pinalipad ang kalapati. Pagbalik nito kinagabihan, ito’y may tangay na sariwang dahon ng olibo. Natiyak ni Noe na kati na ang tubig. Nagpalipas uli ng pitong araw si Noe saka pinalipad uli ang kalapati, ngunit hindi na ito nagbalik.

Noon ay animnaraa’t isang taon si Noe. Nang unang araw ng unang buwan, inalis ni Noe ang takip ng daong at nakita niyang natutuyo na ang lupa.

Si Noe ay nagtayo ng dambana para sa Panginoon. Kumuha siya ng isa sa bawat hayop at ibong malinis, at sinunog bilang handog. Nang masamyo ng Panginoon ang halimuyak nito, sinabi niya sa sarili, “Hindi ko na susumpain ang lupa dahil sa gawa ng tao. Alam kong masama ang kanyang isipan mula sa kanyang kabataan. Hindi ko na lilipulin uli ang anumang buhay.

Hanggang naririto’t buo ang daigdig,
tagtanim, tag-ani, palaging sasapit;
tag-araw, tag-ulan, taglamig, tag-init,
ang araw at gabi’y hindi mapapatid.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 12-13. 14-15. 18-19

Maghahandog ako sa D’yos
ng pagpupuring malugod.

Sa Diyos ko’t Panginoon, ano’ng aking ihahandog
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.

Maghahandog ako sa D’yos
ng pagpupuring malugod.

Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam.

Maghahandog ako sa D’yos
ng pagpupuring malugod.

Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.

Maghahandog ako sa D’yos
ng pagpupuring malugod.

ALELUYA
Efeso 1, 17-18

Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ‘yo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 8, 22-26

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, dumating sina Hesus at ang mga alagad sa Betsaida. Dinala kay Hesus ng ilang tao ang isang bulag at ipinamanhik na hipuin ito. Inakay niya ito sa labas ng bayan, niluran sa mga mata saka ipinatong ang kanyang mga kamay. “May nakikita ka na bang anuman?” tanong niya. Tumingin ang lalaki at ang wika, “Nakakakita po ako ng mga taong lumalakad, ngunit sila’y parang punongkahoy.” Muling hinipo ni Hesus ang mga mata ng bulag; ito’y tuminging mabuti. Nanumbalik ang kanyang paningin at malinaw na niyang nakita ang lahat. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Umuwi ka na. Huwag ka nang dumaan sa bayan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Hilingin natin sa Diyos Ama na buksan ang ating mga mata upang makasunod tayo sa kanya nang buong puso.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, punuin Mo kami ng iyong liwanag.

Ang Simbahan nawa’y umunlad sa kanyang pagsisikap na dalhin ang liwanag sa mga nakararanas ng kadiliman sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa pamamagitan ng ating mabuting gawain, ang mga hinahamak, mga itinakwil at mga walang nagmamahal sa ating lipunan nawa’y makaramdam ng pagkalinga ng Diyos sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y magkaroon ng matatag na pananalig kay Jesus na siyang nagbubukas ng ating paningin sa kagandahan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y makita at madama ang mapagmahal na presensya ng Diyos sa mga taong kumakalinga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga yumaong kamag-anak at kaibigan nawa’y makatagpo ng walang maliw at walang hanggang kapahingahan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, punuin mo kami ng iyong pag-ibig at pawiin mo ang kadiliman sa aming buhay upang mabuhay kami sa liwanag ng iyong Anak na si Kristo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

 

Karagatan para kanino?

 39,245 total reads

Mga Kapanalig, pamilyar ba kayo sa kuwento nina David at Goliat? Nang hamunin ng higanteng mandirigmang si Goliat ang hukbo ng Israel, walang nangahas na humarap sa kanya kundi si David, isang maliit at hamak na pastol. Hindi patas ang laban. 

Tila ganito rin ang nangyayari sa ating karagatan ngayon. Nahaharap sa hindi patas na laban ang ating mga municipal fishers matapos ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang Fisheries Administrative Order (o FAO) No. 266, isang kautusang nagpoprotekta sa kanila laban sa malalaking commercial fishers.

Sa loob ng maraming taon, idinadaíng ng mga municipal fishers ang pangingisda ng mga barkong pangkomersyal sa 15-kilometer municipal water zone, kaya malaking panalo para sa kanila nang ipatupad ang FAO 266. Inaatasan nito ang mga operators na maglagay ng vessel monitoring system (o VMS) sa mga barkong pangkomersyal na may bigat na 3.1 gross tons. Dapat din silang gumamit ng electronic reporting system (o ERS) para sa pagsusumite ng impormasyon hinggil sa lokasyon ng kanilang mga sasakyang pangisda at dami ng kanilang mga huli.

Ipinatupad ito upang masubaybayan ang kilos ng mga barkong pangkomersyal at matiyak na hindi sila pumapasok sa municipal waters na, sa ilalim ng Fisheries Code, ay pangunahing nakalaan para sa maliliit na mangingisda. Layunin din ng FAO 266 na siguraduhing hindi pumapasok ang malalaking bangkang pangisda sa mga marine protected areas.

Pero ayon sa Korte Suprema, bigo ang pamahalaan na patunayang epektibong paraan ang paggamit ng VMS at ERS para sugpuin ang tinatawag na illegal, unreported, and unregulated (o IUU) fishing. Ito ang dahilan kung bakit napawalambisa ang FAO 266.

Maghahain daw ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (o BFAR) ng motion for reconsideration sa Korte Suprema. Pero habang nananatiling walang bisa ang FAO 266, maaaring lumala ang matagal nang hindi patas na laban sa pagitan ng maliliit na mangingisda at mga commercial fishers.

Ito ang ikinababahala ng grupong Oceana Philippines. Matagal na raw na nasa krisis ang sektor ng pangisdaan sa bansa. Sa nakalipas na labintatlong taon, bumababa ng humigit-kumulang 45 milyong kilo bawat taon ang dami ng huling isda ng mga Pilipinong mangingisda. Samantala, 88% ng mga fish stocks sa bansa ay overfished na. Dahil dito, mahigit 300,000 pamilya ng mga mangingisda ang nabubuhay sa kahirapan. Sa bilang na ito, 90,000 ang kulang sa pagkain araw-araw.

Palalalain ng pagpapawalambisa ng FAO 266 ang kalagayang ito. Lalakí pa ang mababawas sa huli ng mga mangingisda kapag tuluyang humina ang pagbabantay sa mga barkong pangkomersyal. Darami pa ang mga pamilyang mawawalan ng kita, pagkain, at kabuhayan.

Nanganganib din maging ang ating yamang-dagat. Ang municipal waters ay tahanan ng mga coral reef at mga lugar kung saan nangingitlog at dumarami ang mga isda. Kapag hindi napangalagaan ang mga bahaging ito, mas mahihirapang makabawi ang ating mga karagatan mula sa overfishing

Kaya ito ang tanong: kanino ba talaga ang ipinangakong 15-kilometer municipal waters? Nananatili ba ito para sa maliliit na mangingisda, gaya ng itinatadhana ng batas? O hinahayaan na ang malalaking negosyo na pasukin ang karagatang inilaan para sa mga kababayan nating munciipal fishers?

Mga Kapanalig, pagtuunan natin ng pansin ang babala ni Pope Francis laban sa isang lipunang hinahayaan ang malalakas na manaig habang naiiwan ang mahihina. Sa dulo ng kuwento nina David at Goliat, nanaig si David. Ipanalangin nating manaig din ang ating mga maliliit na mangingisda—hindi laban sa kapwa mangingisda, kundi laban sa kawalang-katarungan, sa patuloy na pagkasira ng ating karagatan, at sa mga sistemang pumapabor sa malalaki kaysa sa maliliit.

Sumainyo ang katotohanan.

Kapag ginagawang sandata ang batas

 76,034 total reads

Mga Kapanalig, paano kung ang batas na dapat nagtatanggol sa mga mamamayan ang mismong ginagamit para patahimikin sila?

Noong Agosto 3, inaresto sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya ang isang anti-mining leader na si Florentino Daynos II dahil sa mga kasong grave threats at coercion. Ayon sa kanyang abogado, inaresto siya nang hindi man lamang nakatanggap ng subpoena. Kahit na nakapagpiyansa siya kinabukasan, nananawagan ang Council for People’s Development and Governance na ibasura ang walang basehan at mapanupil na mga kaso laban kay Daynos at iba pang mga tagapagtanggol ng kalikasan.

Kabilang si Daynos sa mga tumututol sa pagmimina sa Nueva Vizcaya. Banta kasi ang pagmimina sa mga sakahan, pinagkukunan ng tubig, biodiversity, at maging sa mga karapatan ng mga katutubo. Hindi rin daw maituturing na tunay na konsultasyon ang ginagawa ng mga mining corporations para makuha ang tinatawag na free, prior, and informed consent mula sa mga maaapektuhang komunidad.

Noong  2025, binigyan ng gobyerno ang Woggle Corporation ng permit para magsagawa ng mineral exploration sa mahigit 3,100 ektarya sa Dupax del Norte. Pero dahil sa matinding pagtutol ng mga residente, pansamantalang sinuspinde ng Mines and Geosciences Bureau (o MGB) ang exploration permit noong Pebrero 2026.

Taóng 2025 din nang bigyan ng MGB at Department of Environment and Natural Resources (o DENR) ng exploration permit ang North Luzon Mineral Resources Corporation (o NLMRC) upang magsagawa ng paghahanap ng ginto at iba pang mineral sa mahigit 4,000 na ektarya ng lupa sa Kasibu, Nueva Vizcaya. Ang Kasibu ay 39 na kilometro lamang mula sa Dupax del Norte, kung saan matagal nang lumalaban ang mga residente sa mga proyektong pagmimina.

Kapansin-pansin din ang sunod-sunod na paghahain ng mga kaso laban sa mga environmental defenders at iba pang tumututol sa mga mining projects sa Nueva Vizcaya. Naghain ang NLMRC ng cyberlibel complaint laban sa residenteng si Lei Jin Dugay dahil sa isang social media post. Kinasuhan din ng kompanya ang mga abogado ng komunidad na sina Atty. Edgardo Balgos at Atty. Fidel Santos. Maging sina Bishop Jose Elmer Mangalinao at Fr. Christian Dumangeng, na nakiisa sa isang mapayapang community barricade, ay dati ring kinasuhan ng forcible entry. Halimbawa ang mga ito kung paano ginagamit ang batas sa pamamagitan ng pagsasampa ng mga kaso para takutin at patahimikin ang mga kritiko ng pagmimina.

Tinatawag ng mga human rights at legal groups ang ganitong taktika na Strategic Lawsuits Against Public Participation (o SLAPP). Ito ay mga kasong inihahain hindi para makamit ang hustisya, kundi para takutin, pagastusin, at patahimikin ang mga nagsasalita laban sa mga makapangyarihang interes. Ayon sa Human Rights Watch, dapat ibasura ng mga piskal ang ganitong mga reklamo na ginagamit lamang ng mga kompanya para itikom ng mga tao ang kanilang bibig.

Hindi maihihiwalay ang karapatang pantao sa pangangalaga sa kalikasan. Paalala ni Pope Francis na ang tao ay bahagi ng sangnilikha at hindi maaaring iwalay ang dignidad ng tao sa kalagayan ng kapaligiran Kapag nasisira ang kagubatan, mga ilog, at kabundukan, naaapektuhan din ang kabuhayan, kalusugan, at kinabukasan ng mga taong umaasa sa mga ito. Kaya’t ang pagtatanggol sa kalikasan ay pagtatanggol din sa buhay at karapatan ng tao.

Mga Kapanalig, hindi dapat ituring na krimen ang pagtatanggol sa kalikasan. Lalong hindi dapat gamitin ang batas para patahimikin ang mga taong mapayapang ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan. Paalala nga ng Kawikaan 17:15: “Ang humahatol sa walang kasalanan at ang umaayon sa kasamaan, kay Yahweh ay kapwa kasuklam-suklam.” Nawa’y manatiling instrumento ng katarungan ang ating mga batas—hindi sandata laban sa mga taong matapang na ipinaglalaban ang tama at makatarungan.

Sumainyo ang katotohanan.

Praying to be a cheerful giver

 12,140 total reads

Lord My Chef Daily Recipe for Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II
Monday, Nineteenth Week in Ordinary Time, Year II
Feast of St. Lawrence, Deacon & Martyr, 10 August 2026
2 Corinthians 9:6-10     ><]]]]'> + ><]]]]'> + ><]]]]'>     John 12:24-26
Photo by author, Anvaya Cove, Morong, Bataan, 21 July 2026.
Lord Jesus,
teach me to be a cheerful giver:
teach me to be like St. Lawrence
your deacon and martyr we honor
today who gave himself totally
and cheerfully to you because
he felt strongly the overflowing
abundance of your grace
and blessings to him;
many times we are reluctant 
to give our time, treasures,
and talents because we feel
always lacking;
open our very selves 
to find you and your blessings
within so that 
we freely give and share
whatever we have
to continue serving in your name;
most of all,
teach me to give more of myself
like a grain of wheat that dies
and produces much fruit in you.
Amen.

St. Lawrence, Martyr and Deacon,
pray for us!
“Martyrdom of St. Lawrence, Deacon” by Hipolito de Rioja (16th c.) from commons.wikimedia.org

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Karagatan para kanino?

 39,247 total reads

 39,247 total reads Mga Kapanalig, pamilyar ba kayo sa kuwento nina David at Goliat? Nang hamunin ng higanteng mandirigmang si Goliat ang hukbo ng Israel, walang

Read More »

Kapag ginagawang sandata ang batas

 76,036 total reads

 76,036 total reads Mga Kapanalig, paano kung ang batas na dapat nagtatanggol sa mga mamamayan ang mismong ginagamit para patahimikin sila? Noong Agosto 3, inaresto sa

Read More »

Kanino natututo ang mga bata?

 109,727 total reads

 109,727 total reads Mga Kapanalig, ikinalulungkot ng Malacañang ang insidente ng pangungutya ng ilang estudyante kay Pangulong Bongbong Marcos Jr noong bumisita siya sa Davao City

Read More »

TUNAY NA KALAGAYAN NG BANSA

 161,347 total reads

 161,347 total reads Kapanalig, sa ikalimang SONA ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., idinetalye nito ang maraming accomplishment ng administrasyon. Pero, nakalimutan ni PBBM na i-ulat sa

Read More »

CONFIDENTIAL FUND

 222,982 total reads

 222,982 total reads Kapanalig, sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, naging malinaw sa madlang bayan na ang “confidential fund” ay isang public fund o

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Agosto 15, 2026

 359 total reads

 359 total reads Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria Pahayag 11, 19a; 12, 1-6. 10ab Salmo 44, 10bk. 11. 12ab. 16

Read More »

Biyernes, Agosto 14, 2026

 1,624 total reads

 1,624 total reads Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria Pagmimisa sa Bisperas 1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2 Salmo 131,

Read More »

Huwebes, Agosto 13, 2026

 3,006 total reads

 3,006 total reads Huwebes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon o kaya Paggunita kina San Ponciano, papa, at San Hipolito, pari, mga martir Ezekiel 12, 1-12

Read More »

Miyerkules, Agosto 12, 2026

 4,496 total reads

 4,496 total reads Miyerkules ng Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay Santa Juana Francisca de Chantal, namanata sa Diyos Ezekiel 9, 1-7; 10,

Read More »

Martes, Agosto 11, 2026

 5,760 total reads

 5,760 total reads Paggunita kay Santa Clara ng Assisi, dalaga Ezekiel 2, 8 – 3, 4 Salmo 118, 14. 24. 72. 103. 111. 131 O kay

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top