LINGGO, OKTUBRE 8, 2023

SHARE THE TRUTH

 3,325 total views

Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Isaias 5, 1-7
Salmo 79, 9 at 12. 13-14. 15-16. 19-20

Panginoon, iyong tanim
ang ubasan mong Israel.

Filipos 4, 6-9
Mateo 21, 33-43

Monday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Isaias 5, 1-7

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ako ay aawit sa sinta kong mahal
tungkol sa nangyari sa kanyang ubasan:
mayroong ubasan ang sinta kong mutya sa libis ng bundok na lupa’y mataba;
hinukayan niya’t inalisan ng bato at saka tinamnan ang nasabing dako;
mga piling puno ng mabuting ubas itinanim niya sa nasabing lugar;
sa gitna’y nagtayo ng isang bantayan at nagpahukay pa ng sadyang pisaan.
Pagkatapos nito ay naghintay siya na ang kanyang tanim ay magsimpamunga.
Ngunit ano ito? Pagdating ng araw ang kanyang napitas ay ubas na ligaw.
Kaya’t kayo ngayon, taga-Jerusalem, at gayun din kayo, mga taga-Juda,
kayo ang humatol sa aming dalawa:
Ako, at ang aking ubasan.
Ano pa ang aking nakaligtaang gawin sa aking ubasan?
Bakit nang ako’y mamitas, sa itinanim kong mabubuting ubas, ang nakuha ko ay ubas na ligaw?
Kaya’t ito ngayon ang gagawin ko sa aking ubasan:
Papatayin ko ang mga halamang nakapaligid dito.
Wawasakin ko ang bakod nito.
Hahayaan kong ito’y mapasok at sirain ng mga ilap na hayop.
Pababayaan ko itong lumubog sa sukal, mabalot ng tinik at dawag;
di ko babawasin ang sanga’t dahong labis, di ko pagyayamanin ang mga puno nito;
at pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan.
Ang ubasang ito’y ang bayang Israel, at ang Panginoon naman ang siyang nagtanim; ang mga Judiong kanyang inaruga ang mga puno ng ubas.
At kanyang hinintay na ito’y gumawa ng mabuti ngunit naging mamamatay-tao,
inaasahang magpapairal ng katarungan ngunit panay pang-aapi ang ginawa.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 79, 9 at 12. 13-14. 15-16. 19-20

Panginoon, iyong tanim
ang ubasan mong Israel.

Mula sa Egipto,
ikaw ang naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao mo’y palayasin.
Hanggang sa ibayo,
sa ibayong dagat, ang sangang
malabay nito’y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti’t umabot sa ilog.

Panginoon, iyong tanim
ang ubasan mong Israel.

Bakit mo sinira?
Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
Mga baboy damong
nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop pawang nasa parang.

Panginoon, iyong tanim
ang ubasan mong Israel.

Ika’y manumbalik,
O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito’y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
Lumapit ka sana,
ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo’t iyong pinalakas!

Panginoon, iyong tanim
ang ubasan mong Israel.

At kung magkagayon,
magbabalik kami’t di na magtataksil sa ‘yo kailanman,
kami’y pasiglahi’t aming pupurihin ang iyong pangalan.
Kami ay ibalik,
Panginoong Diyos, at ipadama mo ang ‘yong pagmamahal,
iligtas mo kami at sa iyong sinag kami ay tanglawan.

Panginoon, iyong tanim
ang ubasan mong Israel.

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 4, 6-9

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid, huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Kristo Hesus.

Sa wakas, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung magkagayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 15, 16

Aleluya! Aleluya!
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabubuting tao.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 21, 33-43

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan: “Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga. May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid, at ito’y binakuran niya. Gumawa siya roon ng pisaan ng ubas at nagtayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, kanyang iniwan sa mga kasama ang ubasan, at siya’y nagtungo sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga alipin upang kunin sa mga kasama ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang mga alipin; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. Pinapunta uli ng may-ari ang mas maraming alipin, ngunit gayun din ang ginawa ng mga kasama sa mga ito. Sa kahuli-huliha’y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. ‘Igagalang nila ang aking anak,’ wika niya sa sarili. Ngunit nang makita ng mga kasama ang anak, sila’y nag-usap-usap: ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin. Kaya’t siya’y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay.

“Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga kasamang iyon?” Sumagot sila, “Lilipunin niya ang mga buhong na iyon, at paaalagaan ang ubasan sa ibang kasama na magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas.” Tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan?

‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
at ito’y kahanga-hanga!’

Kaya nga sinasabi ko sa inyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Diyos kundi ang bansang maglilingkod sa kanya nang tapat.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Nagpapasalamat tayo sa pagtitiwala ng Panginoon at sa Kanyang pagiging bukas-palad sa atin. Idulog natin ang ating mga kahilingan sa Kanya para sa lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan, ng Simbahan, at ng bawat isa sa atin. Maging tugon natin ay:

Panginoon, dinggin mo kami!

Nawa maging laging handog sa Panginoon ng buong pamayanan ng mga Katolikong sumasampalataya ang mga bunga ng katapatan, pagiging masunurin, at paglilingkod. Manalangin tayo!

Nawa gabayan tayo ng lahat nating pinunong espirituwal at pambayan sa pamamagitan ng mabuting halimbawa ng tapat na paglilingkod sa Panginoon at sa gayo’y maitatag ang Kaharian ng Diyos sa lupa. Manalangin tayo!

Nawa magbungang sagana ang mga pagsisikap ng ating mga misyonero at boluntaryong laiko sa mga bansang kanilang pinaglilingkuran. Manalangin tayo!

Nawa lahat ng mga taong katutubo ay bigyang kakayahan upang maipagtanggol ang lupain ng kanilang mga ninuno, yaman ng kanilang kultura, at kanilang mga karapatan bilang mamamayan, sa tulong ng pamahalaan at kanilang mga kapwa Pilipino. Manalangin tayo!

Nawa tutulan nating lahat ang anumang uri ng pagpatay – tulad ng pagpapalaglag, parusang kamatayan, euthanasia, at di makatarungang pagpaslang – at sa halip ay protektahan at igalang ang buhay. Manalangin tayo!

Nawa magpugay sa Diyos ang ating pamayanan at mga mag-anak sa lahat ng oras at puspusin ang kanilang mga isipan ng pawang mabuti, dalisay, at banal. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, bukal ng aming pag-asa’t pagiging mabunga, salamat sa lahat ng Iyong tiwala at tiyaga sa amin. Nawa ang aming buhay ay maging awit ng papuri at pasasalamat sa Iyong nabubuhay at naghahari magpakailanman.

Amen!

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Ang fourth estate

 102,552 total views

 102,552 total views Mga Kapanalig, may apat na institusyong itinuturing na haligi o pillars of democracy. Kabilang dito ang tatlong sangay ng gobyerno—ang ehekutibo, ang lehislatura,

Read More »

Bantay ng bayan

 146,160 total views

 146,159 total views Mga Kapanalig, dahil na rin sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga nasa pamahalaan noong isinailalim ang Pilipinas sa batas militar o martial law,

Read More »

BAGSAK ANG MAHIHIRAP

 228,116 total views

 228,115 total views Kapanalig, sa mataas na halaga ng mga produktong petrolyo, sino ang pinaka-apektado? Kapanalig, sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo

Read More »

SHORT CHANGE

 236,721 total views

 236,721 total views Kapanalig, sinasabi ng Merriam dictionary…, ibig sabihin ng “short change” ay to deprive of or give less than something due: CHEAT Sa kabila

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Biyernes, Mayo 15, 2026

 5,660 total views

 5,660 total views Paggunita kay San Isidro, magsasaka Mga Gawa 18, 9-18 Salmo 46, 2-3. 4-5. 6-7 Hari ng sangkalupaan D’yos na Makapangyarihan. Juan 16, 20-23a

Read More »

Huwebes, Mayo 14, 2026

 6,841 total views

 6,841 total views Kapistahan ni Apostol San Matias Mga Gawa 1, 15-17. 20-26 Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8 Hinirang ng D’yos ay dinangal sa piling

Read More »

Miyerkules, Mayo 13, 2026

 9,110 total views

 9,110 total views Miyerkules sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 17, 15. 22 – 18, 1 Salmo 148, 1-2. 11-12ab. 12k-14a. 14bkd

Read More »

Martes, Mayo 12, 2026

 7,299 total views

 7,299 total views Martes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kina San Nereo at San Achiles, mga martir o kaya Paggunita kay San

Read More »

Lunes, Mayo 11, 2026

 7,311 total views

 7,311 total views Lunes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 16, 11-15 Salmo 149, 1-2. 3-4. 5-6a at 9b Panginoo’y nagagalak sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top