3,477 total views
Lunes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Roma 11, 29-36
Salmo 68, 30-31. 33-34. 36-37
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
Lucas 14, 12-14
Monday of the Thirty-first Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Roma 11, 29-36
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa taga-Roma
Mga kapatid, ang Diyos ay hindi nagbabago ng isip tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. Dati, masuwayin kayo sa Diyos, ngunit ngayo’y kinahahabagan sa panahon ng pagsuway ng mga Judio. Gayun din naman sila’y naging masuwayin ngayong kayo’y kinahahabagan upang sila’y kahabagan din. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao upang maipadama sa kanila ang kanyang habag.
Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kayamanan, karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi malirip ang kanyang mga panukala at pamamaraan! Gaya ng nasusulat:
“Sapagkat sino ang nakaalam sa pag-iisip ng Panginoon,
O sino ang naging tagapayo niya?”
“Sino ang nakapagkaloob ng anuman sa Diyos
para siya nama’y gantimpalaan?”
Sapagkat mula sa kanya at sa pamamagitan niya at sa kanya ang lahat ng bagay. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 68, 30-31. 33-34. 36-37
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
Naghihirap ako’t mahapdi ang sugat,
O Diyos, itayo mo, ako ay iligtas.
Pupurihin ang diyos, aking aawitan,
dadakilain ko’t pasasalamatan.
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
Lingkod na bilanggo’y di nalilimutan.
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
Ang Lungsod ng Sion, kanyang ililigtas,
bayang nasa Juda’y muling itatatag:
doon mananahan ang mga hinirang,
ang lupain doo’y aariing tunay.
Magmamana nito’y yaong lahi nila
may pag-ibig sa Diyos ang doo’y titira.
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
ALELUYA
Juan 8, 31b-32
Aleluya! Aleluya!
Kapag ang aking salita
sa inyo’y naidambana,
taglay n’yo ang aking diwa.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 14, 12-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa pinuno ng mga Pariseo na nag-anyaya sa kanya: “Kapag naghahanda ka, huwag ang mga kaibigan mo, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, sapagkat aanyayahan ka rin nila, at sa gayo’y nagantihan ka na. Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo. Hindi sila makagaganti sa iyo at sa gayo’y magiging mapalad ka. Gagantihin ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.