Miyerkules, Oktubre 9, 2024

SHARE THE TRUTH

 4,420 total views

Miyerkules ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita kina Obispo San Dionisio at mga kasama, mga martir
o kaya Paggunita kay San Juan Leonardo, pari

Galacia 2, 1-2. 7-14
Salmo 116, 1. 2

Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.

Lucas 11, 1-4

Wednesday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. Denis, Bishop, and Companions, Martyrs (Red)
or Optional Memorial of St. John Leonardi, Priest (White)

UNANG PAGBASA
Galacia 2, 1-2. 7-14

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia

Mga kapatid, makalipas ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem na kasama sina Bernabe at Tito. Nagbalik ako sapagkat ipinaalam sa akin ng Diyos na dapat akong pumaroon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga pangunahin sa simbahan, at ipinaliwanag ko sa kanila ang Mabuting Balita ng kaligtasan na ipinangangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito sapagkat ayokong mawalan ng kabuluhan ang aking pagpapagal sa nakaraan at sa kasalukuyan.

Sa halip, kinilala nilang ako’y hinirang ng Diyos upang mangaral ng Mabuting Balita ng kaligtasan sa mga Hentil, tulad din ng pagkahirang kay Pedro upang mangaral ng Mabuting Balita ng kaligtasan sa mga Judio. Ang Diyos na humirang kay Pedro bilang apostol sa mga Judio ang siya ring humirang sa akin bilang apostol sa mga Hentil. Nabatid nina Santiago, Pedro at Juan, mga kilalang haligi ng simbahan, na ang Diyos ang siyang nagbigay sa akin ng tanging kaloob na ito. Kaya’t kami ni Bernabe’y tinanggap nila bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami’y sa mga Hentil at sa mga Judio naman sila. Ang hiling lamang nila ay huwag naming pababayaan ang mga dukha, na talaga namang pinagsisikapan kong gawin.

Nang si Pedro’y nasa Antioquia, hayagan kong sinabi sa kanyang mali ang kanyang ginagawa. Sapagkat noong hindi pa dumarating ang ilang lalaking pinaparoon ni Santiago, siya’y sumasalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating ang mga iyon, siya’y lumayo at hindi na nakisalo sa kanila dahil sa takot sa pangkat ng mga Judio. At gumaya rin sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati na si Bernabe’y natangay sa kanilang pagkukunwari. Nang makita kong hindi sila namumuhay ayon sa tunay na diwa ng Mabuting Balita, sinabi ko kay Pedro sa harapan nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at di bilang isang Judio, paano mo mapipilit ang mga Hentil na mamuhay na gaya ng mga Judio?”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 116, 1. 2

Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.

o kaya: Aleluya.

Purihin ang Poon!
Dapat na purihin ng lahat ng bansa,
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa.

Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.

Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati’y dakila at wagas,
at ang katapatan niya’y walang wakas.

Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.

ALELUYA
Roma 8, 15bk

Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng Diyos Anak
ay siyang ating tinanggap
nang D’yos Ama ay matawag.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 11, 1-4

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Minsan, nananalangin si Hesus. Pagkatapos niya, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Hesus, “Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo:

‘Ama, sambahin nawa ang pangalan mo.
Magsimula na sana ang iyong paghahari.
Bigyan mo kami ng aming makakain sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
sapagkat pinatatawad namin ang bawat nagkasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Manalangin tayo sa Amang nasa Langit na mayroong ganap na pananalig sa kanya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, bigyan Mo kami ng makakakain sa araw-araw.

Ang Simbahan sa buong daigdig nawa’y magpahayag ng malalim na pananalig sa pagdating ng Kaharian ng pag-ibig, katarungan, at kapayapaan ng Ama, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa gitna ng mga pagsubok sa buhay, nawa’y patuloy tayong nagdarasal at hindi magpadaig sa anumang tukso, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y magkaroon ng sapat na makakain sa araw-araw na pangangailangan at magkaroon ng dakilang puso upang patawarin ang ating mga kaaway, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at ang mga nakararanas ng paghihirap sa buhay nawa’y matulungan ng kanilang kapwa sa pagpapasan ng kanilang krus, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makita ang Panginoon nang harapan sa kanyang walang hanggang tahanan sa paraiso, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, pinasasalamatan ka namin sa iyong pakikinig sa aming mga panalangin. Tulungan ninyo kaming manalig palagi sa iyong pagmamahal at tanggapin ang iyong kalooban sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

PAG-ASA

 83,620 total views

 83,620 total views Kapanalig, tayong mga Pilipino ay patuloy na kumakapit sa Pag-asa (Hope). Nang ma-appoint si dating DOJ secretary Crispin Remulla na Ombudsman noong October

Read More »

VP Sara

 105,625 total views

 105,625 total views Kapanalig, mayroong kasabihan na walang lihim na hindi nabubunyag! Nabunyag sa pagdinig ng House Committee on Justice na dumidinig sa impeachment complaint na

Read More »

Itigil ang pagdanak ng dugo

 129,967 total views

 129,967 total views Mga Kapanalig, 19 na katao ang pinagpapatay sa bayan ng Taboso sa Negros Occidental noong ika-19 ng Abril.  Mahigit anim na raang residente

Read More »

Palabas ba ang giyera kontra droga?

 152,317 total views

 152,317 total views Mga Kapanalig, patuloy ang pagdinig ng House Committee on Justice para alamin ang probable cause para ma-impeach si Vice President Sara Duterte. Noong

Read More »

Instrumento ng karahasan

 181,727 total views

 181,727 total views Mga Kapanalig, may panibago na namang bahid sa imahe ng kapulisan. Hindi pa nga nila lubusang nalilinis ang kanilang hanay mula sa pagiging

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Linggo, Mayo 3, 2026

 4,263 total views

 4,263 total views Ika-5 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) Mga Gawa 6, 1-7 Salmo 32, 1-2. 4-5. 18-19 Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo’y

Read More »

Sabado, Mayo 2, 2026

 4,263 total views

 4,263 total views Sabado sa Ika-4 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 13, 44-52 Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4 Kahit saa’y namamalas tagumpay ng Nagliligtas.

Read More »

Biyernes, Mayo 1, 2026

 8,333 total views

 8,333 total views Biyernes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 13, 26-33 Salmo 2, 6-7. 8-9. 10-11 Anak ng Diyos kailanman sa

Read More »

Huwebes, Abril 30, 2026

 9,311 total views

 9,311 total views Huwebes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Pio V, papa Mga Gawa 13, 13-25 Salmo 88, 2-3.

Read More »

Miyerkules, Abril 29, 2026

 10,717 total views

 10,717 total views Paggunita kay Santa Catalina de Siena, dalaga at pantas ng Simbahan Mga Gawa 12, 24 – 13, 5a Salmo 66, 2-3. 5. 6

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top