Feast of Sto. Niño
Holy Childhood Day (Sancta Infantia)
Week of Prayer for Christian Unity
Is 9:1-6 Eph 1:3-6.15-18 Lk 2:41-52
Ang pananampalatayang Katoliko ay iisa lang sa buong mundo, ngunit ito ay nagkakaroon ng kanyang katangian sa bawat kultura depende sa katangian ng mga tao at sa kanilang kasaysayan. Ang debosyon sa Mahal na Santo Niño ay isang katangian ng pananampalatayang katoliko ng mga Pilipino. Laganap ang debosyong ito sa buong kapuluan natin. Ang kanyang kapistahan sa ikatlong linggo ng Enero ay ipinagdiriwang sa maraming mga simbahan at chapels sa buong bansa. Pati na nga ang mga Pilipino sa ibang bansa ay nagdiriwang ng kapistahan ng Santo Niño.
Ang larawan ng batang si Jesus na nakadamit na hari ay bahagi ng ating kasaysayan. Ipinagdiriwang na natin ang ating 500 Years na Anibersayo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa ating kapuluan. Ang larawan ng Santo Niño ay ang tanda ng simula ng pananampalatayang ito na hanggang ngayon ay buhay na buhay pa. Iniwan ng mga unang kastila na kasama ni Magellan ang Pilipinas noong sila ay matalo sa labanan sa Mactan. Pero nanatili ang original na larawan ng Santo Niño at patuloy itong pinararangalan ng mga taga Cebu. Nagalit ang mga Pilipino sa mga kastila at nagrebelde tayo sa kanilang pamumuno at pang-aabuso. Pero patuloy tayong kumapit sa pananampalatayang Katoliko na sinasagisag ng Poong Santo Niño. Kaya ganoon na lamang kalalim ang ating debosyon sa Batang Jesus kasi ito ay nakaugat na sa ating kasaysayan. Tulad ng sinabi ni propeta Isaias sa ating unang pagbasa, ang lupain na nakabalot sa dilim ay nakakita ng malaking liwanag. Ang mga kapuluan sa Pilipinas na nakabalot sa dilim ng pagsamba sa mga anito ay nakakita ng liwanag na dala ni Kristo. Ang liwanag na ito ay nagdala ng malaking kagalakan sapagkat ang isang sanggol ay isinilang sa atin. Ang batang ito ay maghahari nang makatarungan at mapayapa sa atin. Sa larawan ng Santo Niño, si Jesus ay hari pero hindi isang haring nakakatakot. Namumuno siya sa atin hindi sa pamamagitan ng lakas at ng dahas kundi sa pamamagitan ng kanyang pagpapakumbaba at pagiging kaakit-akit. We are attracted to him!
Marahil isang dahilan din bakit malapit ang ating puso sa Poong Santo Niño ay ang ating likas na katangian bilang mga Pilipino na malapit ang ating puso sa mga bata. Mapagmahal at mapag-alaga tayo sa mga bata. Nakikita natin ang mga bata na regalo ng Diyos at ito ay iniingatan natin. Kaya huwag tayo magpadala sa kaisipan na ang bata ay sagabal sa ating kaligayahan at kalayaan. Huwag natin silang tingnan bilang gastos. Tingnan natin sila bilang biyaya at sila ang nagbibigay ng lakas ng loob sa atin. Children renew us. Makikita ito sa mga lolo at lola na nag-aalaga ng mga apo. Ang mga bata ang nagbibigay ng sigla sa matatanda. May mga panahon din na nagkakaisa ang pamilya dahil sa mga bata.
Pero totoo na ang mga bata ay nagbibigay din ng problema sa atin. Ito ay naranasan mismo ni Maria at ni Jose. Kahit na si Jesus ay anak ng Diyos, nagkakaroon din ng di pagkakaunawaan at kaguluhan sa Banal na Mag-anak dahil sa kanya. Wala namang pamilya na walang problema. Isa rito ang inilarawan sa atin sa ating ebanghelyo. Walang namang may kasalanan dito. May nakaligtaan lang dahil sa maling akala. Noong pauwi na sila mula sa kanilang pilgrimage sa Jerusalem, akala ni Jose na si Jesus ay kasama ni Maria at akala naman ni Maria na siya ay kasama ni Jose. Sila ay naglalakbay ng pangkat-pangkat sa kanilang pilgrimage na maaring abutin ng mga tatlo o apat na araw na paglalakad mula sa Jerusalem hanggang sa Nazareth. Iba ang usapan ng mga babae kaya sama-sama sila sa paglalakad. Ang mga lalaki naman ay sama-sama rin habang pinag-uusapan ang mga usapin ng kanilang hanap buhay. Si Jesus, bilang bata, ay maaaring sumama sa mga babae o sa mga lalaki. Noong nagtagpo ang mga pangkat nang takip silim na, doon lamang nila namalayan na wala si Jesus. Malaking problema ito sa mag-asawa. Hindi sila nagsisihan. Ang problema ay hindi dapat maging dahilan ng pag-aaway o paghihiwalay. Ito ay dapat maging dahilan ng pagkakaisa at pagtutulungan. Kaya nagsama ang mag-asawa pabalik sa Jerusalem at doon hinanap si Jesus. Sa ikatlong araw natagpuan nila si Jesus sa templo kasama ng mga guro na nag-uusap tungkol sa Banal na Kasulatan. Bata pa si Jesus ngunit ang interest niya ay nasa Bibliya na. Noong tanungin siya ng kanyang ina bakit niya ginawa ito, nagtaka si Jesus dahil sa akala niya na alam na dapat ng mga magulang niya kung saan siya matatagpuan. “Bakit ninyo ako hinanap?” ang sagot niya. “Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat nasa bahay ng aking Ama?” Maling akala na naman! He presumed that his parents knew where he should be.
Nagkaroon naman ng happy ending ang pangyayaring ito. Sumama si Jesus sa pagbalik sa Nazareth at siya ay naging masunurin sa kanyang mga magulang. Umunlad ang kanyang pangangatawan, ang kanyang karunungan at ang kanyang pagiging kalugud-lugod sa Diyos at sa kapwa tao. Hindi si Jesus tumanda nang paurong. Nakakalungkot na marami, habang sila ay lumalaki ay mas naging pilyo at pasaway. Hindi na natutuwa ang mga tao sa kanila at lumalayo din sila sa Diyos at sa mga mabubuting asal na itinuro sa kanila noong bata pa sila. Iba si Jesus. Mas naging kalugud-lugod siya sa tao at sa Diyos.
Ang ating debosyon sa Sto Nino ay dapat magpakita ng dalawang katangian – pagmamahal sa bayan at pagmamahal sa mga bata. Pagmamahal sa bayan kasi ang Sto Nino ay kaugnay sa kasaysayan ng ating bansa. Hingin natin kay Sto Nino na palaguin ang ating pagmamahal sa bayan. Isa-alang alang natin ang ikabubuti nito lalo na ngayong darating na election. Isulong natin ang mga kandidato na magdadala ng ikabubuti ng bayan. Huwag nating ipagbili ang bayan kaya huwag nating ipagbili ang ating boto. Alamin natin ang kasaysayan ng ating bayan. Kilalanin natin ang talagang tumutulong sa bayan at ang mga nagsamantala dito. Bahagi rin ng ating pagpapahalaga sa bayan ay ang pangangalaga ng likas na kagandahan ng ating lalawigan. Huwag nating tanggapin ang mga politiko na pumapayag na minahin ang ating lugar. Nakakasira ang pagmimina hindi lang sa ating kabundukan kundi pati na rin sa samahan at pagkakaisa ng mga katutubo at mamamayan.
Pagmamahal din sa mga bata. Hindi lang sapat na bigyan natin sila ng buhay. Gabayan natin sila sa buhay. Pinalaki ni Maria at ni Jose si Jesus na sumusunod sa kanilang pananampalataya, kaya dinadala siya sa pilgrimages nila, at sa pagmamahal sa Banal na Kasulatan, kaya bata pa si Jesus ang interest niya ay ang mga kautusan na ng Diyos. Hinanap nila ang bata noong ito ay nawala. Maraming mga bata at kabataan na ngayon ay nawawala. Huwag sanang magsawa ang mga magulang na hanapin sila. Hindi magiging maayos ang buhay ng mga bata kung hindi maayos ang samahan sa pamilya. Hingin natin sa Holy Family na pangalagaan, iligtas at gabayan ang ating mga pamilya. Ipagdasal natin sa Poong Santo Niño ang ating mga niños at niñas. Matularan nawa nila si Jesus na lumaki sila na naging kalugud-lugod sa Diyos at sa kapwa tao.
Magkakaroon tayo ng second collection ngayong linggo para sa mga programa sa ikabubuti ng mga bata at kabataan. Hingin din natin kay Santo Niño na pag-isahin ang mga Kristiyano. Mahilum na sana ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga Kristiyano na tumatanggap naman sa Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo. Santo Nino , ipanalangin mo kami!
Viva Santo Niño! Viva!






