67,537 total views
Mga Kapanalig, tila hindi na pangkaraniwan ang init na ating nararanasan sa mga panahong ito!
Sa mga nagdaang linggo, ramdam na ramdam ang matinding taas ng heat index o damang init. May mga lugar na umaabot na ang heat index sa “danger level” na maaaring magdulot ng heat cramps, exhaustion, o heat stroke.
Ang mataas na heat index ay hindi lamang simpleng init. Kombinasyon ito ng temperatura at humidity o halumigmig na nagbibigay ng mas matinding epekto sa katawan. Magkaiba kasi ang aktwal na temperatura at ang init na nararamdaman ng ating katawan. Kapag mataas ang humidity, mabagal sumingaw ang pawis mula sa balat, kaya hindi nakakabawas ng init ang katawan. Dahil dito, nananatiling mataas ang nararamdamang temperatura. Ang danger level ay tumutukoy sa heat index na nasa pagitan ng 42°C hanggang 51°C. Kapag hindi agad nakapagpalamig o nakainom ng sapat na tubig ang isang tao, maaari itong magdulot ng pagkahilo, pagsusuka, at pagkawala ng malay. Lalo itong delikado sa mga bata, matatanda, at mga manggagawang bilad sa araw.
Kaugnay nito, isinusulong ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction ang kampanyang #NoNaturalDisasters, isang panawagan na baguhin ang pananaw natin sa mga sakuna. Ayon sa kanila, hindi talaga “natural” ang mga sakuna. Ang mga hazard katulad ng matinding init ay nagiging disaster dahil sa kakulangan ng paghahanda, maling desisyon, at kapabayaan ng tao. Samakatuwid, dapat tingnan ang lahat ng sakuna bilang man-made.
Tama naman ito. Ang init ng panahon ay hindi natin maiiwasan, pero maiiwasan nating humantong ito sa disaster. Kailangan ng sapat na aksyon at paghahanda.
Ang pamahalaan ang unang dapat pinakahanda, pero sa tuwing tumataas ang heat index, paalala ng pag-iingat lamang ang ibinibigay nito. Nasaan ang mga polisiya para sa heat protection ng mamamayan, maayos na pampublikong transportasyon na hindi parang niluluto ka sa init, o mga programang tutulong sa mga manggagawang nagtatrabaho sa ilalim ng síkat ng araw? Bakit kikilos lang tayo kapag nandyan na ang problema?
Tandaan din nating ang matinding init na ito ay bahagi ng mas malawak na krisis sa klima. Habang patuloy ang pagsira sa kalikasan at kakulangan sa pangmatagalang plano, lalong tumitindi ang epekto ng climate change sa pang-araw-araw nating buhay. At sino ang unang naaapektuhan? Hindi ang mga nasa komportableng opisina o may kakayahang magpalamig ng kanilang tahanan, kundi ang mga ordinaryong mamamayan—mga commuter na nakabilad sa pila, mga trabahador, delivery rider, tindera sa kalsada, mga magsasaka at mangingisda. Sa gitna pa ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pamasahe, at iba pang pangangailangan. Kawawa talaga ang mga ordinaryong mamamayan!
Bilang mga indibidwal, may magagawa tayo: uminom ng sapat na tubig, umiwas sa matinding init kung maaari, magsuot ng preskong damit, at alagaan ang ating kalusugan. Pero dapat din nating igiit ang ating karapatan sa isang ligtas at maayos na kapaligiran, lalo na’t ang ganitong klase ng init ay nagiging “new normal” na.
Mga Kapanalig, tinatawag ng Mateo 20:26 ang mga nasa kapangyarihan na “maglingkod sa kapwa.” Mariin ding itinuro ni Pope Francis na ang tunay na lider ay nangunguna sa pagkilos para sa pangangalaga at pagprotekta sa sangnilikha. Sa hirap ng buhay ngayon, ang init ng panahon ay hindi lamang dapat tiisin. Ito ay dapat paghandaan at tugunan. Walang ibang makakapasan ng pananagutan kundi ang mga inatasang manguna sa pagprotekta sa mga mamamayan. Huwag naman sanang hayaan ng pamahalaan na tinitiis na lamang ng mga mamamayan ang matinding init para lamang makaraos at makaipon ng kakarampot na kikitain sa araw-araw. Huwag na sanang hintaying maging sakuna ang mga nagbabadyang panganib sa ating paligid.
Sumainyo ang katotohanan.






