1,961 total views
Martes ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Genesis 6, 5-8; 7, 1-5. 10
Salmo 28, 1a at 2. 3ak-4. 3b at 9b-10
Basbas ng kapayapaa’y
sa bayan ng Poong mahal.
Marcos 8, 14-21
Tuesday of the Sixth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Genesis 6, 5-8; 7, 1-5. 10
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Nakita ng Panginoon na labis na ang kasamaan ng tao, at wala na itong iniisip na mabuti. Kaya’t ikinalungkot niya ang pagkalalang sa tao. Sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng hayop at mga ibon. Bakit ba nilalang ko pa ang mga ito?” Sa mga nilalang niya’y si Noe lamang ang naging kalugud-lugod sa kanya.
Sinabi ng Panginoon kay Noe: “Pumasok kayong mag-anak sa daong. Sa lahat ng tao’y ikaw lamang ang karapat-dapat sa akin. Magdala ka ng pitong pares sa bawat hayop na malinis, at isang pares naman sa di malinis. Pitong pares din sa bawat uri ng ibon ang iyong dadalhin. Gawin mo ito upang ang bawat uri ng ibon at hayop ay maligtas; sa gayo’y daraming muli ang mga ito. Pagkaraan ng isang linggo, pauulanin ko nang apatnapung araw at apatnapung gabi upang lipulin ang lahat ng aking nilikha sa daigdig.” At ginawa nga ni Noe ang bawat iniutos ng Panginoon.
Pagkaraan ng isang linggo, bumaha nga sa daigdig.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 28, 1a at 2. 3ak-4. 3b at 9b-10
Basbas ng kapayapaa’y
sa bayan ng Poong mahal.
Purihin ang Panginoon ninyong banal na nilalang,
pagkat siya ay dakila’t marangal ang kanyang ngalan;
ang Poon ay dakilain, purihin ang Diyos na Banal,
yumuko ang bawat isa kapag siya ay dumatal.
Basbas ng kapayapaa’y
sa bayan ng Poong mahal.
Sa gitna ng karagatan tinig niya’y naririnig.
Sa laot ng karagata’y hindi ito nalilingid.
Pag nangusap na ang Poon, tinig niya’y ubod-lakas,
ngunit tinig-kamahalan, kapag siya’y nangungusap.
Basbas ng kapayapaa’y
sa bayan ng Poong mahal.
Ang tinig ng dakilang Diyos, parang kulog na malakas,
kaya’t mga nasa templo’y sumisigaw, nagagalak,
“Panginoo’y papurihan!” ganito ang binibigkas
Siya rin ang naghahari sa dagat na kalaliman,
namumuno siya roon bilang hari, walang hanggan.
Basbas ng kapayapaa’y
sa bayan ng Poong mahal.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 8, 14-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay, at iisa lang ang kanilang tinapay sa bangka. “Kaiingat kayo! Ilagan ninyo ang lebadura ng mga Pariseo at ang lebadura ni Herodes,” babala ni Hesus sa kanila. Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay kaya niya sinabi iyon.” Alam ito ni Hesus, kaya’t sila’y tinanong niya, “Bakit ninyo pinag-uusapan na kayo’y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakabatid o nakauunawa? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? Wala ba kayong mata? Wala ba kayong tainga? Nakalimutan na ba ninyo nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibo? Ilang bakol ang napuno ninyo sa mga lumabis na tinapay?” “Labindalawa po,” tugon nila. ‘At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apatnalibo, ilang bakol na malalaki ang napuno ninyo?” tanong niya. “Pitong bakol po,” tugon nila. “At hindi pa rin ninyo nauunawaan?” wika niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Natitipon tayo bilang sambayanan ng Diyos; dalhin natin ang ating mga pangangailangan sa Ama, panatag ang ating kalooban na tayo’y kanyang pagbibigyan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Maibiging Ama, akayin Mo kami sa Iyong pamamaraan.
Ang ating mga pastol sa Simbahan nawa’y italaga nang buong-buo ang kanilang buhay sa pagpapahayag ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng kanilang pagsaksi sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang at guro nawa’y maging mga buhay na huwaran ng pananampalataya sa mga taong nasa kanilang pag-aaruga, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y maibigay ang lahat ng ating makakaya para gawin ang nararapat at nawa ang Salita ng Diyos ang siyang magbigay sa atin ng lakas para sa anumang gagawin natin, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y magpakita ng malasakit sa mga matatanda, mga nalulumbay, at mga maysakit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng bagong buhay at kapahingahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, palalimin mo ang aming pananampalataya upang lumago kami sa iyong pag-ibig at laging maglingkod sa iyo nang may mapagbigy at malinis na puso. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.