Mga Kapanalig, itinanggi ni Senador Mark Villar ang mga akusasyong ginamit niya ang kanyang posisyon bilang dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (o DPWH) para makinabang ang negosyo ng kanyang pamilya.
Inaasahan na natin ang ganitong sagot ng senador sa sinasabing posibleng conflict of interest noong pinamumunuan niya ang DPWH kung kailan nakakuha ng maraming joint venture agreements ang PrimeWater, ang water company ng kanyang kapatid. Para sa ating impormasyon, nasa ilalim ng DPWH ang Local Water Utilities Administration (o LWUA) na nangangasiwa sa mga water districts. Sa panahong secretary ng DPWH si Senador Villar, kapansin-pansin daw ang pagdami ng mga kontratang nakuha ng PrimeWater. Pumasok siya ng gobyerno na may 15 kontrata ang PrimeWater. Nang umalis siya sa DPWH, lumobo ang mga ito sa 69.
Dahil kaya ito sa kanyang impluwensya? Hindi raw, giit ng senador.
Ilang buwan nang laman ng balita ang PrimeWater dahil sa dami ng reklamo ng mga customers nito sa iba’t ibang bayan at probinsya. May mga inirereklamo ang hindi tuluy-tuloy na suplay ng tubig. Kung meron mang tumutulo sa kanilang gripo, may kalawang o mabaho naman daw ang tubig. Sa tindi ng kalbaryong dinaranas ng mga customers ng PrimeWater, mismong Malacañang na ang nag-utos sa LWUA na magsagawa ng imbestigasyon.
Lumitaw sa paunang imbestigasyon na may posibleng iregularidad sa mga kontratang pinasok ng mga local water districts sa PrimeWater. Marami sa mga kontratang ito ay hindi dumaan sa public bidding, na isang paraan para sa patas sa kompetisyon. Mga unsolicited proposals daw ang ipinasa ng PrimeWater, at walang papel ang mga lokal na pamahalaan sa mga kontratang pinasok ng mga water districts. Natuklasan din ng LWUA na nalugi pa nga ang ilang water districts matapos maging joint venture partner ang kompanyang pagmamay-ari ng pamilya ni Senador Villar.
Nangako ang PrimeWater na makikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng LWUA. Dapat lang. Pinag-aaralan naman ng LWUA ang tinatawag na terminations at compulsions sa mga kontratang pinasok ng mga local water districts, pero aminado ang ahensya na mahirap ito, lalo na kung aabot ito sa korte. Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, tutukan daw ng LWUA ang paghahatid ng tubig sa mga lugar na walang tubig.
Tama lang na maliwanagan tayo kung may conflict of interest nga bang nangyari sa DPWH at LWUA, lalo na’t palpak ang naging serbisyo ng water company sa mga customers nito. Ito ang pinangangambahan natin kapag naghahalo ang pulitika at negosyo: baka nagagamit ng mga pulitiko ang kanilang puwesto sa gobyerno para paboran ang mga pribadong interes. Salungat ito sa panlipunang turo ng Simbahan tungkol sa pulitika at pamamahala. Sa Pacem in Terris, mababasa natin ang paalalang ang pangunahing tungkulin ng mga pampublikong awtoridad (o public authorities) ay kilalanin at itaguyod ang karapatan ng mga mamamayan. Kasama sa mga karapatang ito ang pagkakaroon ng access sa malinis at tuloy-tuloy na suplay ng tubig. Kapag unang nakabebenepisyo ang mga pribadong interes, katulad ng mga negosyo ng mga pulitiko, hindi tayo dapat tahimik lang.
May mga nagsasabing mas mabilis ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mga tao kung gagawin ito ng pribadong sektor—mula sa transportasyon at mga ospital hanggang sa tubig at kuryente. May kakayahan at kakayanan daw ito kaysa sa gobyerno. Pero may mga pagkakataong naabuso ang tiwala sa pribadong sektor, gaya ng mga pumapasok sa gobyerno para makakuha ng mga proyektong pagkakakitaan nila.
Mga Kapanalig, “mag-ingat [tayo] sa lahat ng uri ng kasakiman,” paalala nga sa Lucas 12:15. Matatagpuan natin ang kasakiman maging sa loob ng gobyerno dahil hinahayaan nating mapasok ito ng mga hindi naman ang kapakanan ng taumbayan ang interes.
Sumainyo ang katotohanan.






