194,605 total views
Mga Kapanalig, nagsimula na ngayong araw ang ika-30 na Conference of the Parties o COP30 ng United Nations Framework Convention on Climate Change (o UNFCC). Ginaganap ito sa Brazil. Ang COP ay ang taunang pagpupulong ng mga kinatawan ng mga bansa upang tugunan ang climate change.
Isang isyung kaugnay ng climate change ay ang ambag ng sektor ng enerhiya sa pag-init ng ating planeta. Sa ngayon kasi, nakasalalay pa rin ang maraming bansa sa fossil fuels gaya ng coal at petrolyo para lumikha ng enerhiya at kuryente. Ang pagsusunog ng fossil fuels ay nagbubuga naman ng greenhouse gases na sanhi ng pag-init ng ating planeta.
Sumasabay ang Pilipinas sa pagtugon sa isyung ito sa pamamagitan ng tinatawag na energy transition o ang paglipat sa paggamit ng mas malinis na mapagkukunan ng enerhiya. Pangalawa nga tayo sa mga bansang pinakamalaking producer ng nickel, isang mineral na mahalaga sa energy transition. Ginagamit ang nickel sa paggawa ng baterya ng electric vehicles at mga teknolohiyang renewable.
Kailangang-kailangan ang energy transition pero dapat maging makatarungan ito. Ito naman ang tinutukoy ng just energy transition. Kung makapipinsala sa mga komunidad o kalikasan ang energy transition, hindi ito masasabing just. Isa ang just energy transition sa mga paksang tatalakayin sa COP30.
Balikan natin ang industriya ng nickel. Sa datos ng Philippine Statistics Authority, umabot sa 74 bilyong piso ang kita ng industriya ng pagmimina ng nickel noong 2023. Pero ano ang kapalit nito? Ayon sa ulat ng Climate Rights International, dumaranas ng malubhang pinsala ang mga bayang pinagmiminahan ng nickel katulad ng Surigao del Sur at Dinagat Islands. Lubog ang mga ito sa baha, ubos ang isda sa dagat, sira ang mga sakahan, kontaminado ang tubig, at laganap ang mga sakit sa balat at baga.
Ang mas masaklap pa, hindi naman Pilipinas ang gumagamit ng nickel na minimina sa ating mga kabundukan. Sa lahat ng naminang nickel sa nakalipas na limang taon, mahigit 92% ay dinala sa China. Wala na ngang direktang pakinabang tayong mga Pilipino sa nickel na hinukay sa ating kalupaan, pinapasan pa ng mga maliliit na komunidad at mahihirap na kababayan natin ang mga negatibong epekto ng pagmimina.
Tayo nga ang pangalawang pinakamalaking producer ng nickel, pero may napapalâ ba tayo? Paano natin masasabing papunta tayo sa just energy transition kung naisasakripisyo ang mga komunidad at kalikasan?
Turo ng ating Simbahan: ang paggawa ng mga bagay na nagdadala sa mga tao ng kagutuman at kahirapan ay para na ring pagpatay. Ganito mismo ang ginagawa ng pagmimina ng nickel sa ating mga kababayan. Nasaan ang tinatawag nating sustainability kung apektado naman ang abilidad ng kasalukuyan at mga susunod pang henerasyon na punan ang kanilang mga pangangailangan? Kung may mga komunidad na nawawalan ng tirahan, kabuhayan, at nalalagay sa peligro ang kalusugan, pangmatagalang pag-unlad ba ang nakakamit natin? Matatawag bang makatarungan o just ang energy transition na nakasalalay sa pagsira sa kalikasan?
Mga Kapanalig, sa pagdaraos ng COP30, nawa’y magsilbing paalala sa mga lider ng mga bansa, kabilang ang ating mga kinatawan, ang aral mula sa Deuteronomio 16:20: “Ang katarungan, at katarungan lamang, ang iyong dapat na sundin, upang mabuhay ka at mapangalagaan ang lupang ibinigay sa iyo ng Panginoon.” Magsilbi sanang gabay ito sa kanilang mga desisyon upang matiyak na ang bawat hakbang tungo sa malinis na enerhiya ay tunay na makatarungan—isang pag-unlad na hindi nang-iiwan, hindi nang-aapi, at hindi lumalapastangan sa dignidad ng bawat tao at sa kabanalan ng kalikasan. Sa ganitong paraan lamang natin maitataguyod ang isang tunay na malinis, maunlad, makatao at makakalikasang kinabukasan para sa lahat.
Sumainyo ang katotohanan.






