216,731 total views
Mga Kapanalig, “normal” na sa ating bansa ang mas mainit na panahon at mas malakas na mga bagyo. Dala rin ng mga ito ang dumaraming problemang pangkalusugan katulad ng heat-related illnesses, dengue, leptospirosis, at respiratory conditions. Naaantala din ang operasyon ng mga ospital tuwing may matinding kalamidad. Kaya naman, dapat lang na bigyang-diing hindi lamang problemang pangkalikasan ang climate change. Isa rin itong malubhang krisis pangkalusugan.
Ito ang tinugunan ng COP30 o ang ika-30 na United Nations Conference of Parties sa paglulunsad nito ng Belém Health Action Plan o BHAP. Ang BHAP ay isang planong kumikilala sa lumalaking banta ng climate change sa mga sistemang pangkalusugan sa buong mundo. Nilalayon nitong tulungan ang mga bansang magkaroon ng health systems na kayang tumugon sa mga epekto ng climate change. Ang plano ay nakatuon sa tatlong direksyon: una, mas matatag na surveillance at monitoring ng mga banta sa kalusugan; pangalawa, pagbuo ng mga patakarang nakabatay sa ebidensya at pagpapalakas ng kapasidad ng mga health workers at institusyon; at pangatlo, paggamit ng innovation at digital health.
Hindi bababa sa 3.6 bilyong tao ang naninirahan sa mga lugar na pinaka-vulnerable sa climate change. Taun-taon, mahigit kalahating milyon ang namamatay dahil sa sobrang init. Tumaas ng 41% ang posibilidad na masira ang mga ospital at pasilidad ng kalusugan dahil sa extreme weather events kumpara noong 1990, kaya napapanahon at napakahalaga talaga ng BHAP. Saligan ng BHAP ang mga prinsipyo ng health equity at climate justice sa pagbibigay-diin sa pangangailangan na protektahan ang mga pinaka-vulnerable na bansa, kabilang ang Pilipinas.
Isa ang ating bansa sa pinakatinatamaan ng mga trahedyang dulot ng climate change. Kaya naman, maituturing na pag-asa ang BHAP, pero malaki ring hamon ito. Kaya ba nating makamit ang mga layunin nito? Maisasakatuparan ba ang planong ito gayong kulang ang pondong inilalaan natin sa pigang-piga nang sektor ng kalusugan?
Halimbawa, marami sa ating mga ospital ang luma na, kulang sa kagamitan, at mabilis masira kapag tinamaan ng malalakas na bagyo. Marami ring barangay health centers ang walang sapat na pasilidad at trained personnel upang tumugon sa mga climate-related health emergencies. Ilang dekada na nating hinaharap ang krisis sa klima pero hindi pa rin handa ang ating lokal na sistemang pangkalusugan.
Kailangan ang wastong integrasyon ng BHAP sa lokal na realidad—isang bagay na magagawa lamang kung may political will ang ating mga lider na bigyang-prayoridad ang kalusugan. Sa pamamagitan ng agarang aksyon, sapat na pondo, at seryosong pagtutok sa mga isyung pangkalusugan, mas makikita natin ang malinaw na ugnayan ng kalusugan at klima. Mula rito, mas magiging posible para sa Pilipinas na tunay na umusad tungo sa mga layunin ng BHAP.
Pero kung isinasawalambahala ang koneksyon ng klima at kalusugan, at lalo na kung mananatiling kulang sa pondo ang ating health sector, mananatili tayong lugmok sa walang katapusang siklo ng paghihirap. Kailangang kilalanin ng ating mga lider na ang pagprayoridad sa kalusugan ay pundasyon ng anumang epektibong tugon sa climate crisis.
Sa kanyang mensahe kaugnay ng COP30, ikinalungkot ni Pope Leo XIV ang kakulangan ng political will bilang pangunahing hadlang sa pagtugon sa krisis ng klima. Aniya, “What is failing is the political will of some.” Nagsisilbing paaalala at hamon ito para sa mas matibay at konkretong pagkilos at determinasyon mula sa mga namumuno.
Mga Kapanalig, nakasaad sa Jeremias 22:3: “Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran. Ipagtanggol ninyo ang mga naaapi laban sa mapagsamantala.” Bilang isa sa mga bansang pinaka-vulnerable sa climate at health hazards, tungkulin ng pamahalaan na kumilos nang mas mabilis, mas matapang, at mas makatarungan upang maprotektahan ang ating mga mamamayan.
Sumainyo ang katotohanan.






