60,843 total views
1st Sunday of Advent Cycle A
Is 2:1-5 Rom 13:11-14 Mt 24:37-44
Sa Taon ng Simbahan nasa panahon na tayo ng Adbiyento ngayong Linggo. Ang ibig sabihin ng Adbiyento ay ang pagdating. Sino ang darating? Ang Panginoong Jesus! Kailan siya dumarating? Dumating na siya noon, noong siya ay isinilang sa Bethlehem mga dalawang libong taon nang nakaraan. Ipinagdiriwang natin ang kanyang pagdating noon tuwing araw ng Pasko sa December 25. Inaalaala natin ang birthday ni Jesus sa araw na iyon. Tayo ay nagdiriwang kasi ang Diyos ay naging tao na at naging kapwa natin siya sa pagdating ni Jesus. Pero siya ay umakyat sa langit at bumalik sa Ama. Iniwan na ba niya tayo? Hindi! Nangako siyang babalik uli. Darating uli siya. Kailan? Sa wakas ng panahon. Kailan iyon? Hindi natin alam. Sinabi sa ating ebanghelyo na hindi natin alam at hindi natin malalaman ang muli niyang pagdating, kaya huwag tayong maging pabaya at maging handa palagi tayo. Inihambing ang kanyang muling pagdating sa panahon ng pagdating ng baha noong panahon ni Noe. Ang mga tao ay busy sa kanilang pangkaraniwang gawain at hindi nila alam na tatapusin na pala ang kanilang buhay. Hindi ba ganyan din ang nangyayari sa atin ngayon. Pagdating ng baha, tulad ng nangyari sa Cebu ngayong buwan, hindi ito inaasahan at tinangay na ang mga bagay at pag-aari natin – mga kotse, mga kagamitan, mga bahay at pati na nga ang mga mahal natin sa buhay. Isa pang panghahambing ay ang pagdating ng magnanakaw. Nalolooban tayo sa panahon na hindi natin inaasahan. Ganoon din ang kamatayan. Kahapon kasama pa natin siya sa trabaho at ngayon wala na pala siya. Kasama pa nating matulog at hindi na siya gumising.
Ang ikatlong pagdating ng Panginoon ay ang palagian niyang pagdating sa ating buhay ngayon na madalas ay binabalewala natin. Dumadating siya sa mga mahihirap na humihingi ng tulong sa atin, tulad ng panawagan ng mga nasalanta ng bagyong Tino at Uwan. Dumadating sa Banal na Misa at mga sakramento, dumadating siya sa mga udyok ng ating budhi na magdasal tayo o magpatawad tayo. Madalas hindi natin ito pinapansin.
Kaya ang Panginoong Jesus natin ay dumating na, darating pa at dumadating ngayon. Ano ang ginagawa natin sa dumarating? Pinaghahandaan natin upang matanggap natin siya ng lubos. Sa mga pagdating ni Jesus ang mas pinaghahandaan natin ay ang Pasko. Pero ang pasko ay alaala lang ng una niyang pagdating. Ang pasko ay paalaala lang na ang dumating noon ay darating uli. Kaya ang mas lalong paghahandaan dapat natin ay ang muling pagbabalik niya. Ginagawa ba natin ito? Matatanggap natin siya sa muli at huling pagdating niya kung ngayon ay tinatanggap na natin siya sa kanyang palagiang pagdating sa ating buhay.
Kaya sa Adbiyento hinihikayat tayo na mas lalong maging madasalin at magbasa ng Bibliya. Nakakatagpo natin ang Diyos sa ating panalangin at sa kanyang Salita na ating pinagninilayan. Ginagawa natin ito sa ating pagki-kriska. Dito, bilang magkapitbahay, sama-sama tayong nagdarasal at nagbabasa ng Bibliya. Ang panahon ng adbiyento ay panahon din ng pagkawanggawa. Maging matulungin tayo sa kapwa. Bisitahin natin ang mga may sakit. Maging mapagpasiyensiya tayo sa mga makukulit. Ituwid natin ang nagkakamali. Sa kapwa natin matatagpuan si Jesus. Ang panahon ng adbiyento ay panahon din ng pagsisisi at pagkukumpisal. Ang kasalanan ang nagiging hadlang sa ating pagtanggap kay Jesus. Tanggalin na natin ang sagabal na ito. Magsisisi at maghanap ng pagkakataong mangumpisal.
Sinabi ni San Pablo na panahon na upang gumising tayo sa pagkakatulog. Huwag na tayong magpabaya. Namamaalam na ang gabi at lumilitaw na ang liwanag. Kaya layuan na natin ang mga gawa ng masama at italaga na natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. Paghariin na natin si Jesus sa ating buhay. Kaya lumakad na tayo sa liwanag ng Panginoon.
Kaya makiisa tayo sa paanyaya na narinig natin kay propeta Isaias: “Halikayo, umahon na tayo at lumapit sa Diyos upang malaman natin ang kanyang mga daan at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas.” Kung gagawin natin ito mawawala na ang alitan at pag-aaway. Mawawala na ang digmaan. Magkakaroon na ng kapayapaan. Gagawin nang sudsod ang mga tabak at karit ang mga sibat. Hindi na bibili ng tangke de guera at mga baril, sa halip magpapatayo na ng mga ospital at mga paaralan. Wala nang mangungurakot sa bayan. Makikinabang na ang lahat sa yaman ng bayan at hindi na mapupunta sa bulsa ng mga iilan. Ang ganda di ba? Naniniwala tayo na ito ay mangyayari, kasi ito ay kalooban ng Diyos. Mangyayari ito kung paiiralin natin ang Salita ng Diyos at isasabuhay ito. Simulan na nating gawin ito.
Kaya sa panahon ng adbiyento, binibigyan tayo ng pag-asa sa mga gagawin ng Diyos kung tayo ay susunod sa kanya. Ito ay mangyayari pagdating niya muli. Kaya lakasan natin ang sigaw: Halina Jesus, dumating ka na!






