214,193 total views
Mga Kapanalig, sa gitna pa rin ng mainit na palitan ng mga patutsada ng mga opisyal ng Pilipinas at China sa isyu ng West Philippine Sea, iminungkahi ni Senador Rodante Marcoleta na isuko na lang natin ang Kalayaan Island Group (o KIG). Hindi naman daw bahagi ng exclusive economic zone (o EEZ) of mga isla kaya pakawalan na lang daw natin ang mga ito. “Ano ba talaga pagpapatayan natin?” tanong ng senador. Para daw madali, “i-give up natin ang KIG.”
Hindi nagustuhan ng ating mga kababayan sa bayan ng Kalayaan ang mga sinabi ni Senador Marcoleta. Tanong ni Kalayaan Vice-Mayor MP Albayda, ano pa raw ang silbi ng kanilang bayan? Ano pa raw ang silbi ng magigiting nilang mamamayan?
Nilinaw ng mga eksperto na ang pag-angkin ng Pilipinas sa KIG ay hindi nakabatay sa EEZ kundi sa mga residenteng naninirahan doon. Nariyan ang ating mga batas na pinagtitibay ito, gaya ng Archipelagic Baseline Law of the Philippines at Philippine Maritime Zones Act. Kinikilala rin ito sa mga pandaigdigang kasunduan at desisyon, katulad ng United Nations Convention on the Laws of the Sea (o UNCLOS) at ng 2016 Arbitral Award laban sa China.
Pero hindi lang si Senador Marcoleta ang tila bukambibig ang posisyon ng China sa isyu ng inaagaw nitong teritoryo sa ating karagatan.
Ang anak ng senador na si SAGIP Party-list Representative Paolo Marcoleta ay nagmungkahing “ihilera… sa harap ng bakbakan” sina Philippine Coast Guard Spokesperson Jay Tarriela at mga mayayabang na senador kapag gigiyerahin ng China ang Pilipinas. Ibala raw sila sa kanyon nang makita natin ang tapang nila. Dapat daw panagutin ang mga nagsasalita laban sa agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea para sa libu-libong mawawalan ng trabaho sakaling magpasya ang mga negosyanteng Tsino na umalis ng Pilipinas o pauwiin ang mga OFWs na nagtatrabaho sa China. Ang mga inilarawan niyang “ulupong” daw ang tunay na mga traydor sa bansa dahil sa kanilang kayabangan.
Mukhang “like father, like son.”
Wala naman nagsasabing makipaggiyera tayo sa China. Taliwas sa sinasabi ng nakababatang Marcoleta, sinasagad ng ating gobyerno ang lahat ng paraan para sa diplomatikong resolusyon sa isyu sa West Philippine Sea. Hindi rin solusyon ang pagsuko sa mga islang tinitirhan ng mga kapwa nating Pilipino. Kaduwagan iyon. Nakalulungkot at nakababahalang ang mga ideyang makipaggiyera tayo at sumuko na lamang ay nagmumula sa mga iniluklok ng mga Pilipino sa mga posisyong dapat na nagtatatanggol sa ating mga batas.
Bakit kaya ganoon ang paninindigan ng mag-amang Marcoleta? Ano sa tingin ninyo, mga Kapanalig?
Maalala dapat hindi lang nina Senador Marcoleta at Congressman Marcoleta kundi sa lahat ng ating mga mambabatas at opisyal ng gobyerno na bahagi sila ng institusyong ang pangunahing tungkulin ay tiyakin ang kabutihang panlahat (o common good) sa bansang pinaglilingkuran nila. Sa ganitong paraan, nagiging instrumento ang gobyerno ng pagtataguyod ng katarungan, hindi ng kawalan nito. Hindi lamang sila tagagawa ng batas; tangan nila ang responsabilidad na igiya ang mga mamamayan sa direksyong makabubuti para sa lahat.
Sa usapin tungkol sa West Philippine Sea, hindi na dapat kuwestyon kung kaninong interes ang dapat panigan ng ating mga mambabatas. Kung panig sa tunay na interes ng bayan ang ating mga mambabatas, hindi sila magsasabing sumuko na lang tayo sa mga abusadong bansa o makipagdigmaan para magpakita ng lakas. Pabor sa mga dayuhan ang ganitong mga pananaw at paninindigan.
Mga Kapanalig, gaya ng pahiwatig sa 1 Pedro 5:2-3, bilang mga pastol ng kawan, ang mga lider ng bayan ay dapat maging halimbawa sa kanilang mga pinaglilingkuran. Hindi mabuting halimbawa ang pagpanig sa mga umaapi sa kanilang mga nasasakupan.
Sumainyo ang katotohanan.






