293,562 total views
Mga Kapanalig, sa pambihirang pagkakataon, sabay na inuumpisahan ng mga Katoliko at Muslim ang mahahalagang panahon sa kanilang buhay-pananampalataya.
Sa araw na ito, inuumpisahan nating mga Katoliko ang panahon ng Kuwaresma o Lent. Sa panahong ito, inaanyayahan ang bawat Katolikong mag-ayuno, manalangin, at magkawanggawa. Itinuturing ang Kuwaresma na paghahanda para sa mga Mahal na Araw, kung kailan ginugunita natin ang pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Hesus. Sa susunod na apatnapung araw, hinihimok tayong mag-ayuno tuwing Biyernes, mangumpisal, manalangin, at tumulong sa ating kapwa.
Samantala, inuumpisahan na rin ng mga kapatid nating Muslim ang Ramadan. Sa panahong ito, mag-aayuno rin sila mula bukang-liwayliway hanggang takip-silim. Gagawin nila ito sa loob ng isang buwan. Naniniwala silang makatutulong ang pag-aayuno para lumalim ang kanilang taqwa o kamalayan sa presensya ng Diyos. Nagtatapos ang Ramadan sa Eid al-Fitr kung saan nananalangin, tumutulong sa kapwa, at nagkakasiyahan ang mga kapatid nating Muslim.
Magkaiba man ang tawag sa mahahalagang panahon na ito, may pagkakapareho ang layunin ng Kuwaresma at Ramadan. Nariyan ang pag-aayuno, pagtitimpi, at pagkain lamang ng kailangan ng ating katawan. Kaakibat ng pag-aayuno ang pananalangin bilang pagpapaalala na lahat ng mayroon tayo ay mula sa ating Tagapaglikha. Sa paghahangad ng naaayon o sapat lamang, nakalalabas tayo sa ating mga sarili patungo sa ating kapwa. Sa turo nga ni Hesus sa Mateo 25:40, “[Anuman] ang gawin ninyo sa pinakahamak sa mga kapaid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.” Sa parehas na turo, ipinaaalala ni Propetang Muhammad na ang pinakamabubuti sa atin ay ang paggawa ng mabuti sa iba.
Sa madaling salita, ang Kuwaresma at Ramadan ay mga panahon ng pagpapanibago. Tanungin natin ang ating sarili: paano natin gagamitin ang mga banal na panahong ito upang panibaguhin ang ating ugnayan sa Diyos, sa ating kapwa, at maging sa ating sarili?
Tingnan natin ang ating kapaligiran. Ayon sa Philippine Statistics Authority, tinatayang nasa 17 milyong Pilipino ang sadlak sa kahirapan. (Kulang pa nga ang bilang na ito para sa ilang grupo.) Nananatili ang mga magsasaka, mga mangingisda, at mga bata sa pinakamahihirap na sektor sa bansa. Samantala, bilyun-bilyong piso ang nawawala sa katiwalian sa pamahaalaan. Ang pera ng taumbayan na para sana sa kabuhayan, kalugusan, edukasyon, at imprastraktura ay napupunta sa bulsa ng iilan.
Patuloy ding niyuyurakan ang ating kalikasan. Ilang ektaryang kagubatan pa ba ang makakalbo dahil sa iligal na pagpuputol ng puno at pagmimina? Gaano karaming plastic pa ang matatambak sa ating mga katubigan? Kailan natin poprotektahan ang nasisira na nating mga pangisdaan dahil sa mga mapanirang pamamaraan ng pangingisda?
Sa ibang panig ng mundo naman, patuloy ang mga giyera. Maraming bata, babae, at mga inosenteng sibiliyan ang nadadamay sa girian ng mga lider dahil sa maling pulitika. Matindi rin ang pagsira sa kalikasan sa ibang bansa. Hindi tayo umaabente sa pagtugon sa krisis sa klima, kaya patuloy na umiinit ang mundo, lumalala ang tagtuyot, at lumakas ang mga bagyo.
Ang mga kalagayang ito ay sumasalamin sa ating ugnayan sa Diyos at sa ating kapwa, kasama ang sangnilikha. Ang kahirapan, katiwalian, at pagsira sa kalikasan—sa Pilipinas man o sa ibang panig ng mundo—ay mga bunga ng kawalan ng pagkilala sa dignidad ng bawat tao at nilikha at sa kawalan ng katarungan. Ito ang mga hamong kinakaharap natin sa pagpasok ng Kuwaresma at Ramadan.
Mga Kapanalig, ngayong panahon ng pagpapanibago, hinahamon tayong isaayos ang ating mga ugnayan—mula sa Diyos, palabas ng ating sarili, patungo sa ating kapwa at sa lipunang ating ginagalawan. Makita sana natin ang saysay ng pag-aayuno at pananalangin sa paglilingkod natin sa ating kapwa at pagsasabuhay ng ating pananampalataya.
Sumainyo ang katotohanan.






