981 total views
Mga Kapanalig, sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 33 noong 1989, itinalaga ang buwan ng Mayo bilang Farmers and Fisherfolk Month. Ilang dekada na natin itong ginugunita, pero masaya na kaya ang mga magsasaka at mangingisda?
Nananatiling pinakamahirap na mga sektor sa bansa ang mga magsasaka at mangingisda. Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2023, ang poverty incidence o ang antas ng kahirapan sa mga magsasaka ay nasa 27% at 27.4% naman sa mga mangingisda. Katumbas ito ng halos tatlo sa bawat sampung Pilipinong magsasaka at mangingisda.
Kaya mahalagang maipasá na ang mga panukalang batas na layong iangat ang kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda. Para sa mga magsasaka, gayundin sa iba’t ibang sektor, maituturing na tagumpay ang pag-usad ng National Land Use Act (o NLUA) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Mahigit tatlong dekada na mula nang unang ipinanukala ang NLUA sa Kongreso. Layunin ng NLUA na siguruhing maayos na nagagamit ang ating mga lupa para maiwasan na ang mga illegal land conversions na pangunahing bumibiktima sa mga magsasaka. Karaniwan nang nagiging subdivision o nabibili ng mga land developers ang kanilang mga sakahan. Noong isang linggo, nakalampas na sa third and final reading ang NLUA. Antabayanan natin kung uusad din ang bersyon nito sa Senado. Malaking hamon ang pagsasabatas ng NLUA dahil maraming kongresista at senador ang may personal na interes pagdating sa usapin ng lupa dahil ito ang kanilang negosyo at pangunahing ari-arian.
Noong isang linggo rin, inihain ng Akbayan Party-list at ni Dinagat Island Representative Kaka Bag-ao, ang tatlong panukalang-batas upang protektahan at palakasin ang kabuhayan ng mga mangingisda. Una ay ang Bantay-Dagat, Yaman-Lokal Act na layong palakasin ang kontrol ng mga lokal na pamahalaan at maliliit na mangingisda sa municipal waters (o ang karagatang sakop ng 15 kilometro mula sa baybayin) at suportahan ang di-mapaminsalang pangingisda. Isinusulong naman ng Batas Alon o Security of Tenure for Fisherfolk and Fishworkers Act ang seguridad ng mga manggagawang mangingisda sa pamamagitan ng pagsigurong may patas silang sahod at proteksyon sa panahon ng pagkakasakit o pagkawala ng kanilang kabuhayan. Hangad namang protektahan ng Kasaganaan sa Baybayan Act ang mga komunidad sa baybayin at siguruhin ang tirahan ng mga mangingisda. Paliwanag ng mga nagsusulong ng mga batas na ito, bahagi ang mga ito panawagan para sa katarungang panlipunan.
Ayon nga sa Mga Awit 82:3: “Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila. Ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga mahihirap at inaapi.” Pangunahin sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang pagkiling sa mga dukha at isinasantabi sa lipunan. Nakabatay ito sa malalim na pagpapahalaga ng ating pananampalataya sa dignidad ng bawat tao. Kakabit ng paggalang sa dignidad ng lahat ay ang pagsusulong sa karapatan ng bawat sektor. Ibig sabihin, bahagi ng ating tungkulin bilang Kristiyano ang pagkilos para makamit ng bawat isa ang nararapat na sa kanila, at mangyayari ito kung sasali tayo sa pagbubuo ng isang makatarungang lipunan.
Kaya mahalaga ang mga repormang inihahain ngayon sa Kongreso para sa kapakinabangan ng mga magsasaka at mangingisda. Maraming kailangang ayusin sa pagpapatupad ng mga kasalukuyang batas, pero may dagdag na benepisyo ang pagsasabatas ng mga panukalang tinalakay natin. Hakbang ang mga ito tungo sa tunay na pagbabago para sa pinakamahihirap nating kababayan.
Mga Kapanalig, hindi matatapos sa Farmers and Fisherfolk Month ang laban para makamit natin ang isang makatarungang lipunan. Bantayan natin ang mga panukalang batas at suportahan ang panawagan ng mga magsasaka at mangingisda hanggang maisabatas at maipatupad ang mga ito. Nawa’y makapag-ambag tayo para sa tunay na ikasasaya ng mga magsasaka at mangingisda.
Sumainyo ang katotohanan.






