Sabado, Hunyo 13, 2026

SHARE THE TRUTH

 190 total views

Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria

Mga Panaghoy 2, 2. 10-14. 18-19
Salmo 73, 1 – 2. 3-5a. 5b-7. 20-21

Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.

Lucas 2, 41-51

Memorial of the Immaculate Heart of the Blessed Virgin Mary (White)

UNANG PAGBASA
Mga Panaghoy 2, 2. 10-14. 18-19

Pagbasa mula sa aklat ng mga Panaghoy

Walang awang winasak ng Panginoon ang lahat ng nayon ni Jacob;
sinira niya ang matitibay na kuta ng lupain;
ang kaharian at mga pinuno nito’y kanyang ibinagsak at inilagay sa kahihiyan.
Tahimik na nakalupasay sa lupa ang matatanda sa Jerusalem;
naglagay sila ng abo sa ulo at nagdamit ng sako.
Ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakaluhod na ang mukha’y halos sayad sa lupa.

Namumugto ang mga mata ko sa kaiiyak.
Bagbag na bagbag ang aking kalooban.
Matindi ang pagdadalamhati ko dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan,
nakahandusay sa mga lansangan ang mga bata at ang mga sanggol.

Nag-iiyakan sila at patuloy na humihingi ng pagkain at inumin.
Nanlulupaypay sila na parang mga sugatan sa mga lansangan.
Unti-unting nangangapos ang kanilang hininga sa kandungan ng kanilang mga ina.
Ano ang masasabi ko sa iyo, O Jerusalem,
Jerusalem, lungsod na pinakamamahal ko?
Saan kita maitutulad upang ika’y aking maaliw?
Sapagkat sinlawak ng dagat ang iyong kasiraan;
sino ang maaaring magpanauli sa iyo?

Ang sinasabi ng inyong mga propeta ay pawang kasinungalingan.
Dinadaya nila kayo sa hindi nila paglalantad ng inyong kasamaan.
Pinapaniwala nila kayo na hindi na ninyo kailangang magsisi sa inyong mga kasalanan.

Dumaing ka nang malakas sa Panginoon, Jerusalem.
Araw-gabi, bayaan mong umagos ang iyong luha, gaya ng ilog,
huwag kang titigil nang kaiiyak.

Bumangon ka’t humiyaw nang ulit-ulit sa magdamag,
sa bawat pagsisimula ng oras ng pagbabantay.
Kung baga sa tubig, ibuhos mo
sa harapan ng Panginoon ang laman ng iyong puso!
Itaas mo sa kanya ang iyong mga kamay alang-alang sa iyong mga anak,
nanlulupaypay sila sa gutom, nakahandusay sa mga lansangan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 73, 1 – 2. 3-5a. 5b-7. 20-21

Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.

Bakit kami, Panginoo’y itinakwil habang buhay,
mainit ang hininga mo sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no’ng una,
yaong lahing tinubos mo’t itinakda na magmana;
bundok ng Siong tinir’han mo’y gunitain mo na sana.

Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.

Lapitan mo yaong labi na winasak ng kaaway,
ang labi ng santwaryo mong sinira ang bawat bagay.
Ang loob ng iyong templo’y hindi nila iginalang,
sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyusan.
Ang lahat na nasa loob na sangkap na mga kahoy,
magmula sa pintuan mo’y sinibak at pinalakol.

Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.

Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
dinurog at pinalakol niyong mga malulupit.
Yaong banal na santwaryo ay kanilang sinigaan,
nilapastangan nila’t winasak ang templong banal.

Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.

Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
ang masama’y naglipana sa pook na madidilim,
laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
Huwag mo sanang itutulot na ang api’y mapahiya,
bayaan mong ang ngalan mo’y purihin ng dukha’t aba.

Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.

ALELUYA
Lucas 2, 19

Aleluya! Aleluya!
Birheng Mariang matapat
sa pagsunod sa pahayag
ng D’yos na Tagapagligtas.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 2, 41-51

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta sa Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Hesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siya’y hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.

Siya’y umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ni Maria

Idalangin natin sa Diyos na mapagmahal nating Ama na sa pagsunod natin sa halimbawa ni Maria, sa tuwina ay hanapin at tuparin natin ang kanyang kalooban.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ilapit Mo kami sa Iyo, Ama.

Ang Simbahan nawa’y maipakita ang kababaang-loob ni Maria sa pamamagitan ng kusang-loob na paglilingkod sa Diyos at sa tao, manalangin tayo sa Panginoon.

Si Kristo nawa’y makatagpo ng isang bukas na tahanan sa puso ng mga tao katulad ng natagpuan niyang nakahandang tirahan kay Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang tunay na diwa ng pananalangin nawa’y tumimo nang malalim sa puso ng mga tao upang marinig nila ang daing ng mga dukha kung paanong lumagos ito sa Kalinis-linisang Puso ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga may karamdaman sa katawan at pag-iisip nawa’y makatagpo ng kagalingan at ginhawa sa makapangyarihang pamamagitan ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nasa bingit ng kamatayan nawa’y umasa kay Maria bilang pinanggagalingan ng kanilang lakas at kaginhawahan ng loob katulad noong siya ay nakatayo sa paanan ng krus ng kanyang Anak, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos na aming Panginoon at Guro, linisin mo ang aming puso upang tanggapin namin si Kristo na iyong Anak ayon sa diwa ng pananampalataya at pagsunod ni Maria. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Malaya pero bihag pa rin

 42,457 total views

 42,457 total views Mga Kapanalig, sa dalawang araw, ipagdiriwang natin ang Araw ng Kalayaan. Ngunit taun-taon nating tinatanong: tunay nga ba tayong malaya? Para masagot ito,

Read More »

Mga bisyong tayo rin ang may gawa

 56,034 total views

 56,034 total views Mga Kapanalig, nanawagan kamakailan ang grupong TobaccoOFF Now! na tuluyan nang ipagbawal ang mga vapes at e-cigarettes. Ang TobaccoOFF Now! ay binubuo ng

Read More »

Papalayô sa tunay na demokrasya

 84,598 total views

 84,598 total views Mga Kapanalig, patuloy ang gulo sa Senado, isang institusyong inaasahan nating kumakatawan sa ating mga hangarin at tumutugon sa ating mga pangangailangan.  Noong

Read More »

BAKIT BIGO ANG K-12?

 133,507 total views

 133,507 total views Kapanalig, ipinatupad ang K-12 program o K-12 educational curriculum noong 2013 sa bisa ng Republic Act No. 10533 or the Enhanced Basic Education

Read More »

MAGING PANAHON NAGUGULUHAN NA

 126,108 total views

 126,108 total views Kapanalig, ano ba ang nangyayari sa ating bayan? Sa Senado, litong-lito na ang maraming Pilipino… Hindi na malaman ng marami kung ano ang

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Biyernes, Hunyo 12, 2026

 3,156 total views

 3,156 total views Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus (A) Deuteronomio 7, 6-11 Salmo 102, 1-2. 3-4. 6-7. 8 at 10 Pag-ibig mo’y walang hanggan

Read More »

Huwebes, Hunyo 11, 2026

 4,224 total views

 4,224 total views Paggunita kay San Bernabe, apostol Mga Gawa 11, 21b-26; 13, 1-3 Salmo 97, 1. 2-3ab, 3kd-4, 5-6 Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Read More »

Miyerkules, Hunyo 10, 2026

 4,148 total views

 4,148 total views Miyerkules ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 1 Hari 18, 20-39 Salmo 15, 1-2a. 4. 5 at 8. 11 D’yos ko, ang

Read More »

Martes, Hunyo 9, 2026

 6,702 total views

 6,702 total views Martes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 1 Hari 17, 7-16 Salmo 4, 2-3. 4-5. 7-8 Poon, sa ‘mi’y pasikatin, liwanag sa

Read More »

Lunes, Hunyo 8, 2026

 6,108 total views

 6,108 total views Lunes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 1 Hari 17, 1-6 Salmo 120, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8 Sa pangalan ng Maykapal, tayo

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top