Biyernes, Hunyo 19, 2026

SHARE THE TRUTH

 749 total reads

Biyernes sa Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita kay San Romualdo, abad

2 Hari 11, 1-4. 9-18. 20
Salmo 131, 11. 12. 13-14. 17-18

Pinili ng Panginoong
maging tahanan ang Sion.

Mateo 6, 19-23

Friday of the Eleventh Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. Romuald, Abbot (White)

UNANG PAGBASA
2 Hari 11, 1-4. 9-18. 20

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ocozias, sinikap niyang patayin ang lahat ng kamag-anak ng hari. Ngunit si Joas na anak ni Ocozias ay naitakas ng tiya niyang si Josaba na anak ni Haring Joram at kapatid ni Ocozias. Itinago niya ito pati ang tagapag-alaga sa isang silid kaya hindi napatay ni Atalia. Pagtapos, dinala niya ito sa bahay ng Panginoon at doon itinago ng anim na taon habang si Atalia ang naghahari sa lupain.

Nang ikapitong taon ng pamamahala ni Atalia, ipinatawag ni Joiada ang mga pinuno ng mga Criteo at ng mga bantay sa templo at isinama sa loob ng Templo. Pinagtibay nila roon ang isang kasunduan sa pangalan ng Panginoon. Pagkatapos, iniharap sila sa anak ng hari.

Sinunod ng mga pinuno ang lahat ng iniutos sa kanila ng saserdoteng si Joiada. Isinama nila kay Joiada ang kani-kanilang tauhan, pati yaong hindi nakatalagang manungkulan kung Araw ng Pamamahinga. At ibinigay ni Joiada sa mga kapitan ang mga kagamitan ni Haring David: ang mga sandata at pananggalang na nasa bahay ng Panginoon. At bawat kawal ay tumalaga sa kanya-kanyang lugar, nakahanda sa anumang mangyayari. Ang iba’y sa gawing timog, ang iba’y sa hilaga, sa paligid ng altar at ng tirahan ng hari. Inilabas ni Joiada ang prinsipe. Kinoronahan niya ito, iniabot ang aklat ng Kautusan, binusan ng langis, at itinalagang hari. Pagkatapos, nagpalakpakan sila at nagsigawan: “Mabuhay ang hari!”

Nang marinig ni Atalia ang pagkakaingay ng mga bantay at ng mga tao, pinuntahan niya ang mga ito sa bahay ng Panginoon. Pagdating doon, nakita niyang nakatindig ang hari sa isang mataas na lugar tulad ng kinaugalian. Ang mga kapitan at ang mga taga-ihip ng trumpeta ay nakatayo sa tabi nito. Ang buong bayan naman ay di magkamayaw sa galak at walang malamang gawin sa pag-ihip ng kanilang trumpeta. Nang makita ito ni Atalia, sinira niya ang kanyang kasuutan at malakas na sinabi, “Ito’y isang malaking kataksilan!”

Iniutos ni Joiada sa mga kapitan, “Ilabas ang babaing iyan at patayin pati ang sinumang susunod sa kanya; ngunit huwag silang papatayin sa bahay ng Panginoon.” Siya’y sinunggaban nila, inilabas sa daanan ng mga kabayo ng hari, papasok sa palasyo at doon pinatay.

Pagkaraan noon, sinariwa ni Joiada ang Tipan ng Diyos at ng mga tao. Muli niyang pinanumpa ang hari at ang mga tao na sila’y papailalim sa Tipan. Ang mga tao’y nagtuloy sa templo ni Baal. Giniba nila ito at winasak pati rebulto ni Baal. Pinatay nila sa harap ng altar si Matan na saserdote ni Baal. At si Joiada ay nagtalaga ng mga bantay sa bahay ng Panginoon. Nagdiwang ang bayan. At naging mapayapa sila muli nang patayin si Atalia sa tirahan ng hari.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 131, 11. 12. 13-14. 17-18

Pinili ng Panginoong
maging tahanan ang Sion.

Ang iyong pangako,
sa lingkod mong David, huwag mong babawiin,
ganito ang iyong pangakong habilin:
“Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala,
matapos na ika’y pumanaw sa lupa.

Pinili ng Panginoong
maging tahanan ang Sion.

Kung maging tapat
ang mga anak mo sa bigay kong tipan,
at ang mga utos ko ay igagalang,
ang mga anak mo’y
Pawang maghaharing walang katapusan.”

Pinili ng Panginoong
maging tahanan ang Sion.

Pinili ng Poon,
na maging tahanan ang Lungsod ng Sion,
ito ang wika niya:
“Doon ako titira panghabang-panahon,
ang paghahari ko’y magmumula roon.

Pinili ng Panginoong
maging tahanan ang Sion.

Sa lipi ni David,
ako ay kukuha ng haring dakila,
upang maingatan
Ang pagpapatuloy ng pamamahala.
Yaong kaharian niya
ay uunlad at mananagana,
Ang kaaway niya’y mangapapahiya.”

Pinili ng Panginoong
maging tahanan ang Sion.

ALELUYA
Mateo 5, 3

Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 6, 19-23

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag kayong mag-impok ng kayamanan dito sa lupa; dito’y may naninirang tanga at kalawang, at may nakapapasok na magnanakaw. Sa halip, impukin ninyo ay mga kayamanan sa langit; doo’y walang naninirang tanga at kalawang, at walang nakapapasok na magnanakaw. Sapagkat kung saan naroon ang inyong kayamanan, naroon din naman ang inyong puso.

“Ang mata ang pinakailaw ng katawan. Kaya’t kung malinaw ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, madirimlan ang buo mong katawan. Kaya’t kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman pala, napakadilim niyan!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Hinahamon tayo ni Jesus na mag-ipon ng kayamanan sa Langit kaysa kayamanan sa lupa. Ituon natin ang ating mga puso sa kalangitan sa ating pananalangin.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, maghari ka sa aming mga puso.

Ang Simbahan nawa’y gawing malaya ang mga kalalakihan at kababaihan sa pagkaalipin sa materyalismo sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng mga bagay na pinahahalagahan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pulitiko at lingkod pangmamamayan nawa’y magsimula ng mga programa at proyekto sa kabuuang pag-unlad ng lipunan at kanilang mga nasasakupan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong pinagkatiwalaan ng higit na kayamanan nawa’y mapagtanto ang kanilang katayuan bilang mga tagapangalaga lamang at hindi mga lubos na nagmamay-ari ng mga biyayang kanilang angkin, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinagkaitan ng mga bagay sa mundong ito nawa’y mapagtanto ang kagandahan ng pagtutuon ng kanilang puso sa makalangit na kayamanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdusa at namatay sa pananampalataya nawa’y umani ng makalangit na gantimpala, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, hindi nagbabago o kumukupas ang iyong pag-ibig sa amin. Bigyan mo kami ng lakas at tapang na lumakad sa iyong presensya sa araw-araw ng aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Ilawan ang katotohanan

 71,092 total reads

Mga Kapanalig, isinagawa na noong Biyernes ang kauna-unahang “truth-telling session” ng Truth Commission tungkol sa madugong war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte. Sa unang session, binalikan ang kuwento ni Raymart Siapo, 19 na taóng gulang mula sa Navotas. Pinatay si Raymart noong 2017 dahil sa pagbebenta umano ng marijuana. 

Binuo ang komisyon noong Mayo para bigyang-espasyo ang paggunita sa buhay ng mga biktimang kagaya ni Raymart. Layunin ng komisyong kilalanin ang kanilang dignidad bilang tao at tulungan ang kanilang mga pamilya na maghilom. Mahalaga ang hangarin ng komisyon “dahil ang katotohanan ay hindi lang para sa kasaysayan, kundi [para din] sa dignidad ng tao at pananagutan ng mga institusyon.”

Adviser ng komisyon si Cardinal Pablo Virgilio “Ambo” David ng Diyosesis ng Kalookan. Panawagan niya sa komisyon: “Bigyan ng boses, ng tinig, ang mga nawalan. Gunitain natin ang kanilang buhay. Ilawan natin ang katotohanan.” Ang chairperson naman na si dating International Criminal Court (o ICC) Judge Raul Pangalangan ay nagsabing itatalâ ng Truth Commission ang mga kuwento ng mga biktima ng war on drugs para maging bahagi sila ng kasaysayan. Ang mga miyembro ng komisyon ay sina Carlos Conde, mamamahayag at senior researcher ng Human Rights Asia; Dr Raquel Fortun, isang forensic pathologist; Al Furtes, eksperto sa usaping pangkapayapaan; at Fr Danny Pilario, pangulo ng Adamson University. Ibibigay ng komisyon ang final report nito sa publiko, sa pamahalaan, at sa mga local at international NGOs.

Para kay Atty Salvador Panelo, legal counsel ni dating Pangulong Duterte, hindi kailangan ng ganitong komisyon. Propoganda lamang daw ito, bagay na pinabulaanan ni Chairperson Pangalangan. Aniya, hindi maling ilabas ang katotohanan. Kung malungkot ang ilalabas na katotohanan, iyon pa rin ang katotohanan. 

Kasalukuyang nakapiit si dating Pangulong Duterte sa ICC sa The Hague. Humaharap siya sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs, na sa tala ng kapulisan ay bumawi sa buhay ng 6,000 na katao. Malayo ito sa 30,000 kasong na-monitor ng mga civil society organizations, kabilang ang Simbahan. Sa ICC, maaari lamang suriin ang mga kaso noong miyembro pa ang Pilipinas ng Rome Statute o mula taóng 2000 hanggang 2019. Matatandaang kumalas ang bansa sa Rome Statute, ang kasunduang nagtatag sa ICC, sa ilalim ng administrasyong Duterte. Sa Truth Commission, pakikinggan ang kuwento ng lahat ng biktima ng war on drugs, kasama ang mga hindi diringgin sa ICC. 

Sinasabi sa Juan 3:21, “ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa liwanag.” Hinahamon tayo ng mga panlipunang turo ng Simbahan na pumanig sa katotohanan. Hindi ito optional sa ating mga Kristiyano. Tungkulin nating laging hanapin ang katotohanan at ang panindigan ito. 

Sa isa niyang libro, sinabi ng yumaong Pope Benedict XVI na “the truth comes to rule, not violence, but rather through its power.” May kapangyarihan ang katotohanan na hindi magagapi ng karahasan. Sa mabuting balita ayon kay San Juan, maaalala nating sinabi ni Hesus kay Pilato sa harap ng nagbabadyang karahasan sa kanyang pagpapakasakit, “Ako ang Katotohanan.” Si Hesus, ang katotohanan, ay humarap sa karahasan nang may buong paninidigan at ganap na pag-ibig para sa atin. Ang Kanyang muling pagkabuhay ay patunay na laging mananaig ang katotohanan.

Mga Kapanalig, sa gitna ng truth-telling sessions ng Truth Commission, sundan natin ang yapák ni Hesus at dalhin ang katotohanan. Nawa’y mapakinggan natin at maibahagi ang kuwento ng mga biktima ng war on drugs. Sa pakikinig at pagsisiwalat sa katotohanan, nagiging kabahagi tayo sa pagbibigay ng liwanag sa madilim na yugto ng ating kasaysayan, kung saan libu-libo ang pinatay at naulila. Huwag tayong mag-atubiling lumapit sa liwanag at ilawan ang katotohanan. 

Sumainyo ang katotohanan.  

Dagat ng basura

 131,589 total reads

Mga Kapanalig, hindi lang korapsyon sa mga flood control projects ang umaalingasaw tuwing tag-ulan. Nangangamoy din ang baho ng bigóng pagtugon natin sa krisis ng basura.

Noong nakaraang linggo, tone-toneladang basura ang bumará sa Redemptorist Water Channel sa Parañaque City matapos ang sunud-sunod na araw ng pag-ulan dala ng habagat. Umabot ng higit sa 200 trak ng basura ang nahakot mula sa naturang daluyan ng tubig malapit sa simbahan ng Baclaran. Ayon sa lokal na pamahalaan ng Parañaque, inagos ang basura mula sa mga nakapalibot na lugar sa Manila Bay. Sa ginawang clearing operations, buwis-buhay na lumusong sa dagat ng basura ang mga kawani ng LGU, Metropolitan Manila Development Authority (o MMDA), at Department of Public Works and Highways (o DPWH) para hakutin ang basura gamit ang backhoe.

Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na kailangan na raw ng “drastic solutions” sa problema sa basura. Binanggit niyang halimbawa ang waste-to-energy technologies na ibinida ni Pangulong Bongbong Marcos Jr sa kanyang SONA. Suportado rin ng kalihim pati ni MMDA General Manager Nicolas Torre ang mga panukalang magpataw ng mabigat na multa para sa maling pagtatapon ng basura. Pero para kay PBBM, hindi raw mabisang pagmultahin ang maling pagtatapon ng basura kung walang maayos na basurahan. Anong say ninyo, mga Kapanalig?

Lahat ng mga ibinibidang solusyon ng administrasyon ay nakatuon lang sa maayos na waste management system. Sang-ayon tayong mahalaga ito. Pero paano masosolusyunan ang krisis sa basura kung hindi natin puputulin ang ugat ng sobra-sobrang paglikha ng basura? Kumbaga, nagbibigay lang tayo ng bandaid solution kung saan nireremedyohan lang natin ang mga sintomas ng sakit pero hindi naman natin ginagamot ang pinagmumulan nito.

Ayon sa grupong Oceana, habang nakatuon ang administrasyon sa waste-to-energy at pagsisi sa publiko sa pagkakalát, hindi nabibigyang-pansin ang ugat ng krisis—ang plastic pollution at walang habas na paggamit ng single-use plastics na sinusuplay ng mga dambuhalang korporasyon. Dagdag ng grupo, mayroon na tayong Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na nagsasabing dapat bawasan ang paglikha ng basura sa pinagmumulan nito at ipagbawal ang mga produktong nakapipinsala sa kapaligiran. Gaya ng maraming batas, hindi ito buong ipinatutupad ng gobyerno.

Sa Catholic social teaching na Laudato Si’, sinusuportahan ng Simbahan ang circular o paikot na modelo ng produksyon kung saan nililimitahan ang pagkuha ng mga nauubos na likas-yaman para mapakinabangan ito ng mga susunod na henerasyon. Sa nakasanayang linear o tuwid na sistema natin, kukunin ang likas-yaman, gagawing produkto, panandaliang gagamitin, at itatapon na. Sa circular na sistema, binibigyang-diin ang pag-reduce, reuse, repair, at recycle ng mga produkto. Idinidisenyo ang mga produkto para magamit nang matagal, madaling ayusin kapag nasira, at maaaring i-recycle para mabawasan ang pagkonsumo at paglikha ng basura.

Ilang trahedya sa basura na ang naibalita ngayong taon, kaya alam na dapat natin ito: hindi sapat ang disiplina ng publiko at maayos na waste management system. Nakaugat ang krisis na ito sa modelo ng ekonomiyang kumikita sa paglikha ng basura. Malalim, malawak, at nakabaón sa kultura at mga istruktura ng lipunan ang problemang ito. Pero maaari tayong magsimula sa pagpapatupad ng mga solusyon sa ating tahanan at komunidad, gaya ng pagsusulong at pagsasabuhay ng “sapat lifestyle”. Kasabay nito, ipanawagan natin sa gobyerno ang pagpapatupad ng mga patakarang tinutugunan ang labis na paglikha ng basura. Panagutin din dapat ang mga korporasyong patuloy na yumayaman habang ipinapasa sa publiko ang gastos at epekto ng polusyon.

Mga Kapanalig, tandaan natin ang wika sa Genesis 2:15: inilagay tayong mga tao sa halamanan ng Eden para pagyamanin at pangalagaan ito, hindi para gawin itong dagat ng basura.

Sumainyo ang katotohanan.

What do I still lack?

 16,619 total reads

Lord My Chef Daily Recipe for Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II
Monday, Twentieth Week in Ordinary Time, Year II, 17 August 2026
Ezekiel 24:15-23     ><]]]]'> + ><]]]]'> + ><]]]]'>     Matthew 19:16-22
Photo by author, Malagos Garden Resort, Davao City, August 2018.
Your words today,
O Lord are so touching
that reaches deep down my
inmost being;
both readings speak
about losing: Ezekiel's wife
died while the young man
in the gospel asked
"what do I still lack?"
Both readings are 
so timely for us these days
when we have so much of 
every thing except of you,
O Lord; we rarely ask
"what do I still lack" in its
truest sense - of learning to let
go of what we have in order to have
the most essential.

Often, 
we think of having what
we still lack in order to have
more of every thing;
but you teach us today,
Jesus, what we really lack
is you through others;
what we really lack are
the poor and the sick,
those who have less in life;
what we really lack still
is life eternal,
of having you O Lord
as basis and foundation
of our relationships.
In this time when rains
continue to pour 
for the third straight week,
the more we are concerned 
of what material things we still
lack and forget about the warmth
and smiles of others so disadvantaged
due to floods and lack of work;
teach us, Jesus,
to be like Ezekiel in the first
reading to see and realize
that the most painful loss
in this life is not losing a loved one
nor wealth and things
but in losing our souls to
sin and evil.
Amen.
Jesus and the rich young man.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Ilawan ang katotohanan

 71,093 total reads

 71,093 total reads Mga Kapanalig, isinagawa na noong Biyernes ang kauna-unahang “truth-telling session” ng Truth Commission tungkol sa madugong war on drugs ng administrasyon ni dating

Read More »

Dagat ng basura

 131,590 total reads

 131,590 total reads Mga Kapanalig, hindi lang korapsyon sa mga flood control projects ang umaalingasaw tuwing tag-ulan. Nangangamoy din ang baho ng bigóng pagtugon natin sa

Read More »

Pahirapang dagdag-sahod

 149,813 total reads

 149,813 total reads Mga Kapanalig, “people over profit” at “labor over capital” ang ilan sa mga prinsipyong itinataguyod ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan kapag

Read More »

PAANO GINASTOS ANG PERA

 230,465 total reads

 230,465 total reads Kapanalig sa 15 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, hindi pa rin nabubutasan o napahina ng depensa ang prosecution theory at

Read More »

Karagatan para kanino?

 328,927 total reads

 328,927 total reads Mga Kapanalig, pamilyar ba kayo sa kuwento nina David at Goliat? Nang hamunin ng higanteng mandirigmang si Goliat ang hukbo ng Israel, walang

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Linggo, Agosto 23, 2026

 47 total reads

 47 total reads Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Isaias 22, 19-23 Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6 at 8bk Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.

Read More »

Sabado, Agosto 22, 2026

 1,586 total reads

 1,586 total reads Paggunita sa Pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria Isaias 9, 1-6 Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8 Ngalan ng D’yos ay idangal ngayon

Read More »

Biyernes, Agosto 21, 2026

 3,072 total reads

 3,072 total reads Paggunita kay San Pio X, papa Ezekiel 37, 1-14 Salmo 106, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9 Panginoo’y papurihan sa pag-ibig n’ya kailanman. Mateo 22,

Read More »

Huwebes, Agosto 20, 2026

 4,594 total reads

 4,594 total reads Paggunita kay San Bernardo, abad at pantas ng Simbahan Ezekiel 36, 23-28 Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19 Kayo’y aking wiwisikan upang sala’y mahugasan.

Read More »

Miyerkules, Agosto 19, 2026

 5,408 total reads

 5,408 total reads Paggunita kay San Ezekiel Moreno, obispo Ezekiel 34, 1-11 Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6 Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop. Mateo

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top