Biyernes, Hulyo 17, 2026

SHARE THE TRUTH

 164 total views

Biyernes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Isaias 38, 1-6. 21-22. 7-8
Isaias 38, 10. 11. 12abkd. 16

Buhay ko’y ‘yong iniligtas,
pag-iral ko’y walang wakas.

Mateo 12, 1-8

Friday of the Fifteenth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Isaias 38, 1-6. 21-22. 7-8

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Noong mga araw na iyon, nagkasakit nang malubha si Ezequias, kaya siya’y dinalaw ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya sa hari ang utos na ito ng Panginoon: “Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling.” Pagkarinig nito, humarap siya sa dingding at nanalangin! “O Panginoon, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko’y pawang nakalulugod sa iyong paningin.” Pagkatapos, nanangis siya nang malakas. Nagsalita uli ang Panginoon kay Isaias. Wika sa kanya, “Sabihin mo kay Ezequias ang sinasabi ng Panginoon, ang Diyos ng iyong ninunong si David: ‘Nakita ko ang iyong pagluha at narinig ko ang iyong dalangin; kaya labinlimang taon ka pang mabubuhay. Hindi lamang iyon, ikaw at ang lungsod na ito’y hindi maaano, pagkat ipagtatanggol ko kayo laban sa hari ng Asiria.’”

Si Isaias ay nagpakuha ng pantapal na igos para sa bukol ni Ezequias; gumaling naman ito. At itinanong ni Ezequias, “Ano ang magiging palatandaan na ako’y maaari nang umakyat sa Templo?”

“Ito ang palatandaang ibibigay sa iyo ng Panginoon para patunayang tutupdin niya ang kanyang pangako. Ang anino sa orasan sa palasyo ni Haring Acaz ay pababalikin niya ng sampung guhit.” At gayun nga ang nangyari.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Isaias 38, 10. 11. 12abkd. 16

Buhay ko’y ‘yong iniligtas,
pag-iral ko’y walang wakas.

Minsa’y nasabi kong
sa katanghalian ng buhay, ako ay papanaw!
Sa daigdig ng patay
ako masasadlak, upang manatili roong walang hanggan.

Buhay ko’y ‘yong iniligtas,
pag-iral ko’y walang wakas.

At nasabi ko ring di na makikita
ang Panginoon at sinumang nabubuhay.

Buhay ko’y ‘yong iniligtas,
pag-iral ko’y walang wakas.

Katulad ng toldang tirahan ng pastol,
inalis sa akin ang aking tahanan.
Ang abang buhay ko’y
pinuputol mo na tulad ng tela sa isang habihan.

Buhay ko’y ‘yong iniligtas,
pag-iral ko’y walang wakas.

O Poon,
ang mga nilikha ay nabubuhay dahilan sa iyo,
ako’y pagalingin at ang aking lakas sana’y ibalik mo.

Buhay ko’y ‘yong iniligtas,
pag-iral ko’y walang wakas.

ALELUYA
Juan 10, 27

Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 12, 1-8

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Hesus sa triguhan. Nagutom ang kasama niyang mga alagad kaya’t nangitil sila ng uhay at kinain ang mga butil. Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Bawal iyan kung Araw ng Pamamahinga.” Sumagot si Hesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan na kanin nila ang tinapay na iyon sapagkat ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon. Hindi pa ba ninyo nababasa sa Kautusan ni Moises na tuwing Araw ng Pamamahinga, lumalabag sa batas tungkol sa araw na ito ang mga saserdote sa templo, gayunma’y hindi nila ipinagkakasala iyon? Sinasabi ko sa inyo, naririto ang isang higit na dakila kaysa templo. Hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala kung alam ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, ‘Habag ang ibig ko, hindi hain.’ Sapagkat ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Manalangin tayo sa pamamagitan ni Kristo at sambahin natin ang Amang nasa Langit sa ating pananampalataya, pag-ibig, at mahabaging awa.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng awa, basbasan Mo kami.

Ang mga Kristiyano saanman nawa’y hindi maging mga taong ang kilos ay legalismo at panlabas lamang kundi maging mga taong may puso na ginagawa ang nararapat bilang mga anak ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga bansa sa mundo nawa’y matutong gumalang at tumulong sa isa’t isa at hindi maggamitan lamang kundi makipag-ugnayan ayon sa katarungan at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ayon sa udyok ng habag ni Kristo, nawa’y hindi natin hatulan ang mga nagkakamali kundi bigyan pa sila ng bagong pagkakataon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y tumanggap ng tulong mula sa mga taong may kakayahan at pamamaraan na pagaanin ang kanilang pinapasan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y mamahinga sa kalipunan ng mga banal sa piling ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, huwag mo kaming hingan ng anumang sakripisyo maliban sa tunay na pagbabalik-loob, tapat na pananampalataya, at paglilingkod na may pagmamahal. Bigyan mo kami ng lakas at dumito ka sa amin ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Pagsasapribado ng enerhiya para kanino?

 221,181 total views

 221,181 total views Mga Kapanalig, simula noong pumutok ang giyera sa Middle East, muling nabaling ang atensyon sa mga batas at patakarang sinasabing lalong nagpapahirap sa

Read More »

Lason sa utak ng kabataan

 251,404 total views

 251,404 total views Mga Kapanalig, nailibing na ang tatlong estudyanteng namatay sa malagim na pamamaril ng dalawang estudyante sa isang high school sa Tacloban. Hustisya pa

Read More »

Suriin ang panawagan ng protesta

 278,048 total views

 278,048 total views Mga Kapanalig, nasorpresa rin ba kayo sa rally na isinagawa ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (o INC) noong Martes sa EDSA?

Read More »

INTELIHENSIYANG POLPOL

 373,021 total views

 373,021 total views Kapanalig, kada taon kapag tinatalakay ang pambansang badyet, naririndi tayong mga Pilipino sa bilyun-bilyong pisong intelligence fund. Lahat ng ahensiya ng pamahalaan, kahit

Read More »

Kapayapaan na ba sa wakas?

 379,722 total views

 379,722 total views Mga Kapanalig, kalagitnaan ng buwan ng Hunyo nang pirmahan nina US President Donald Trump at Iranian President Masoud Pezeshkian ang kasunduang naglalayong tuldukan

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Huwebes, Hulyo 16, 2026

 1,704 total views

 1,704 total views Huwebes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Isaias 26, 7-9. 12. 16-19 Salmo 101, 13-14ab at 15. 16-18. 19-21 Mula sa iyong

Read More »

Miyerkules, Hulyo 15, 2026

 3,156 total views

 3,156 total views Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas ng Simbahan Isaias 10, 5-7. 13-16 Salmo 93, 5-6. 7-8. 9-10. 14-15 Ang Poo’y di tatalikod

Read More »

Martes, Hulyo 14, 2026

 4,377 total views

 4,377 total views Martes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Camilo ng Lellis, pari Isaias 7, 1-9 Salmo 47, 2-3a. 3b-4.

Read More »

Lunes, Hulyo 13, 2026

 5,028 total views

 5,028 total views Lunes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Enrico Isaias 1, 10-17 Salmo 49, 8-9. 16bk-17, 21 at 23

Read More »

Linggo, Hulyo 12, 2026

 5,577 total views

 5,577 total views Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Isaias 55, 10-11 Salmo 64, 10abkd. 10e-11. 12-13. 14 Nagbunga nang masagana, binhi sa mabuting lupa. Roma

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top