1,488 total reads
Hinikayat ni Cubao Bishop Elias Ayuban Jr., CMF, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mutual Relations Between Bishops and Consecrated Persons ang mga obispo, pari at consecrated persons na higit na pagtuunan ng pansin ang pagbuo ng mabuting ugnayan at pagkakaisa bilang mahalagang bahagi ng paghahanda sa misyon at pagiging saksi ng Diyos.
Sa kanyang homiliya sa misa para sa pagsisimula ng tatlong araw na Convention on Mutual Relations 2026, binigyang-diin ni Bishop Ayuban na ang pagdalo mismo ng mga kalahok sa pagtitipon ay pagpapakita ng hangaring palalimin ang ugnayan sa isa’t isa.
Binigyang-diin din ni Bishop Ayuban ang mensahe ng Ebanghelyo tungkol sa pagiging handa, alerto at kahandaang maglingkod.
“But it’s not about passive preparation; it’s about active preparation—ready to serve.” Bahagi ng pagninilay ni Bishop Ayuban.
Para kay Bishop Ayuban, kabilang sa aktibong paghahandang ito ang pagbuo at pagpapalalim ng relasyon sa isa’t isa, lalo na sa loob ng Simbahan.
“Hindi lamang kung ano ang ginawa natin, kundi kung paano tayo nakikipag-ugnayan” Dagdag pa ni Bishop Ayuban.
Ayon sa Obispo, ang pagtitipon ng mga diocesan clergy at mga miyembro ng iba’t ibang religious congregations ay larawan ng yaman ng Simbahan dahil sa pagkakaiba-iba ng kanilang mga charism at bokasyon.
Pagbabahagi ni Bishop Ayuban, nagkakaroon ng confluence of charisms sa pagsasama ng iba’t ibang kaloob ng mga founders at foundresses ng religious congregations, gayundin ng mga charism na kaugnay ng ministeryo ng mga obispo at pari sa mga diyosesis.
Binanggit din ng Obispo ang Iuvenescit Ecclesia, na tumatalakay sa ugnayan ng hierarchical at charismatic gifts sa buhay ng Simbahan.
“The hierarchical and the charismatic gifts put together make the Church forever young.” Ayon pa kay Bishop Ayuban.
Sa ganitong pananaw, sinabi ni Bishop Ayuban na ang gawain ng kanilang komisyon ay hindi lamang tungkol sa mga programang isinasagawa kundi higit sa pagpapahiwatig at pagbuo ng relasyon.
“It’s not only what did we do, but how we relate with one another.” Ani Bishop Ayuban.
Iniugnay rin ng Obispo ang usapin ng mutual relations sa pakikipag-usap ni Hesus kay Pedro matapos ang Kanyang muling pagkabuhay.
Para kay Bishop Ayuban, mahalagang bigyang-halaga ng mga lingkod ng Simbahan ang pagtatatag ng ugnayan sapagkat hindi maaaring maging kapani-paniwalang saksi sa isang Diyos ng komunyon ang isang Simbahang nagkakahatihati.
“Because we cannot give witness to a God of communion if we are divided. Because our God is one.” Paliwanag ni Bishop Ayuban.
Binigyang-diin din ng Obispo ang simpleng pagpunta at pakikibahagi sa isinasagawang Convention on Mutual Relations 2026 ay isa nang hakbang tungo sa pagpapalalim ng mutual relations, bago pa man magsimula ang mga pangunahing talakayan.
Kultura ng pakikipagtagpo
Hinimok din ni Bishop Ayuban ang mga kalahok na huwag lamang ituon ang pansin sa mga mahahalagang talks at sessions sa pagtitipon, kundi gamitin din ang pagkakataon upang tunay na makatagpo ang isa’t isa.
Aniya, sa pamamagitan ng ganitong pagkikita at pakikipag-ugnayan, higit na nakikita ang yaman ng Simbahan na nagmumula sa iba’t ibang bokasyon, charism at karanasan.
“It’s not only about the beautiful talks that we hear, but also our encounter with one another, where we see how rich the Church is because we are open to this communion.” Dagdag pa ni Bishop Ayuban.
Para sa Obispo, ang tunay na layunin ng mutual relations ay hindi lamang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan kundi makalikha ng synergy, convergence at mutual reference sa pagitan ng mga miyembro ng Simbahan.
“There is synergy, convergence, mutual reference when we treat one another as brothers and sisters, if not friends in the Lord.” Ayon pa kay Bishop Ayuban.
Samantala, nanawagan din si Bishop Ayuban sa mga kapwa obispo, pari, at consecrated persons na gawing konkretong buhay ang kanilang komunyon sa pamamagitan ng pagiging handang makinig, makipagtagpo, makipagtulungan at maglingkod.
Sa ganitong paraan ayon sa Obispo ang mutual relations ay nagiging higit pa sa isang usaping pang-organisasyon, kundi nagiging bahagi ng mismong misyon ng Simbahan na magpatotoo sa iisang Diyos at Diyos ng komunyon.
Ang CBCP Episcopal Commission on Mutual Relations Between Bishops and Consecrated Persons ay binubuo ng mga kinatawan ng CBCP at Conference of Major Superiors in the Philippines na layuning palakasin ang komunikasyon, mutual appreciation at close collaboration ng mga obispo at consecrated persons para sa mas epektibong pastoral mission.




