548 total reads
Naglunsad ng transport strike ang grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) bilang pagtutol sa sinasabing pakikialam ng Estados Unidos sa mga patakaran ng Pilipinas sa pampublikong transportasyon, kasabay ng pagdaraos ng ASEAN Summit sa bansa.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni PISTON President Mody Floranda na kabilang sa mga tinututulan nila ang mga programang iniuugnay sa Estados Unidos at International Monetary Fund-World Bank (IMF-WB), partikular ang Public Transport Modernization Program.
Ayon kay Floranda, maaaring mawalan ng kabuhayan at karapatan sa sariling mga sasakyan ang maraming tsuper at opereytor dahil sa naturang programa.
“Dudurugin ‘yung ating mga pampublikong transportasyon at talagang mawawala na ng karapatan ‘yung ating mga driver, ‘yung ating mga operator sa kanilang sariling property,” bahagi ng pahayag ni Floranda sa Radyo Veritas.
Nagpahayag din siya ng pangamba na mawalan ng kontrol ang mga tsuper at opereytor sa kanilang mga sasakyan, na siyang pangunahing pinagkukunan nila ng kabuhayan.
Samantala, nakikiisa rin ang PISTON sa mas malawak na pagkilos kaugnay ng ASEAN Summit, partikular sa pagtutol sa mga programang maaaring makaapekto sa mga magsasaka at katutubo.
Kabilang dito ang panukalang proyektong iniuugnay sa Pax Silica na nangangailangan umano ng humigit-kumulang isang libo at 620 ektarya ng lupa.
Para sa PISTON, mahalagang tutulan ang mga programang maaaring magbanta sa kabuhayan, karapatan sa ari-arian at kapakanan ng mga komunidad.
Nanawagan din ang grupo sa pamahalaan na pakinggan ang mga sektor na posibleng maapektuhan ng mga patakarang pang-ekonomiya at pangkaunlaran.
Sa pananaw ng Simbahan, dapat kilalanin sa anumang programa sa transportasyon at pagpapaunlad ng ekonomiya ang dignidad at karapatan ng mga manggagawa, pangalagaan ang kabuhayan ng mahihirap at tiyaking ang pag-unlad ay naglilingkod sa kabutihang panlahat.




