Search

Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

LUNES, DISYEMBRE 5, 2022

SHARE THE TRUTH

 1,852 total views

Lunes ng Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 35, 1-10
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14

Ang Poong D’yos ay darating
upang tayo ay tubusin.

Lucas 5, 17-26

Monday of the Second Week of Advent (Violet)

UNANG PAGBASA
Isaias 35, 1-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang ulilang lupaing malaon nang tigang
ay muling sasaya,
mananariwa at mamumulaklak ang ilang.
Ang dating ilang ay aawit sa tuwa,
ito’y muling gaganda tulad ng mga
Bundok ng Libano
at mamumunga nang sagana, tulad ng Carmelo at Saron,
mamamasdan ng lahat ang kaningningan
at kapangyarihan ng Panginoon.
Inyong palakasin ang mahinang kamay,
at patatagin ang mga tuhod na lupaypay,
ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
“Huwag kang matakot,
laksan mo ang iyong loob,
darating na ang Panginoong Diyos,
at ililigtas ka sa mga kaaway.”
Ang mga bulag ay makakikita,
at makaririnig ang mga bingi;
katulad ng usa, ang pilay lulundag,
aawit sa galak ang mga pipi.
Mula sa gubat ay bubukal ang tubig
at ang mga batis dadaloy sa ilang;
ang umuusok na buhanginan ay magiging isang lawa,
sa tigang na lupa ay babalong ang tubig.
Ang dating tirahan ng mga asong-gubat,
ay tutubuan ng tambo at talahib.
Magkakaroon ng isang maluwang na lansangan,
na tatawaging Landas ng Kabanalan.
Ang mga makasalanan at mga hangal,
sa landas na ito ay di makararaan.
Walang leon o mabangis na hayop
na makalalapit doon;
ito’y para lamang sa mga tinubos.
Ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik sa Jerusalem,
masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian sila ng kaligayahan.
Lungkot at dalamhati ay mapapalitan
ng tuwa at galak magpakailanman.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14

Ang Poong D’yos ay darating
upang tayo ay tubusin.

Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

Ang Poong D’yos ay darating
upang tayo ay tubusin.

Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.

Ang Poong D’yos ay darating
upang tayo ay tubusin.

Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.

Ang Poong D’yos ay darating
upang tayo ay tubusin.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Ang Panginoo’y darating
tayo’y kanyang hahanguin
sa pagiging bihag natin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 5, 17-26

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Minsan nang nagtuturo si Hesus, naroon din ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na mula sa mga bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. At sumasakanya ang kapangyarihan ng Panginoon upang magpagaling ng mga maysakit. May dumating na ilang tao, dala ang isang paralitikong nasa higaan. Nagpipilit silang makapasok sa bahay upang mailagay sa harapan ni Hesus ang maysakit, subalit wala silang maraanan dahil sa dami ng tao. Kaya’t umakyat sila sa bubungan at binutas iyon, saka inihugos sa harapan ni Hesus ang paralitikong nasa higaan. Nang makita ni Hesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” Sa loob-loob ng mga eskriba’t Pariseo: “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba’t Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinagot niya sila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? Alin ba ang lalong madali: ang sabihin sa paralitiko ‘Pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan’ o ang sabihing ‘Tumindig ka at lumakad’? Patutunayan ko sa inyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Iniuutos ko: tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” Pagdaka’y tumindig ang tao sa harapan ng lahat, binuhat ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. Nanggilalas sila at tigib ng takot na nagpuri sa Diyos. “Nakakita kami ngayon ng mga kahanga-hangang bagay!” wika nila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Lunes

Taglay ang ganap na pagtitiwala ng mga kaibigan ng lalaking paralitiko, manalangin tayo para sa paggaling at pagkabuo ng lahat ng tao sa mundo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pagalingin mo kami.

Ang Simbahan ng Diyos nawa’y patuloy na kumilos upang matupad ang mapanligtas na misyon ni Kristo sa pamamagitan ng pagpapatawad ng mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y laging handang magpatawad sa iba dahil sa pagkaunawang tungkulin ito ng lahat ng sumusunod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong wari’y bilanggo ng kanilang pagkamakasalanan nawa’y makatagpo ng tunay na kagalingang espiritwal, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at may kapansanan nawa’y makatagpo ng ginhawa at pag-asa kay Jesus na nagdusa para sa aming lahat, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa na ay mapatawad nawa sa kanilang mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, pinasasalamatan ka namin dahil sa pagpapatawad sa amin ng iyong Anak. Nawa, kami rin ay makapagpatawad sa lahat ng taong nagkasala sa amin. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Tantanan na ang mga puno!

 17,194 total views

 17,194 total views Mga Kapanalig, sa mga lungsod man o sa mga bundok, hindi tumitigil ang pagpuputol ng mga puno! Noong isang buwan, inihinto ang pagpuputol

Read More »

Karapatan sa kalusugan para sa iilan?

 38,259 total views

 38,259 total views Mga Kapanalig, ang healthcare o pangangalaga sa kalusugan ay isang pangunahing karapatang pantao. Hindi ito luho. Hindi ito pribilehiyo para lamang sa iilan.

Read More »

Maging instrumento ng katotohanan

 61,281 total views

 61,281 total views Mga Kapanalig, parami na nang parami ang mga nakatatanggap ng mga maleta na naglalaman ng limpak-limpak na perang kickback diumano mula sa mga

Read More »

A WAY TO LATE?

 100,468 total views

 100,468 total views Huli na ba ang lahat? O blessings in disguise? Kapanalig, sa paglaganap ng social media at pagkaroon ng access ng mayorya ng mga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Biyernes, Hunyo 26, 2026

 1,221 total views

 1,221 total views Biyernes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 2 Hari 25, 1-12 Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6 Kung ika’y aking limutin, wala

Read More »

Huwebes, Hunyo 25, 2026

 2,601 total views

 2,601 total views Huwebes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 2 Hari 24, 8-17 Salmo 78, 1-2. 3-5. 8. 9 Dahil sa ngalan mo, Poon,

Read More »

Miyerkules, Hunyo 24, 2026

 4,039 total views

 4,039 total views Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista Isaias 49, 1-6 Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15 Pinupuri kita, D’yos ko, dahil ako’y nilikha

Read More »

Martes, Hunyo 23, 2026

 4,542 total views

 4,542 total views Martes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 2 Hari 19, 9b-11. 14-21. 31-35a. 36 Salmo 47, 2-3a. 3b-4. 10-11 Lungsod ng D’yos

Read More »

Lunes, Hunyo 22, 2026

 3,878 total views

 3,878 total views Lunes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Paulino ng Nola, obispo o kaya Paggunita kay San Juan Fisher, obispo,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top