405 total views
Mga kapanalig, marami ng pagbabagong nangyayari sa sektor ng edukasyon hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Nagbago na ang mga modes of learning, at naging mas flexible na ang mga paaralan, guro, at mga estudyante. Mas nasanay na sila sa pag-transisyon sa online at face-to-face classes.
Kaya lamang sa gitna ng mga positibong pagbabagong ito, may mga isyu pa rin na kailangan harapin ang ating bansa. Hindi lahat ng estudyante at pamilya sa ating bayan ang kayang sumabay sa mabilis na daloy ng pagbabago. Maraming mga estudyante pa rin ang naiwan. Tumaas ang bilang ng mga out-of-school youth sa ating bansa simula ng pandemic. Umabot ito ng 25.2% noong Abril 2020 kumpara sa 16.9% noong January 2020.
Marami ring mga pagbabago ang kailangan sa early childhood care sa ating bansa. Ayon sa UNICEF, kalahati lamang ng bilang ng batang may edad 3 to 4 years ang naka-enroll sa daycare. Bago man dumating ang pandemic, ang early childhood development ay nakakaligtaan sa ating education sector. Sana magbago ito, dahil ang early childhood care ay kritikal sa readiness o kahandaan ng mga bata sa pag-aaral. Ang mga batang nabibiyayaan ng dekalidad na early childhood care ay mas bibo sa pag-aaral, at mas malaki ang pagkakataon at oportunidad na makakuha ng kasanayan na kailangan sa hinaharap.
Kailangan natin na matiyak na abot-kamay ang edukasyon para sa mga bata mula sa early childhood hanggang sa adolescence. Kung hindi natin magagawa ito, hindi tayo magiging handa sa susunod na yugto ng edukasyon pati ng job market sa buong mundo – ang digitalization. Huli ng nga tayo, kapanalig, dahil sa maraming bahagi ng mundo, fully digital na ang mga transakyon, at ang e-commerce ay namamayagpag na.
Sa darating na bagong taon, marapat na tutukan ng pamahalaan ang mga paraan at programa upang maging mas accessible ang edukasyon para sa lahat. Maraming mga bata sa kalye ang hindi nakakapag-aral, kumakayod na lamang. Maraming mga bata sa mga probinsya ang nagsasaka na lamang dahil napakahaba ng oras ang kailangan nila gugulin para lamang makarating sa paaralan. Marami ring mga kabataan ang pumiling mag-asawa na sa murang edad dahil kulang ang motibasyon nila para mag-aral.
Hindi natin pwede sabihin kapanalig, na kasalanan ng mga bata kung bakit hindi sila nag-aaral – minors yan, at naka-depende sila sa atin para sa kanilang development o kasulungan. Kailangan natin silang ihanda para sa mas magandang kinabukasan. Kailangan nating tiyakin ang kanilang magandang kinabukasan.
Ayon sa Evangelii Gaudium, kasama sa ating dignidad bilang tao ang edukasyon. Sa pamamagitan nito, kasama ang kalusugan at trabaho, ay ating naihahayag at napapaibayo pa ang ating kagalingan at buhay. Umaasa tayo na ngayong 2023, lalo pa’t nakapakalaki ng budget ng Department of Education (DepEd), ay mas magiging madali at malawig pa ang equitable access to quality education sa ating bansa.
Sumainyo ang Katotohanan.