346 total views
Homiliya para sa Ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay, 30 Abril 2023, Juan 10:1-10
Ang background ng ating ebanghelyo ay ang ating narinig na Salmong tugunan. Kilala nating lahat ito at madalas natin itong marinig lalo na sa mga Misa para sa mga Yumao: Salmo 23, “ANG PANGINOON ang aking Pastol.” Sa ebanghelyo naman ang narinig natin ay “AKO AY ang mabuting pastol.” Hindi ba parang ang laki ng lundag? Mula sa “THE LORD is my Shepherd” tungo sa “I AM the Good Shepherd?” Sisikapin kong ipaliwanag sa homiliyang ito ang koneksyon ng dalawang pangungusap.
Obvious kasi para sa may-akda ng Salmo 23 kung bakit ang Panginoon ang mabuting pastol. Bakit?Kasi daw, “…pinagiginhawa niya akong lubos. Handog niyang himlaya’y sariwang pastulan, ang pahingahan ko’y payapang batisan. Hatid sa kaluluwa ay kaginhawaan, sa tumpak na landas, siya ang patnubay.” In short, sa mabuti niya ako inaakay.
Sa Bibliya, ang tawag sa Salmong ito ay “Salmo ni Haring David”. Ibig sabihin, ang hari ang nagsasalita; siya ang nagsasabing “Ang Panginoon ang aking Pastol.” Para bang sinasabi niya, “Hindi ako, kundi ang Panginoon, ang Pastol ng bayang Israel. Kung ako man ay namumuno bilang hari, ako’y katiwala lang niya. Para bang buong kababaang-loob na ipinaaalala ni Haring David sa sarili niya na kahit tinuturing siya bilang pinakapastol ng bayang Israel, “Sa harapan ng Diyos, siya’y kabahagi lamang ng mga kawan, dahil walang ibang pastol ang Israel kundi ang Panginoon. “
Alam ni David ang ibig sabihin ng maging pastol dahil iyon ang kanyang pinagmulan. Di nga ba’t ayon sa kuwento sa Aklat ni Samuel (1Sam16), pinahanap daw ng Diyos sa propeta ang kanyang ibig hirangin na maging hari mula sa mga anak na lalaki ni Jesse? Isa—isang kinilatis ng propeta ang mga binatang anak ni Jesse, pero paulit-ulit na ibinulong ng Diyos na hindi sila ang kanyang pinili. Hanggang sa ipinatawag pati ang binatilyong anak mula sa pagpapastol, at siya ang pinili. Sabi pa ng Diyos kay Samuel—ang Diyos ay hindi sa panlabas tumitingin kundi sa puso. Nakita niya kay David ang puso ng pastol; kaya tinawag siya mula sa pagpapastol ng mga tupa, tungo sa pagpapastol sa bayang Israel.
Sa Salmo 23, para bang sinasabi ni David: “Wala akong karapatang mamuno bilang Pastol kung hindi ako makikinig at susunod bilang kabahagi ng kawan sa Panginoon, ang nag-iisang pastol ng bayang Israel.”
Siya ang kumalinga sa atin simula’t sapul, siya ang umakay sa atin mula sa Ehipto, siya ang gumabay sa atin sa disyerto, siya ang umalalay sa atin hanggang sa lupang pangako. Ang nag-iisang Pastol natin ay ang Diyos na nagpakilala kay Moises bilang YAHWEH.
Kaya ngayon lumipat naman tayo mula sa Salmo ni David, tungo sa kakaibang version ni Hesus mg nasabing Salmo. Pagnilayan natin ang biglang pagbabagong gagawin ni Hesus sa statement ng Salmo 23: mula sa “SI YAHWEH ANG AKING MABUTING PASTOL, biglang magiging “AKO ANG MABUTING PASTOL.” Parang ang laking lundag, di ba?
May paliwanag diyan. Alam kasi ni Hesus na ang kahulugan ng pangalang YAHWEH, ayon sa pagpapakilala ng Diyos kay Moises ay “I AM”, sa Tagalog “AKO AY.” Parang ibig niyang ipaliwanag sa atin na may punto sa ating buhay na ang pangungusap na “SI YAHWEH ANG MABUTING PASTOL” ay tama lang na maging katumbas ng “AKO AY ANG MABUTING PASTOL”. Na kapag nakilala natin kung sino talaga si Yahweh na ating Diyos, makikilala rin natin kung sino tayong tao na nilikha niya. Di ba’t ayon sa Genesis 1:26-27 nilikha niya tayo upang maging kalarawan niya?
Ito rin ang iniaatas na bokasyon ni Yahweh kay David. Siya na umawit sa Panginoon bilang kanyang pastol ay tinawag upang gumampan sa tungkulin upang maging isang mapagkalingang pastol para sa bayan. Nagbabago ang pangungusap: mula sa “Diyos ang aking Pastol” tungo sa “Ako ang Mabuting Pastol.” Tinawag siyang umako sa isang tungkuling ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanya.
Magandang iugnay ito sa salitang Pilipino na para sa akin ay malapit ang kahulugan sa AKO ANG MABUTING PASTOL: ang pangungusap na, “AKO ANG BAHALA.” Di ba ito rin ang nasasabi natin kapag inaako natin ang responsibilidad? Kung ang salitang BAHALA ay galing sa BATHALA, at ang BATHALA ay pangalan ng Diyos para sa Pilipino, hindi ba nakapangingilabot na sabihing AKO ANG BAHALA? Sino ba tayo para sabihing AKO ANG BATHALA? Hindi ba ito kasalanan o pagdi-Diyos-Diyosan?
Pagnilayan muna natin ang kahulugan ng BAHALA NA. Madalas kasi itong mapagkamalan na expression daw ng fatalism—“Bahala na” na parang lahat na lang ay ipinagpapasa-Diyos agad. Lulundag na lang basta sa dilim, bahala na, ganon ba? Parang tama, pero mali. Lalo na kapag hindi tayo natututong manindigan o umako sa ating responsabilidad o pananagutan o tungkulin.
Ano ang ibig nating sabihin sa BAHALA NA? Di ba kung Yahweh ang tawag ng Hudyo sa Diyos, Bathala naman ang tawag natin sa kanya? Diyos naman talaga ang Bahala dahil siya ang Bathala. Pero para sa Pilipino ang pagpapahayag natin ng tiwala sa Diyos ay hindi hiwalay sa pagpapahayag na ang Diyos ay nagtitiwala din sa atin. Sa Tagalog, parang walang kabuluhan ang sabihing ipagpasa-Diyos ang buhay natin kung hindi naman natin ginagawa ang abot ng ating makakaya, kung wala naman tayong ginagawa. Di nga ba’t may kasabihan tayo, “Nasa Diyos ang Awa; nasa tao ang gawa.” Bago ka umasa sa awa ng Diyos gawin mo muna ang abot ng makakaya. Walang saysay ang bahala sa taong hindi natututong tumrabaho, umako ng pananagutan. Ang mga grasya sa buhay ay hindi naman parang hinog na bayabas na hihintaying mahulog mula sa langit patungo sa bibig ni Juan Tamad.
Ang BAHALA NA ay pahayag ng pananampalataya na ang Diyos ay parang magpapalayok at tayo ay putik o luwad na binibigyan niya ng hugis sa kanyang mga kamay. Hindi natin laging alam kung ano ang plano ng Panginoon, pero siya, alam niya. Tulad ni Hesus, importanteng matutuhan natin ang pinaka-buod ng lahat ng mga panalangin: “SUNDIN ANG LOOB MO.” Katulad din ito ng isinagot ni Mama Mary sa anghel: “Alipin ako ng Panginoon; mangyari nawa sa akin ang sinabi mo.” Mapangyayari natin ang kalooban ng Diyos kung makikisama tayo o makikitrabaho sa kanya; kung ating loloobin ang loob niya.
Pero hindi pa doon natatapos. Hindi pa ganap ang ating pagiging alagad hangga’t hindi tayo magiging mga apostol o kinatawan. Hindi lang tagasunod kundi kabahagi sa kanyang misyon. Mula sa pagiging tupa, tungo sa pagiging Pastol o pakikiisa sa gawain ng mabuting Pastol. Mula sa pahayag na Diyos ang BAHALA tungo sa pahayag na AKO ANG BAHALA.
Hindi ba parang kabalintunaan na tawagin nating BATHALA ang sarili? Hindi naman, kung malinaw sa atin na ang pagiging BATHALA ay may kinalaman sa pagkalinga, pag-ako ng responsibilidad, pagyakap sa pananagutan. Kaya pala ginagamit natin ang salitang PAGKABAHALA, o NABABAHALA, O PAMAMAHALA. May kinalaman sa pagngangalaga, pagkalinga, pamumuno, pangangasiwa, hindi paghahari-harian o pagdidiyos-diyosan. Kundi pagiging mabuting katiwala ng Diyos na nagtitiwala sa atin. . Iyon ang tamang pakikitulad kay Bathala. Iyon ang ibig sabihin ng “Ikaw na ang bahala sa kapatid mo.” O “”Ako ang bahala sa iyo.” Ibig sabihin, hindi kita pababayaan. Pananagutan kita. Ito ang ibig sabihin ng maging mabuting pastol! Kapag nakakatulad na natin ang Panginoon sa kanyang pagiging mapagkalinga, sa pag-ako sa ating mga responsibilidad, sa pagyakap sa pananagutan lalo na para sa mga maliliit, mga mahihina at nasasantabi sa lipunan.