170,414 total views
Mga Kapanalig, hindi lamang ang mga aktibista ang napapahamak sa red-tagging o ang pag-uugnay sa kanila sa mga itinuturing na kalaban ng estado. Damay din pati ang kalikasan.
Matagal nang isyu ang red-tagging sa Pilipinas, pero noong panahon ni dating pangulong Duterte ito nagsimulang naging mas mapanganib. Kasama kasi sa mga biktima nito ang mga tao at grupong may lehitimong adbokasiya. Naging target sila ng pagsubaybay at panggigipit ng gobyerno. Naging bukambibig ang red-tagging ng mga panatikong ipinagtatanggol ang kanilang iniidolong presidente. Naging paraan ito para kontrolin ng mga nasa poder ang pagpuna ng mga kritiko. May mga kaso ngang humantong ang red-tagging sa pagdukot at pagpatay sa mga nagsusulong ng karapatang-pantao.
Ang mga nagsusulong ng pangangalaga sa ating kalikasan ay nasama na rin sa mga biktima ng red-tagging. Nagsasagawa ang gobyerno ng tinatawag na “political profiling” na ikinapapahamak hindi lamang ng mga tauhan o kasapi ng mga grupong ito ito kundi pati ng mga indibidwal na sumusuporta at lumalahok sa kanilang mga proyekto. Kasama sa mga nire-redtag ay ang mga kontra sa pagmimina, lalo na sa lupaing-ninuno o ancestral domain ng mga katutubo. Kalaban din ang turing sa mga lumalaban sa mga tinatawag na “development aggression” o mga proyektong kailangang kalbuhin ang mga kagubatan, patagin ang mga bundok, o ilihis ang mga ilog. Lahat ng may buhay na nakasalalay sa biyaya ng mga likas-yamang ito ay apektado.
Hindi natigil ang red-tagging kahit pa nakapiit ngayon sa The Hague ang promotor nito. Maimpluwensya pa rin kasi ang kanyang mga kakamping nasa gobyerno ngayon. Pati ang mga tagasuporta niya, mabilis husgahan ang mga tutol sa mga gawaing sumisira sa kalikasan. Ayon sa isang survey ng Global Witness ngayong taon, siyam sa sampung land and environmental defenders ang nagsabing nakatanggap sila ng pagbabanta, kahit pa sa internet, dahil sa kanilang kinabibilangan o sinusuportahang mga grupo.
Lubhang nakababahala ito. Napapahamak tayo kapag magpapatuloy ang mga proyektong mapaminsala sa kalikasan, pero nanganganib din tayo kapag nagsasalita tayo laban sa mga ito at pinananagot ang mga nagpapahintulot ng mga ito. Ang pagturing sa mga tagapagtanggol ng kalikasan bilang mga terorista ay nagpapahina sa mga pagkilos para maibsan ang lumalalang krisis sa klima. Pinatitikom kasi ng red-tagging ang bibig ng mga tagapagtanggol ng kalikasan, sa tunay na buhay man o sa online.
Mahirap at mapanganib ang pagsasalita laban sa mga proyektong sumisira sa kalikasan, pero kung hahayaan nating mamayani ang kultura ng takot, mas malaking kapahamakan ang aabutin natin. Kitang-kita natin ito sa pinsalang iniwan ng mga nagdaang bagyo sa maraming lugar nitong mga nakalipas na buwan. Kaya hanga tayo sa mga hindi natatakot na ipagtanggol ang kalikasan, lalo na ang mga katutubong napakalaki ng pagpapahalaga sa mga likas-yamang biyaya sa ating lahat ng Diyos. Isinasabuhay nila ang turo sa Mga Kawikaan 31:8-9 na “ipagtanggol… ang mga ‘di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan, ipahayag… nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran…” Sana ay samahan din natin sila sa abot ng ating makakaya.
Habang nakatutok ang marami sa atin sa isyu ng katiwalian sa mga flood control projects, huwag nating kalimutang may pagnanakaw ding nangyayari sa mga bundok, kagubatan, at karagatan. Hindi lamang likas-yaman ang ninanakaw ng mga ganid; ninanakaw din nila ang kinabukasan ng ating mga anak. Magpapatuloy ito kung tikom ang ating bibig. Magpapatuloy ito kung binubusalan ang mga may tapang na punahin ang mga gumagawa ng mali.
Mga Kapanalig, itinuturo sa atin ng Santa Iglesia na kasalanan ang pananahimik sa harap ng kawalan ng katarungan at ng pagsira sa ating kalikasan. Huwag tayong maging bahagi ng pagpapatahimik sa mga tagapagtanggol ng kalikasan.
Sumainyo ang katotohanan.






