2,542 total views
Ipapaabot ng Pilipinas ang anumang tulong upang makabangon mula sa 7.8 na magnitude na lindol ang Turkiye.
Ito ang tiniyak ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, matapos ilunsad ng Caritas Philippines ang ‘Alay Kapwa Solidarity Appeal’ upang makalikom ng sapat na pondong ipapadala bilang tulong sa Caritas Turkiye.
Ito rin ang mensahe ng Obispo matapos ipadala ng pamahalaan sa pangangasiwa ng Department of National Defense at Office of the Civil Defense ang 82-miyembro ng Philippine Rescue Team upang tumulong sa search and rescue operations sa mga gumuhong gusali sa Adiyaman Turkiye.
“Sana ito po ay kahit papaano ay maibsan din yung kanilang pangangailangan at siguro we can also make statement that we are part of the whole family, and I hope and pray in my part na sana naman na yung mga tao doon that they will be consoled also that all these things, hindi naman ito para bang sinadya(ang lindol), but we can always console in whatever way we can,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, ang pagpapadala ng agad na tulong sa Turkiye ay bahagi din ng pakikiisa ng Pilipinas bilang miyembro ng United Nations.
Panalangin din ng Obispo na sa kabila ng kalamidad ay mapanatili ng mga biktima ang kanilang pag-asa upang maipagpatuloy ang buhay.
“But then what we can do is be a great help, be a good brother dahil ito man, hindi natin alam ito ay mangyari sa atin, the number is getting worse so parami nang parami we cannot afford also to just look at them kaya nga dito sa unang-una sa Dioceses natin kayo po ay hinihikayat to share what we can, ito yung sa Caritas Philippines dahil tayo po ay may tungkulin to help out doon sa mga nasalanta,” paanyaya ni Bishop Florencio
Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Rescue Team na nakatalaga sa Adiyaman Turkey, umaabot na sa 20-gusali ang kanilang nasuri kung saan nailagtas at agad na dinala sa mga nakaantabay na Philippine Medical team ang may 55-survivors ng lindol.
Batay sa pinakahuling ulat, umaabot na sa higit 40-libong katao ang naitalang nasawi matapos ang malakas na lindol noong February 06.