8,124 total views
Naglunsad ang Redemptorist Legazpi Mission Community ng ‘ANDUYOG: Redemptorist Legazpi Typhoon Kristine Response’ upang manawagan ng donasyon para sa mamamayang apektado ng malawakang pagbaha na dulot ng pananalasa ng Bagyong Kristine sa Bicol region.
Ayon sa kongregasyon, higit na kinakailangan ng mga apektadong mamamayan ang pagkain, bigas, malinis na inuming tubig, at hygiene kits bilang mga kagyat na pangunahing pangangailangan ng mga naapektuhan ng sama ng panahon.
Pagbabahagi ng kongregasyon layunin din ng inilunsad na donation drive na makapangalap ng sapat na pondo upang makatulong hindi lamang sa kagyat na pangangailangan ng mga mamamayan kundi maging sa muling pagbangon ng mga residenteng lubos na naapektuhan ng Bagyong Kristine sa lalawigan.
“As we witness the devastating impact of the Typhoon Kristine, our hearts go out to the countless families affected by this natural disaster. The Redemptorist Legazpi launches the ANDUYOG: Redemptorist Legazpi Typhoon Kristine Response to provide immediate relief and long-term assistance to those in need. Your contributions can help supply essential resources such as food, clean water, medical care, and shelter for those who have lost everything.” Bahagi ng pahayag ng Redemptorist Legazpi.
Samantala, tiniyak din ng Redemptorist Legazpi Mission Community ang kahandaan nitong tumugon sa anumang anunsyo ng lokal na pamahalaan kaugnay sa patuloy na epekto ng Bagyong Kristine sa lalawigan kung saan kabilang ang Redemptorist Church sa mga nagbukas na Simbahan upang magsilbing pansamantalang matutuluyan ng mga pamilyang apektado ng sama ng panahon sa lugar.
Para sa mga nais tumulong sa pamamagitan ng in-kind donations, maaaring dalhin ang mga donasyon sa Redemptorist Church Lakandula Drive, Brgy. Gogon, Legazpi City, Albay o kaya naman ay makipag-ugnayan kay Fr. Ronald Balase sa numero bilang 0956-836-4051.
Ang Bagyong Kristine ay ang ika – 11 bagyo na pumasok sa Pilipinas ngayong taon na nagdulot ng malawang pagbaha sa Bicol region.