397 total views
Ang mga bata, kapanalig, ay isa sa mga pinaka-bulnerableng sektor sa ating bayan. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, 23.9% ng mga bata sa ating bansa ay mahirap. Katumbas ito ng 9.3 milyong batang maralita.
Ang batang maralita, kapanalig, ay maraming hamon na hinaharap sa buhay. Marami sa kanila, hindi na nakakain ng tama o nakakapagaral, na e-exploit pa. Musmos pa sila kapanalig, at tayo ang kanilang sandigan. Napakahalaga na tayo, bilang mga mga magulang, ate, kuya – mga nakakatanda sa lipunan, ay handa mangalaga sa kanila.
Napakahalaga kapanalig, ang bahagi ng barangay sa buhay ng bata. Kaya lamang sa ating panahon ngayon, marami ng barangay ang hindi tutok sa kapakanan ng mga bata sa pamayanan. Ilan bang mga barangay natin ang may aktibong programa para sa mga bata, na hindi lamang ukol sa sportsfest, kundi sakop pati early childhood care, feeding para sa maralita, nutrisyon, pati educational assistance?
Isa sa ating maaaring magawa ay ang pagpapalakas ng mga programa para sa mga bata sa mga komunidad. Ang ating mga barangay ay dapat may nakalaang budget at programa para sa kapakanan ng mga kabataan. Dapat ay may komprehensibong estratehiya ito para sa kapakanan ng mga bata, mula preschool pa lamang. Hindi ba’t it takes a community to raise a child? Kapag ang barangay ay nangunguna sa pangangalaga ng kabataan, sinisiguro nito ang kapayapaan at magandang kinabukasan ng pamayanan.
Ang pagpapalakas ng mga programa para sa mga bata ay maaaring gawin sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kanilang access sa edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyo. Halimbawa, maaaring magtayo ng mga aklatan at day care centers sa mga komunidad upang magbigay ng libreng edukasyon at pag-aaruga sa mga bata. Dapat din na magkaroon ng mga programa para sa nutrisyon at kalusugan, tulad ng mga feeding programs at medical missions, upang matiyak na ang mga bata ay malusog at hindi magkakasakit.
Bukod pa rito, mahalaga ring mapalakas ang pakikipag-ugnayan sa mga magulang at komunidad upang matulungan ang mga bata sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Ang pagkakaroon ng mga parenting seminars at community-based activities ay magbibigay ng mga oportunidad upang ipaabot ang mga impormasyon at serbisyo sa mga magulang at komunidad.
Kapanalig, sabi nga sa Mater et Magistra, obligasyon ng mga pamahalaan, kasama dito ang mga barangay bilang lokal na pamahalaan, na protektahan ang mga mamamayan, lalo ang mga bulnerable, gaya ng mga bata. Ang pangangalaga sa mga bata at bulnerable ay nakaugat sa dignidad ng bawat tao, na dapat nating respetuhin at kilalanin.
Sumainyo ang Katotohanan.