66,582 total views
Iginiit ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na hindi ipinipilit ng simbahan sa mananampalataya ang pagsisisi sa mga kasalanan, kundi isang paanyaya sa bawat isa sa pagbabalik-loob sa Panginoon.
Ito ang nilinaw ni Fr. Jerome Secillano-executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs sa pagdiriwang ng Miyerkules ng Abo o ‘Ash Wednesday’-ang hudyat ng pagsisimula ng Kwaresma.
“So, dito ‘yung willingness ng tao parang gusto i-elicit ng simbahan na you go there on your own because this is an invitation for you. ‘Yung penance, reparation, reconciliation, hindi naman kasi ‘yun pinipilit. So the church would only invite people but then it’s up to the people how to respond to that invitation.” ang pahayag ni Fr. Secillano sa Radyo Veritas.
Sa pahayag ni Fr. Secillano sa programang ‘Barangay Simbayanan’ ng Radyo Veritas, hindi kabilang sa tinatawag na ‘Holy Day of Obligation’ ang pagsisimba sa Ash Wednesday gayundin ang pagpapapahid ng ‘abo sa noo’.
Paliwanag ng pari na sa ‘canon law’ ng Simbahang Katolika, itinuturing na ‘day of penance’ ang Mierkoles de Ceniza at ang panahon ng kuwaresma kung saan hinihikayat ang mga mananampalataya sa pananalangin at sa mga gawang kabanalan tulad ng pagtitika, pananalangin, paglilimos at pagtulong sa kapwa.
Ang ‘Ash Wednesday’ ay ang simula ng panahon ng kuwaresma ng o 40-araw na paghahanda para sa pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesukristo para sa kaligtasan ng sanlibutan.
Sa simbahang ng Pilipinas, tatlong araw ang itinakdang Holy Days of Obligation; ang December 8 o ang Kapistahan ng Inmaculada Concepcion, ang Pasko ng Pagsilang kay Hesus o December 25, at January 1 o ang Solemnity of Mary, Mother of God kung saan tungkulin ng mga katoliko na makiisa sa mga banal na pagdiriwang.