1,333 total views
Mga Kapanalig, ginugunita sa araw na ito ng mga deboto ng Poong Itim na Nazareno ang traslación o ang paghahatid ng imahe sa kasalukuyan nitong tahanan sa Quiapo mula sa dambana nito sa Intramuros noong ika-18 siglo. (Paglilinaw po na hindi ito ang pista ng Hesus Nazareno o ng simbahan ng Quiapo, na ang patron ay si San Juan Bautista. Tuwing Biyernes Santo ang kapistahan ng Hesus Nazareno, ngunit hindi talaga natin ito ipinagdiriwang bagkus ay pinagninilayan natin ang pagpapakasakit ni Kristo. Nakaugalian na nga lang ang malaking prusisyon ng poon tuwing ika-9 ng Enero.) Malaking okasyon ang traslación dahil sa mahigit isang milyong debotong nakikiisa rito taun-taon, kahit pa umabot ang prusisyon nang hanggang halos kinabukasan. Noong nakaraang taon, inabot ng dalawampung oras ang prusisyon, at marami ang nawalan ng malay, nasaktan, at, sa kasamaang palad, namatay.
Madali para sa maraming husgahan ang mga namamatà sa Poong Nazareno at tawagin sila bilang mga bulag na panatiko. Ngunit malalim ang kahulugan ng pagsali sa prusisyon para sa mga deboto. May mga itinuturing ito bilang sakripisyo upang maihingi ng kapatawaran ang kanilang pagkakasala. Paraan din daw ito ng pasasalamat sa mga biyayang natanggap nila at ng kanilang pamilya. Sa iba naman, porma ng pagdarasal para sa kanilang mga pangangailangan ang pag-abot sa poon o ang paghawak man lang sa andas. Ganito katindi ang paniniwala ng mga deboto, kaya’t umaasa na lamang ang mga organizers, sa pangunguna ng parokya, na mapanatiling mapayapa ang traslacion.
Ang pinakamahalaga sa traslacion, mga Kapanalig, ay tunay na maunawaan at mapalalim ng mga deboto ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Ito ang mensahe ng tema ng prusisyon ngayong taon—“Poong Hesus Nazareno: Ang Daan, Ang Katotohanan, at Ang Buhay.” Maging mas espirituwal daw sana ang prusisyon ngayong taon, sa halip na nakabatay sa mga pamahiin o nakagisnang paniniwala. At hamon din ito sa simbahan ng Quiapo upang pag-ibayuhin nito ang mga programa para sa mga deboto katulad ng monthly formation, retreat, at recollection nang sa gayon ay mas maraming mananampalataya ang makita si Hesus bilang kanilang daan, katotohanan, at buhay sa araw-araw.
Nakamamanghang buháy na buháy pa rin dito sa Pilipinas ang maraming debosyon. Gayunman mahalagang nauunawaan natin ang mga okasyong ating dinadaluhan, mga nobenang ating dinarasal, at mga gawaing nilalahukan natin bilang bahagi ng ating debosyon. Sa pamamagitan nito, lumalago ang ating pananampalataya at lumalalim ang kahulugan nito sa ating buhay. Sa kaso ng mga deboto ng Poong Nazareno, nawa’y kasing-maalab ng kanilang pagnanais na mawakan ang poon o makalapit man lang dito ang kanilang pagsasabuhay ng Mabuting Balita.
Bukod sa pagkakaroon ng isang buháy na pananampalataya, nakaaambag din ang espiritwalidad ng mga layko sa pagiging buháy ng ating Simbahan. Mahalagang malalim at buong espiritwalidad ng mga layko upang maging matatag ang pamayanan ng Diyos. Kailangan ang matibay na espirtwalidad ng isang mananampalataya upang magampanan niya ang kanyang mga tungkulin sa lipunang kanyang kinabibilangan. Samakatuwid, maisasabuhay ng isang layko ang kanyang espiritwalidad kung nadadala niya ang mensahe ng Mabuting Balita sa ibang aspeto ng kanyang buhay. Hindi dapat magkabangga sa buhay ng tao ang kanyang pananampalataya at iba’t iba niyang papel sa pamilya, trabaho, mga kaibigan, at sa pamayanan.
Mainam itong pagnilayan lalo na sa panahon natin ngayon kung saan patuloy ang kultura ng karahasang sinusubok ang pagpapahalaga nating mga Katoliko sa buhay at dangal ng tao. Paano tayo inuudyukan ng ating panata o debosyon upang itaguyod ang buhay? Paano natin nakikita ang Poong Nazareno sa ating kapwang naghihirap at nagdurusa? Inaabot din ba natin sila katulad ng pag-abot natin sa Mahal na Hesus Nazareno? Nawa’y sa pamamagitan ng ating mga debosyon, maging matibay ang ating espiritwalidad at maisabuhay natin ang Mabuting Balita.
Sumainyo ang katotohanan.






