172 total views
Mga Kapanalig, noong Linggo ginunita ng ating Simbahan ang World Communications Day na naglalayong bigyang-diin ang kahalagahan ng komunikasyon sa buhay ng tao, lipunan, at maging sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Gaya ng nakagawian, inilabas ng Santo Papa ang kanyang mensahe para sa araw na ito noong Enero pa, sa gabi ng kapistahan ni St. Francis de Sales, ang patron ng mga mamamahayag.
Sa pagbubukás ng buwang ito, ginunita rin natin ang World Press Freedom Day kung saan kinilala ang mahalagang kontribusyon ng malayang pamamahayag sa pagtataguyod ng isang demokratikong lipunan. Gayunman, patuloy na humaharap sa matitinding hamon ang mga mamamahayag katulad ng pananakot sa kanila ng mga rehimeng nais takpan ang katotohanan. Dito sa atin, paulit-ulit nating naririnig ang bantang pagpapasara sa Rappler at Inquirer. Higit isang taon na rin nang matagumpay na naipasara ng kasalukuyang administrasyon ang ABS-CBN. Marami ang naapektuhan ng pagpapasara nito—mula sa mga manggagawa at kawani ng istasyong nawalan ng trabaho hanggang sa mga kababayan nating nawalan ng mapagkukunan ng balita.
Samantala, patuloy na hinahamon ang mga mamamahayag sa ating bansa. Ang pananakot ay ginagawa sa iba’t ibang paraan: mayroong sinasampahan ng kuwestyunableng kaso, pinagbabantaan ang buhay, o dinudumog ng mga online trolls sa social media. Sa talâ ng Center for Media Freedom and Responsibility, mayroong higit 200 na insidente ng banta at pag-atake sa mga mamamahayag mula nang magsimula ang kasalukuyang administrasyon. Sa bilang na ito, 19 ang pinatay; lahat ay lalaki at karamihan ay nagtatrabaho sa mga istasyon ng radyo. Mayroon ding 30 na ni-red-tag o pinagbibintingang may kaugnayan sa mga rebeldeng grupo. Lima ang minatyagan, 18 ang kinasuhan ng libel, at walo ang inaresto.
Sa isang pag-aaral naman ng UNESCO at International Center for Journalists, lumabas na sa buong mundo, biktima ang mga babaeng mamamahayag ng panggagahasa, pandurukot, at pisikal na karahasan. Madalas silang inaakusahang nagbibigay-aliw para lamang magkaroon ng istoryang maibabalita. Pinadadalhan sila sa email ng mga banta at malalaswang larawang mukha nila ang nakalagay. Matindi pa, pinadadala ang mga litratong ito sa kanilang mga asawa at anak. Isa sa apat na babaeng mamamahayag na kasama sa pag-aaral (o 25%) ang nagsabing humingi sila ng sikolohikal na tulong at may ilang nagkaroon ng post-traumatic stress disorder.
Ang mga hamong ito sa malayang pamamahayag ay malaking hadlang sa pagiging instrumento nila ng komunikasyon tungo sa magandang plano ng Diyos para sa atin. Ipinaaalala sa ating ng mga panlipunang turo ng Simbahan na hindi dapat isinasantabi ang mga morál na prinsipyo sa mundo ng komunikasyon. Una, dapat laging isaalang-alang na ang tao ang puno’t dulo ng komunikasyon. Hindi dapat ginagawang kasangkapan ang tao upang kumita o unahin ang pansariling interes. Layunin dapat ng komunikasyon at ng layuning protektahan ang malayang pamamahayag ang itaguyod ang kaunlaran ng tao. Ikalawa, ang pagtataguyod sa kaunlaran ng tao ay nakabatay sa kabutihang panlahat o common good. Mahalaga ang paghahangad sa katotohanan at bukás na daloy ng diskurso at impormasyon upang sama-samang kumilos ang isang komunidad.
Sa taóng ito, ang World Communications Day ay may temang “Communicating by Encountering People Where and as They Are.”[5] Ngunit hindi magiging makabuluhan ang pakikitagpo sa mga tao kung balót sila ng takot para magpahayag. Wala itong saysay kung hindi sila armado ng tamang impormasyon dahil binubusalan at pinapatay ang mga tagapaghatid nito sa kanila. Tunay nga ang nasasaad sa Juan 8:32, “mapagpalaya ang katotohanan.”
Mga Kapanalig, patuloy nating ipagdasal ang ating mga mamamahayag at ang mga institusyong may tungkuling pairalin ang katotohanan. Makibahagi tayo sa pagsusulong ng malayang pamamahayag sa ating bayan at ng komunikasyong nakatatag sa katotohanan at kabutihan ng lahat.
Sumainyo ang katotohanan.