243 total views
May mga pag-aaral, kapanalig, na nagpapakita na kapag mas malawak ang internet coverage ng isang bansa at maayos ang kanilang Internet servers, mas resilient sila sa mga health crisis gaya ng COVID-19.
Isa na dito ay ang pag-aaral mula sa World Bank gamit ang datos mula sa 180 na bansa. Ayon dito, kapag mas malawak ang internet access, mas mababa ang risk sa epidemya. Ito ay dahil sa presensya ng mga digital platforms na nagagamit ng mga otoridad upang makapagbigay ng opisyal, malinaw, at napapanahong impormasyon ukol sa krisis. Ayon sa pag-aaral, sa mga 193 na member-states ng United Nations, 167 na bansa ang nagbigay ng mga impormasyon ukol sa pandemya gamit ang mga national portals, apps, o social media.
Dahil din sa Internet kapanalig, nakapag-shelter in place o nakaka-panatili tayo sa ating mga tahanan sa kasagsagan ng mga pagsirit o surge ng transmisyon. Dahil sa ating pananatili sa ating mga tahanan, nakatulong din tayo na mabawasan ang dami ng mga nahahawa sa sakit.
Ang kaakibat na artificial intelligence ng internet ay isa rin sa mga rason kung bakit ito ay makapangyarihang instrumento laban sa pandemya. Sa ibang bansa, nagamit ang teknolohiyang ito sa contact tracing. Nagamit din ito sa pagbibigay ng mga big data na tumulong sa maraming pamahalaan upang maunawaan ang galaw ng pandemya, ang galaw ng mga tao, at ang mga resources na available na maaring tumugon sa mga pangunahing pangangailangan mga mga tao.
Kaya lamang kapanalig, ang internet ay bulnerable sa fake news o impormasyon. Kung ang ating mga sources sa Internet ay magbibigay ng malabo, peke, at maling impormasyon, sa halip na makatulong laban sa pandemya, ay mas ilalagay pa tayo sa panganib. Halimbawa na lamang noong nakaraang taon kung kailan biglang nagkumpulan ang mga tao sa vaccination sites dahil sa fake news na hindi palalabasin at hindi bibigyan ng ayuda ang lahat ng mga di-bakunado noong nakaraang lockdown noong Agosto 2020. Ang mga kumpulang ito ay maaring maging superspreader events na magkakalat pa ng sakit. May mga fake news din na nagsasabi na magbibigay pa ng sakit ang bakuna. Dahil dito, mas maraming mga mamamayang di-bakunado ang nagkasakit, ang iba, namatay pa.
Kapanalig, ang Internet ay mahalagang armas ng lipunan ngayon. At gaya ng armas, maari itong magamit sa mabuti at masama. Piliin nati lagi ang mabuti, kapanalig. Kaya natin iyan. Sabi nga sa Laudato Si: Human beings, while capable of the worst, are also capable of rising above themselves, choosing again what is good, and making a new start, despite their mental and social conditioning.
Sumainyo ang Katotohanan.