Mga Kapanalig, paano kung ang pagkalbo ng kagubatan, pagbuga ng polusyon, at pagsira sa dagat ay hindi na lang simpleng paglabag sa batas kundi isang mabigat na krimen laban sa kalikasan?
Ito ang layunin ng House Bill No. 8189 o ang Ecocide Prevention Bill na inihain ng Akbayan Party-list kasama si Dinagat Islands Representative Kaka Bag-ao. Kung maisasabatas, ituturing na krimen ang mga gawaing lubhang nakasisira sa kalikasan.
Ginagamit sa HB 8189 ang terminong “ecocide” para tukuyin ang anumang gawain at hindi pagtupad sa batas na maaaring magdulot ng malubha, laganap, o pangmatagalang pinsala sa kapaligiran. Ilang halimbawa ang pagpuputol ng napakaraming puno, pagpapatakbo ng mga industriyang sanhi ng polusyon sa hangin at tubig, pagmimina sa mga bundok, at pagkukuha ng labis-labis na yamang-dagat sa mapanirang paraan. Pananagutin ng panukalang batas kapwa ang mga indibidwal at mga korporasyong nasa likod ng mga ito. Kasama rin sa mga ituturing na krimen laban sa kalikasan ang pagbibigay ng permit sa mga proyekto at negosyong malinaw na magdudulot ng malawak at pangmatagalang pinsala sa kalikasan.
Mahalagang bahagi rin ng Ecocide Prevention Bill ang pagkilala sa rights of nature o ang karapatan ng mga ecosystem at species na umiral, magpatuloy, magpanibago, at maibalik. Sa ilalim nito, maaaring magsampa ng kaso ang sinumang mamamayan, komunidad, o organisasyon sa ngalan ng kalikasan upang ipagtanggol ang mga karapatang ito.
Sa pagpapanagot sa mga nasa likod ng mga gawaing pumapatay sa kalikasan, matitiyak na ang mga susunod na henerasyon ay may mundong titirhan at yamang mapakikinabangan. Kung may ganitong batas, pag-iisipang mabuti ng mga indibidwal at kompanya ang mga posibleng epekto sa kapaligiran ng kanilang mga gawain bago pa man isagawa ang mga ito.
Habang patuloy ang pagkasira ng kapaligiran, patuloy ding naaapektuhan ang buhay ng mga tao, lalo na ang mga komunidad na direktang umaasa sa kalikasan para sa kanilang kabuhayan at kaligtasan. Isa rin ang Pilipinas sa mga bansang pinakananganganib sa epekto ng climate change, na nakikita natin sa pagdami at paglakas ng mga bagyong nararanasan natin taun-taon. Kung patuloy ding mawawala ang mga kagubatan dahil sa pagputol sa mga puno at ang mga kabundukan dahil sa malawakang pagmimina, ano pa ang matitira upang protektahan tayo sa malalakas na bagyo?
Matagal nang binibigyang-diin ng Simbahan ang pananagutan ng tao sa pangangalaga sa kalikasan. Sa isang pastoral letter noong 2019, ipinaalala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP) na ang pagkilala sa karapatan ng kalikasan ay bahagi ng panawagan sa ecological conversion. Hindi hiwalay ang tao sa kalikasan; tayo ay bahagi nito at patuloy na nakikipag-ugnayan dito.
Bilang mga Kristiyano, ang pangangalaga sa sangnilikha ay bahagi ng ating pananampalataya. Paalala nga sa Awit 24:1, “Ang buong daigdig at ang lahat ng naroon, ang may-ari’y si Yahweh na ating Panginoon..” Dahil ang Diyos ang maylikha at may-ari ng mundo, wala tayong karapatang abusuhin ito. Sa halip, tinatawag tayong maging mabubuting katiwala at maging responsable sa paggamit ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin.
Dapat din nating tandaan: ang mundong ito ay hindi lamang para sa atin sa kasalukuyan kundi para din sa mga susunod na henerasyon. Anong uri ng mundo ang nais nating iwan sa ating mga anak at apo? Ganitong tanong ang kailangan nating pag-isipan dahil ang mga pinsalang ginagawa sa kalikasan ngayon ay tiyak na mamanahin ng mga darating na salinlahi.
Mga Kapanalig, mahalagang papel ang ginagampanan ng bawat mamamayan sa mga usaping pangkalikasan. Ang pagsuporta sa Ecocide Prevention Bill ay isang mahalagang hakbang upang mapigilan ang malawakang pagkasira ng sangnilikha at upang mapangalagaan ang mundong ipinagkatiwala ng Diyos sa atin.
Sumainyo ang katotohanan.






