364 total views
Mga Kapanalig, ayon sa Tugon ng Masa survey ng OCTA Research, kalahati ng mga Pilipino ang umaasang mas bubuti ang kanilang buhay sa susunod na anim na buwan. Halos ganito rin ang resulta ng survey na isinagawa ng Pulse Asia, kung saan halos lahat o 92% ng mga Pilipinong nakilahok sa survey ang nagsabing haharapin nila ang pagpasok ng bagong taon nang may pag-asa.
Sa parehas na survey, mga taga-Visayas ang may pinakamaraming mas positibo sa mga susunod na buwan o bagong taon—65% sa OCTA at 99% naman sa Pulse Asia. Sinusundan ito ng mga taga-Metro Manila—55% sa OCTA at 94% sa Pulse Asia.
Sa parehong survey, mula sa mahihirap ang pinakamaraming positibo sa pagpasok ng bagong taon. Sa survey ng OCTA, 52% ng mga kababayan nating mula sa Class D at 49% mula sa Class E ang may positibong pagtanaw sa mga susunod na buwan. Samantala sa Pulse Asia, 94% ng mga mula sa Class E ang nagsasabing haharapin nila ang bagong taon nang may pag-asa. Sinusundan ito ng mga mula sa Class D na mayroong 92%.
Isinagawa ang mga surveys sa gitna na iba’t ibang hamong kinakaharap nating mga Pilipino. Noong Nobyembre, naitala ang pinakamataas na inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Labis itong nagdudulot ng pasakit sa taumbayan, lalo na sa mahihirap nating kababayan. Sa inflation rate na 8%, ang pinakamataas sa loob ng 14 na taon, doble ito ng inflation rate noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Nariyan din ang anunsyo ng Meralco sa pagtaas ng singil ng kuryente at ang nagbabadyang mas malaking kaltas sa sahod ng mga manggagawa dahil sa pagtataas ng SSS at PhilHealth contributions sa pagpasok ng 2023. Ibig sabihin, higit na paghihigpit ng sinturon ang kailangang gawin ng mga Pilipino upang maitawid ang pang-araw-araw na gastusin. Patuloy pa rin ang banta ang COVID-19 sa ating kalusugan. Ang mga kalamidad na pinatitindi ng climate change ay banta naman sa ating buhay at kaligtasan. Hindi rin nakatutulong na hindi mawala-wala ang mga isyu ng katiwalian at pang-aabuso ng mga namamahala sa ating bayan. Marami pa ring naloloko ng fake news. At mabagal na pagkamit ng hustisya ng mga kababayan nating biktima ng karahasan at patayan sa bansa. Mangungulila pa rin sa papasok na bagong taon ang kanilang mga naiwang mahal sa Buhay.
Sa harap ng mga kadilimang ito, kahanga-hanga ang positibong pananaw ng mga Pilipino sa parating na bagong taon. Tayong mga nananalig kay Hesus ay inaanyayahan ng mga turo ng ating Simbahang mapuspos ng pag-asa sa gitna ng laganap ng kasalanan at kahirapan sa mundo. Naniniwala ang ating Simbahang ang mundo ay hindi mananatali sa kadiliman. Darating ang liwanag. Mananaig ang kabutihan. Ngunit ang ating mga inaasahang positibong pagbabago sa ating buhay ay mangyayari lamang kung mag-aambag tayo sa pagkamit ng mga ito.
Ang Kristiyanong pag-asa ay buháy at kumikilos. Ang pagsasabuhay sa Mabuting Balita ay makikita sa pagpapanibago natin sa ating pag-asa upang kumilos tayo sa kadiliman ng mundo. Posible ito kahit pa sa maliit na paraan ng pagkakawanggawa, sa tapat na pakikinig sa mga suliranin ng ating kapwa, at sa pagpapanagot sa mga namumuno sa atin upang magkaroon tayo ng mas makatao at makatarungang lipunan.
Mga Kapanalig, katulad ng paalala sa Roma 5:5, “Hindi tayo binibigo ng pag-asa sapagkat ibinuhos ng Diyos sa ating puso ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin.” Kasama ang Banal na Espiritu, harapin natin ang bagong taon nang may pag-asa. Dalhin natin ang paniniwalang instrumento tayo ng Diyos upang gawing katotohanan ang ating mga hangarin.