544 total views
Hanggang ngayon, kapanalig, hindi pa tapos ang clean up sa oil spill na naganap sa Oriental Mindoro. Hindi biro ang sakunang ito – ang paglubog ng oil tanker sa baybayin ay malaki ang epekto sa mga mamamayang nakatira roon. Bitbit ba naman ng tanker ay 800,000 litrong unrefined oil, at tumatagas dito kada minuto ay humigit kumulang na 200 litrong langis.
Ang bawat tagas nito kapanalig, ay nagdadala ng panganib sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan dito. Mabaho ang paligid, at ang amoy na ito ay nagdadala ng pagkahilo, paninikip ng dibdib, at minsan pagsusuka sa mga residente. Nakakapatay din ito ng mga isda sa dagat, na siyang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente doon. Tinatayang 1,700 na mangingisda ang apektado kasama ang mahigit kumulang na 3,500 na pamilya.
Ang pangyayaring ito ay nagpapakita ng pagiging bulnerable ng buhay ng mga mangingisda, na isa sa mga pinakamahirap na sektor sa ating bayan. Tinatayang nasa 26.2% ang poverty incidence sa kanilang hanay. Kada may sakuna sa karagatan, gaya ng oil spill o red tide, o kawalan ng isda, o bagyo, gutom agad ang katapat nito sa kanilang pamilya. Marami pa naman sa mga mangingisdang ito ay nangutang lamang para makuha ang mga bangkang ginagamit nila sa laot.
Ang social protection sana kapanalig, ang kakampi ng mga maralita sa ganitong panahon ng krisis. Sa ibang bansa, kapag ikaw ay nawalan ng trabaho, may madudukot kang unemployment benefits para makatawid sa panahon ng kagipitan. Sa ating bansa, kadalasan, relief good lamang ang makukuha, at maswerte ka na kung may konting perang ayuda. Kaya lamang kapanalig, walang dignidad sa palagiang donasyon lamang ng delata at lumang damit sa panahon ng krisis. Wala ring tinuturong resilience ang ganitong practice sa ating bayan. Kailangang mabago ito. Nakita naman natin na kada maubos na ang mga relief goods na ipinamahagi ng pamahalaan kapag sakuna, nasa mga kalye na minsan ang mga beneficiary at namamalimos na para sa pang-araw araw na gastos.
Hindi lamang donasyong pagkain ang kailangan ng mga tao upang makabangon mula sa sakuna. Kailangan din natin na matiyak ang patuloy na source of income ng mga tao dahil sa panahon ng kagipitan, napipilitan ang mga mamamayan na gumawa ng mga desisyon na may long-term effects sa kanilang mga pamilya. May iba pinatitigil na ang mga anak sa pag-aaral dahil hanggang pagkain lang ang kayang masapo ng pamilya, o di kaya nagmi-migrate at nagbabakasakali na ang pamilya sa ibang lugar, o napipilitang mag-abroad o pumunta sa mga syudad para may kita.
Kapanalig, kapag ginagarantiya natin na patuloy ang source of income ng mga mamamayan sa panahon ng sakuna, mas mabilis ang kapasidad nilang makabawi at bumangon, at nakatulong pa sa iba. Kaya lamang, mas sanay yata ang pamahalaan natin an magbigay lamang lagi ng donasyon kasya i-institutionalized ang mas maayos na social protection para sa lahat. Parang may mali sa ganitong praktis, hindi ba? Parang sinasanay pa natin ang mga mamamayan na maging dependent sa hatag o donasyon. Kapanalig, we empower our people when we reduce their vulnerabilities. At ang social protection ay isa sa pinakamabisang paraan nito. Ayon nga sa Economic Justice for All, isang pastoral letter ng mga US Bishops noong 1986: Every perspective on economic life that is human, moral, and Christian must be shaped by three questions: What does the economy do for people? What does it do to people? And how do people participate in it? Dapat na nating itanong ang mga ito sa ating bansa ngayon.
Sumainyo ang Katotohanan.