391 total views
Ang climate change ay responsibilidad nating lahat. Malinaw na lahat tayo ay apektado nito. Malinaw na kung wala tayong gagawin, mas malala ang mga darating na natural na sakuna hindi lamang sa ating bayan, kung hindi sa buong mundo. Kaya nga’t marami sa atin, gumagawa na ng paraan upang makapag-ambag kahit sa maliit na bagay lamang, upang mapigilan ang patuloy na pag-init ng mundo.
Kaya lamang, kapanalig, parang may mali. Kadalasan, ang mga maliit na tao ang laging napupuntirya pagdating sa kapabayaan sa ating kapaligiran. Kapag nagkamali o nagkulang, mas madaling patawan ng parusa o multa ang maliit na tao. Pero kapag kumpanya o kaya gobyerno ang nagkamali o nagkulang sa kalikasan, kay hirap panagutin. Makatarungan ba ito?
Tingnan na lamang natin ang isa sa mga pangunahing basura sa mundo, ang plastic. Marahil, marami na ang nakaranas na mamultahan o masita dahil sa pag-gamit ng plastic sa mga tingi-tinging binibili mga tindahan o sa palengke. Maraming mga ordinansa sa iba’t ibang local government units o LGUs ng bansa ang nagbabawal ng pag-gamit ng plastic. At dapat lamang ito, dahil ayon sa isang pag-aaral, noong 1950, dalawang milyong tonelada lamang ang nalilikhang mga plastic sa buong mundo kada taon. Nitong 2019, mga 368 milyong tonelada na ito kada taon. Mahigit sa kalahati nito ay nalikha lamang simula 2000.
Kadalasan, ang mga plastic na ito ay ginagamit natin para sa packaging ng mga produktong ating binibili. Ang mas nakakalungkot, kapanalig, halos kalahati ng mga plastic na ating ginagamit ay para sa minsanang gamit lamang—single-use. Isang beses lamang natin ginagamit, itatapon na lamang agad, at ilang daang taon mananatili sa ating mundo. At dahil nga tayo ang end-user, karaniwan, tayo ang nasisisi sa pagdami ng plastic sa mundo.
Kapanalig, kailangan din nating makita ang bahagi o papel ng mga manufacturers sa pagdami ng plastics sa ating mundo. Kailangan din natin makita na nasa kanilang kamay din ang pagbawas ng produksyon ng plastic sa buong mundo. Kung mula sa producer mismo manggaling ang pagbabago, mapipigilan na ang pagdami ng plastic sa buong mundo. Kailangan din natin makita ang ambag ng gobyerno dito sa pamamagitan ng mga bago at may ipin na polisiya.
Marami ng mga manufacturers ngayon ang umiiwas sa pag-gamit ng plastic. Halimbawa dito ay ang mga gumagawa ng mga shampoo bars at soap bars na gamit ang paper packaging para sa kanilang produkto. Marami na rin ang nagtayo ng mga refilling stations upang mabawasan na ang pagdami a ng mga plastics. Sana mas dumami pa ang mga kumpanyang gaya nila. Sana pati mga malalaking kumpanya ay gumaya na sa kanila. At sana, mas mabigyan sila ng insentibo ng pamahalaan para mas marami ang gumaya. Ito ang makatarungang paraan. Sabi nga sa Mater et Magistra, ang anumang kalakalan ay dapat umiiral ayon sa prinsipyo ng katarungan at pag-ibig.
Sumainyo ang Katotohanan.




