8,827 total views
Homiliya para sa Kapistahan ni Santiago Mayor, 25 Hulyo 2024, Mt. 20:20-28
Pyesta ngayon sa aking hometown sa Betis, Guagua Pampanga, dahil patron ng aming parokya doon si Santiago Mayor. Dalawa ang larawan ni Santiago Apostol ang ipinuprusisyon doon sa amin sa Betis: ang Santiagong sundalo, may dalang espada, nakasakay sa kabayong puti at tinatawag na Santiago El Matamoro, at ang Santiago El Peregrino, nakasumbrero, may hawak na tungkod at naka-balabal na may nakasabit na kabibeng simbolo ng peregrino.
Nong bagong pari pa ako, at batang-bata pa, may nasabi ako sa aking homily sa araw ng pista ni Santiago na hindi ikinatuwa ng mga nakatatanda sa aming baryo. Nasabi ko na, kung kasaysayan ang pagbabatayan, imposibleng sumakay si Santiago ng kabayong pandigma, nagsuot sundalo at nakipaglaban sa mga Morong Muslim noong 9th century. Bakit? Ang orihinal na Santiago ay nabuhay noong first century at wala pang mga Muslim noon. Halos 6th century na nang magsimula ang Islam. At ang tinatawag na giyerang “reconquista” o digmaan ng mga Kastila laban sa mga Morong sumakop sa kanila ay naganap sa loob ng walong siglo mula 8th century. Nasabi ko na isang alamat ang kuwento tungkol sa Santiagong Matamoro. Sa gitna ng giyera, nakita daw ang isang mahiwagang sundalong nakakabayong puti na tumutulong sa kanila para mapalaya ang Espanya sa mga Morong sumakop sa kanila at sumupil sa kanilang pananampalataya.
Palagay ko, kaya pinasikat ang Camino de Santiago, ay para ibalik sa alaala ng mga Espanyol lalo na ng mga taga-Compostela, na bahagi ng rehiyon ng Galicia, na hindi mandirigma kundi peregrino ang orihinal na apostol. Na ang buong buhay niya ay may kinalaman hindi sa pakikidigma kundi sa pagsunod sa Camino o Landas ni Kristo. Sa ating ebanghelyo, parang mga mapusok na kabataan ang dating ng magkapatid na anak ni Zebedeo—si Santiago at Juan. Ambisyoso, agresibo, walang hangad kundi ang maging dakila. Sa version ni San Mateo, ang nanay ang humiling na mapwesto ang dalawang anak niya sa kaliwa at kanan ni Hesus. Pero sa orihinal na kwento ni San Markos, sila mismo ang humiling nito. Ganyan man sila noong una, nagbago naman ang direksyon ng buhay nila sa kalaunan mula nang makatagpo nila si Hesus ng Nazareth. Ang daan ng tunay na kadikalaan na itinuro sa kanila ni Kristo ay hindi kapangyarihan, kundi kababaang-loob at pagiging handang maglingkod sa nga maliliit at mga ineetsapwera sa lipunan.
Sa araw na ito ng kapistahan ng apostol na natuto munang maging disipulo o sumunod sa Landas ni Kristo bago maging apostol o sugo ni Kristo, magnilay tayo ngayon tungkol sa buhay bilang paglalakbay at paghahanap ng daan. Isa sa mga paborito kong panoorin noong bata pa ako, lalo na pag Holy Week, ay iyong lumang pelikula ni Cecil B. De Mille, The Exodus. At siyempre,iyung pinakahihintay kong eksena ay noong tumakas na ang bayang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto at na-corner sila sa may baybay ng dagat na pula. Nag-iyakan ang mga tao dahil alam nilang hinahabol sila ng mga Egyptians. Ito ang binabanggit sa ating first reading: “Ang tubig ay nahawi at lumitaw ang tuyong lupa, isang malinis na landas sa gitna ng dagat na pula.”
Palagay ko, ito ang naging inspirasyon ng sumikat na Charismatic song “GOD WILL MAKE A WAY.” Maraming beses kasi sa buhay natin na parang di na natin alam ang gagawin. Nalalagay tayo sa mga sitwasyon ng kapalpakan, kabiguan katulad ng mga alagad sa ebanghelyo na nangisda at umuwing walang laman ang bangka, walang nahuli. Sabi ng kanta, “God will make a way where there seems to be no way, He works in ways we cannot see, He will make a way for me..”
Ang gusto ko sa kantang ito, hindi niya sinasabing “God will find a way for us…”. Kundi HE WILL MAKE A WAY. Ang landas hindi hinahanap kundi ginagawa. Mas gusto natin kasing dumaan doon sa mga landas na gawa na, malinis, patag. Pero kung minsan, sa ayaw natin at sa gusto, humahantong tayo sa mga hangganan o dulo ng landas. Ang papel ni Kristo sa buhay natin ay ang samahan tayo sa paglalakbay. Abutin man natin ang dulo ng landas hangga’t kalakbay natin siya, matututo tayong gumawa ng mga bagong daan. Dahil siya mismo ang daan., katotohanan at buhay.
Ito ang itinuro ni Hesus sa mga unang mga alagad na pawang mga kabataan: Si Simon at kapatid niyang si Andres, si Santiago at kapatid niyang si JUan. Matagal-tagal rin bago nila matutunang sundin ang landas ni Kristo. Urong-sulong sila nang maglakbay na siya patungo sa Jerusalem kung saan siya ipinako. Hinaharang pa nga siya ni Pedro noon. Pero napagsabihan siya, “Maliban lang kung matutunan ninyong itatwa ang sarili, pasanin ang aking krus at sumunod sa aking landas, hindi kayo maaaring maging mga alagad ko.”
ANG LANDAS NI HESUS AY LANDAS NG KAWALAN. Kaya nga maraming tumiwalag sa kanya habang daan.
Sanay kasi ang tao kapag sumali sa anumang gawain, na itanong, “Ano ang makukuha ko dito? Ano ang mapapala ko? Ano ang pakinabang sa akin?” Ginawang positibo ni Hesus ang landas ng kawalan. Tinawag itong KENOSIS ni San Pablo. PABUBUHOS NG SARILI UPANG MABIGYANG PUWANG ANG DIYOS SA BUHAY NATIN. Ang tawag dito ni San JUan de la CRuz ay CAMINO DE LA NADA: wala daw ibang daan patungo sa kaganapan kundi ang landas ng kawalan.
Di ba ito rin ang sinasabi ng kantang PANANAGUTAN? “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.” TOTOO BA YON? Hindi lagi. Maraming taong nabubuhay para sa sarili. Pero, buhay na walang laman, walang saysay, walang direksyon. Ang landas ni Kristo ay daan ng PANANAGUTAN sa kapwa, daan ng pag’ibig na hindi takot maghirap o mamatay para sa minamahal. Ito ang daan ni Kristo.