266 total views
Kapanalig, mahirap magkasakit sa ating bayan, lalo na sa panahon ngayon. Nagtataasan ang presyo ng mga bilihin, at kung mayroon pang magkakasakit sa pamilya, siguradong said na ang ating kaban. Mahal ang konsultasyon, mahal ang gamot, mahal ang ma-confine. Kaya nga mas pinipili ng marami nating mga kababayan ang huwag na lang magpa-check-up. Saka na lang sila pupunta sa doktor kapag namimilipit na sila sa sakit.
Hindi dapat ganito ang ating sitwasyon pagdating sa ating kalusugan, kapanalig. Dapat abot-kamay ito. At pag sinabi nating abot-kamay, hindi lamang nangangahulugan na may sapat tayo ng suplay ng doktor at nars, pati ng mga gamot. Kailangan din ay kaya nating mabayaran ang kaakibat na gastusin nito. Pero sa totoo lang kapanalig, para sa maraming Filipino, mahirap kayanin ang gastos pag may nagkasakit sa pamilya.
Base sa opisyal na datos, ang gastos ng ating bansa para sa kalusugan ay umabot ng P1.09 trillion noong 2021. Sa gastos na ito, kalahati o 50.3% lamang ang nasagot ng estado habang mula sa household-out-of-pocket payment (OOP) ang 41.5% nito at sa voluntary health care payment schemes naman ang natitirang 8.2%. Mas mainam sana na mas malaki ang masagot ng ating estado sa gastusin, lalo pa’t matagal na nitong nilalayon ang universal health care para sa ating bansa. Sa ngayon kasi, nasa ating mga balikat pa rin nakapatong ang kalusugan ng lipunan.
Nakakalungkot ang ganitong sitwasyon kapanalig, lalo pa’t kung tutuusin, marami ang maaaring pagkunan ng pondo para sa maayos na implementasyon ng universal health care. Halimbawa nito ay ang mga revenues mula sa mga sin taxes sa sigarilyo, alcohol, at mga softdrinks. Isang oportunidad din para sa pondo ay ang bahagi o share ng estado sa kita ng mga ahensya gaya ng
Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Maari kaya nating mamonitor ang mga buwis na ito para naman ating mapalaki pa ang budget para sa universal health care?
Kapanalig, mahal ang kalusugan sa ating bansa, at kapag nahospital pa tayo, hindi tayo tiyak na dekalidad ang kalingang matatanggap natin. Siksikan sa mga public hospitals natin kapanalig at mahaba ang pila, kahit pa sa emergency. Kaya sana naman ating tutukan ngayon ito. Karapatan ng bawat Pilipino ang disenteng access sa dekalidad na kalingang pangkalusugan.
Paalala ni Pope Francis sa kanyang pagpupulong kasama ang Italian National Federation of Radiographers and of the Technical Medical Rehabilitation and Prevention Professions nitong Enero lamang: Health is not a luxury. It is a right that belongs to everyone. A world that discards the sick, which does not assist those who cannot afford treatment, is cynical and has no future.
Sumainyo ang Katotohanan.