201 total views
Mga Kapanalig, mag-iisang taon nang binubulabog ng COVID-19 ang buong mundo. Mag-iisang taon na ring nasa community quarantine ang maraming lugar sa Pilipinas, bagamat unti-unti na ngang pinaluluwag ang mga restrictions. Naisip ba ninyong aabot tayo sa ganitong kalagayan? Maaari pa ngang magtagal ang ganitong sitwasyon sa ating bansa dahil sa kawalan ng pagbabakuna sa ating mga mamamayan, hindi katulad ng mga kapitbahay natin sa Asya na matagal nang nagsagawa ng mass vaccination.
Ang magandang balita, may ilang bakuna nang nabigyan ng emergency use authorization (o EUA) ang ating Food and Drug Administration (o FDA), at ang pinakahuli nga ay ang bakunang Sinovac. Nangangahulugang maaari nang ipamahagi ang bakunang ito, at may inaasahan tayong 600,000 doses na donasyon ng China. Gayunman, hindi iminumungkahi ng FDA na maibigay ito sa mga nasa unahan ng priority list ng pamahalaan, partikular ang mga health workers at senior citizens. Mababa raw kasi ang efficacy rate ng Sinovac o ang kakayahan ng bakunang pigilan ang mga sintomas ng COVID-19. Sa Brazil, umabot lamang ito sa 50.4%.
Kaya sang-ayon sa rekomendasyon ng mga dalubhasa, sinabi ng FDA na hindi ang Sinovac ang pinakamagandang bakuna para sa mga health workers na direktang humaharap sa mga pasyente, at sa mga nakatatandang madaling kapitan ng sakit. Iturok na lamang daw ang Sinovac sa malulusog na uniformed personnel, essential workers, at ang mga mahihirap na edad 18 hanggang 59. Mas mainam daw ito kaysa sa walang mababakunahan.
Sa isang banda, mainam na naging tapat ang FDA sa kanilang pasya ukol sa pamamahagi ng Sinovac. Sa kabilang banda, nakalulungkot na para bang ginawang panakip-butas ang ibang sektor upang mayroon lamang tumanggap ng isang bakunang mababa ang kakayahang labanan at maiwasan ang mga sintomas ng COVID-19. Tanong nga ni Senador Joel Villanueva, kung ang Sinovac ay hindi pala inirerekomenda sa ating mga health workers ngunit gagamitin sa ibang sektor, hindi ba ito masasabing diskriminasyon? Inihambing naman ni Senador Panfilo Lacson ang desisyong ito ng FDA sa isang chef na ayaw kainin ang kanyang niluto dahil hindi iyon masarap, ngunit ihahain pa rin niya sa kanyang mga customers.
Nakalulungkot na hindi maibigay ng pamahalaan sa mga Pilipino—anuman ang kanilang katayuan sa lipunan o propesyon—ang pinakamahusay na panlaban sa COVID-19. Kaunti na nga lang ang makakarating sa bansa, hindi pa ganoon kahusay kumpara sa ibang bakuna, at ibibigay pa sa mga mamamayang sinasabing maaaring tumanggap ng bakunang may ganitong kalidad. Ito talaga ang mangyayari kung hindi naging maagap ang mga taong pinagkatiwalaan nating pangangasiwaan ang kasalukuyang krisis at kung hindi akma ang mga solusyong itinatapat sa napakaraming suliraning hatid ng pandemya.
Ito ang panahong nangangailangan tayo ng pamumunong may malinaw na tunguhin, isang pamumunong hangad ang kabutihan ng lahat, isang pamumunong tunay na itinataguyod ang kapakanan ng mga pinamumunuan. Batid ng mahuhusay na lider ang lawak ng kanilang responsibilidad na kaakibat ng malawak na kapangyarihang nakaatang sa kanila. Sabi nga sa Lucas 12:48, “Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong maraming bagay.”
Mga Kapanalig, isang taon na ngayong buwan ang krisis ng COVID-19, ng mga paghihigpit sa ating mga gawain at sa pagkakataong kumita at mabuhay nang matiwasay. Marami na tayong dapat natutunan, marami nang dapat nagawa upang malutas ang krisis na ito. At kung wala tayong makikitang tunay at malawakang pagbabago sa kung paano tinutugunan ng pamahalaan ang mga mabigat na pagsubok na ito sa ating bayan, nakalulungkot isiping, gaya nga ng sinabi ni Pope Francis sa Fratelli Tutti, isa na naman itong trahedya sa ating kasaysayang wala tayong napulot na aral.